Inday TrendingInday Trending
Hinahangaan ang Kaisa-isang Lolang Tricycle Driver sa Kanilang Barangay; Ano nga ba ang Dahilan Kung Bakit Kumakayod pa Siya?

Hinahangaan ang Kaisa-isang Lolang Tricycle Driver sa Kanilang Barangay; Ano nga ba ang Dahilan Kung Bakit Kumakayod pa Siya?

Kapag narinig na ang pangalang “Ka Iska” sa mga panulukan ng isang barangay, tiyak na mapapangiti at hahanga ang sinuman.

Kinatatakutan at iginagalang sa kanilang barangay ang “Wonder Lola” na si Ka Iska, 55 taong gulang, na talaga namang hindi papatalo at walang inuurungan. Palaaway ba si Ka Iska? Hindi. Hindi siya papatalo sa mga kagaya niyang tricycle driver at hindi niya inuurungan kahit gaano man kalayo ang bahay ng ihahatid niyang pasahero. Napapakamot na lamang ng ulo ang mga kapwa niya tricycle driver kapag maraming pasahero si Ka Iska.

“Iba ka talaga Ka Iska. Lupit mo! Dapat nagpapahinga ka na eh, papatumba na kita,” biro ng isang tricycle driver na si Mang Kadyo.

“Hoy Kadyo tigilan ninyo ako ah. Ako pa rin ang Reyna ng Kalsada tatandaan ninyo iyan,” pagmamalaki ni Ka Iska.

Hindi palakuwento si Ka Iska ng kaniyang pribadong buhay, subalit ikinagulat noon ng mga tao sa kanilang baryo na siya ay namamasada. Bakit kagulat-gulat?

Siya lamang naman ang nag-iisang babaeng namamasada sa kanilang barangay, o kahit na siguro sa buong bayan na iyon, bukod pa sa may edad na siya. Dapat sana ay nagpapahinga na siya.

Ang totoo niyan, ang namayapa niyang mister na si Mang Pandong ang talagang namamasada. Subalit nang mawala ito, ipinasya ni Ka Iska na ipagpatuloy ang gawain nito.

Minsan, hindi maiwasang mailang ng kaniyang mga kasamahang tricycle driver na lalaki kay Ka Iska. Siya kasi ang tinaguriang “Reyna ng Kalsada” dahil hataw kung hataw sa pagtanggap ng mga pasahero. Natitigil lamang si Ka Iska sa pamamasada tuwing pananghalian at pagsapit ng gabi. Subalit sa umaga at hanggang may araw pa, talagang humaharurot ang matanda.

Noong una, marami ang nag-aalangang pasahero na sumakay sa tricycle ni Ka Iska. Iniisip nila kung kakayanin pa ba nito. Baka malagay pa sila sa peligro. Subalit sa halos tatlong taong pamamasada ni Ka Iska, pinatunayan naman niyang kaya niyang makipagsabayan sa kaniyang mga kasamahang lalaking tricycle driver. Hindi siya padadaig.

Makalipas lamang ang isang taon, naging presidente ng kanilang samahan o TODA si Ka Iska. Kinatakutan siya ng mga kapwa tricycle driver dahil wala siyang sinasanto, lalo na kapag may lumabag sa mga patakaran. Reynang-reyna ang lola mo!

Minsan, may nagtangkang magtanong at mag-usisa sa kaniya.

“Ka Iska, kailan ka ba magreretiro sa pamamasada? Bigyan mo naman kami ng pagkakataong maging sikat!”

“Hoy Berto, tigilan mo ako… hangga’t kaya ko pa, mamamasada pa ako. Kaya pa ng mga buto at binti ko. Anong gusto mo, iburo mo ako sa bahay? Hindi ako ganoon. Saka, kapag namamasada ako, pakiramdam ko ay kasama ko ang sumalangit nawa kong mister na si Pandong,” sagot ni Ka Iska.

“Ikaw na talaga, Ka Iska! Kaya idolo ka namin eh!”

Totoo iyon. Pakiramdam ni Ka Iska, nakayakap sa kaniyang likuran ang mister na si Mang Pandong. Sa tuwing namamasada niya, naiisip niyang ito ang nagmamaneho at gumagabay sa kaniya. Nawawala ang kaniyang pangungulila; ang kaniyang kalungkutan, kapag uuwi na siya sa kanilang bahay at matatambad ang katotohanan.

Ano nga ba ang tunay na dahilan kung bakit kailangan pa ring kumayod ni Ka Iska?

“Daisy, anak… narito na ako…” pagkauwi ni Ka Iska mula sa pamamasada. May dala na siyang paboritong pansit ng kaniyang anak na si Daisy, 38 taong gulang, na naparalisa dahil sa malubhang sakit sa buto. Hindi na ito makakalakad pa at makakapagtrabaho.

“Inay… nariyan na po pala kayo. Imasahe ko po kayo,” masayang bati ni Daisy na naoon ay nagbabasa ng aklat.

Lumapit naman si Ka Iska sa kaniyang anak. Hinayaan niya ang mga kamay nito na masahihin ang kaniyang balikat at likuran.

“Marami-rami tayong kinita ngayon, anak. Nakakatuwa. Iyong iba, natutuwa sila sa akin kaya hindi na nila kinukuha ang sukli. Bentahe rin na babae at matanda na ang tricycle driver nila, humahanga sila. Bakit, sino bang nagsabing hindi puwedeng maging tricycle driver ang isang matandang babaeng kagaya ko?” natatawang sabi ni Ka Iska.

Napangiti si Daisy sa sinabi ng kaniyang ina.

“Inay… patawarin mo ako. Alam kong nahihirapan ka na rin sa pamamasada. Dapat ako ang nagtatrabaho ngayon, pero heto ako… imbalido. Walang ginagawa,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Daisy.

Niyakap siya ni Ka Iska.

“Anak… huwag mo akong alalahanin. Gagawin ko ang lahat para sa iyo. Mahal na mahal kita,” naiiyak ding sabi ni Ka Iska.

Alam ni Ka Iska na hindi rin naman magtatagal at kailangan na niyang huminto sa pagtatrabaho dahil baka singilin na siya ng kaniyang katawan, kaya masaya siya dahil nakatagpo si Daisy ng isang lalaking magmamahal sa kaniya ng tapat.

Advertisement