Inday TrendingInday Trending
Matiyagang Nag-iikot-ikot sa Iba’t Ibang Lugar at Kalsada ang Lolong Sapatero sa Kabila ng Pandemya; Anong Biyaya ang Masusumpungan Niya?

Matiyagang Nag-iikot-ikot sa Iba’t Ibang Lugar at Kalsada ang Lolong Sapatero sa Kabila ng Pandemya; Anong Biyaya ang Masusumpungan Niya?

Pawis na pawis na si Lolo Tonying dahil 10:00 pa lamang ng umaga ay katirikan na ang araw. Saglit siyang naupo sa naraanang bakanteng upuan sa maliit na village na kaniyang iniikot. Hinubad niya ang sira-sirang sumbrero at ipinamaypay. Kinuha niya ang baong tubig, hinubad ang face mask, at saka tumungga.

Isang sapatero si Lolo Tonying. Matagal na niyang ginagawa ito, kaya kahit nakapikit ay kayang-kaya niyang mag-ayos ng sapatos. Suwelas man iyan, o ngumingiting sapatos, nagagawaran nang paraan ni Lolo Tonying. Kumpleto siya sa gamit. Kailanman ay hindi siya bumili ng sapatos dahil ginagawa lamang niya mula sa mga pinagtabasan at napulot na itinapon na.

Mag-isa na lamang sa buhay si Lolo Tonying. Ang totoo niyan, nasa Camarines Sur ang kaniyang pamilya, ngunit pinili niya noong magpakalayo-layo upang makipagsapalaran sa Maynila. Hindi na siya nakapag-asawa dahil hindi naman siya marunong pumorma, at walang nagkatipo sa kaniya sa mga babaeng tinangka niyang ligawan. Bagama’t mabait at masipag siya, minsan ay tumitingin pa rin ang tao sa panlabas na anyo at kapal ng pitaka.

Kung tutuusin, dapat nagpapahinga na lamang sa buhay si Lolo Tonying. Ngunit kailangan niyang kumayod. Hindi siya pinalad na makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan. Wala raw siya sa talaan. Simula nang magsimula ang mga ipinatupad na community quarantine, naging madalang na ang nagpapagawa ng sapatos sa kaniya. Hindi na kasi lumalabas ng bahay ang mga tao. Kaya labis na namroblema ang sapatero.

Kaya naman, nang lumuwag-luwag ang panuntunan sa paglabas ng mga nakatatanda, minabuti ni Lolo Tonying na mag-ikot-ikot upang mag-alok ng kaniyang serbisyo. Minsan, may mga naaawa sa kaniya kaya nagpapagawa. Madalas naman, sa isang araw ay walang kinikita ang sapatero. Suwertihan lang talaga.

Kagaya ngayon. Nararamdaman ni Lolo Tonying na napapagod na siya at hinihingal. Subalit kailangan niyang mag-ikot upang kumita. Kung hindi, wala siyang kakainin kinabukasan. Kaunting tiyaga lamang.

“Panginoon, Ikaw na po ang bahala sa akin. Bigyan Mo po sana ako ng kliyente,” naiusal ni Lolo Tonying. Tumingin siya sa bughaw na langit. Panalangin din niya na sana ay hindi umulan upang makapagpatuloy siya sa paglalakad.

Sa kaniyang pagtayo upang ipagpatuloy ang paglalakad-lakad, isang kotse ang huminto sa kaniyang harapan. Ibinaba ng nagmamaneho nito ang wind shield at kinuha ang atensyon ni Lolo Tonying.

“Manong! Sandali lang ho… sapatero ho ba kayo?” tanong ng lalaki kay Lolo Tonying. Sa mukha at paraan ng pagsasalita nito ay masasabing propesyonal.

“Opo, sir. Ano pong problema?” nakangiting bungad ni Lolo Tonying.

“Naku tamang-tama ho… may pupuntahan ho kasi akong seminar. Ngayon ko lang po napansin na nakangiti na pala ang sapatos ko. Ang balak ko ho’y dumaan na lamang sa mall para bumili, pero baka maremedyuhan ninyo po,” nakangiting turan ng lalaki.

“Tingnan ho natin, sir…” sabi ni Lolo Tonying. Pumarada saglit ang lalaki at hinubad ang kanang sapatos. Iniabot ito kay Mang Tonying. Pinanood niya ang sapatero habang ginagawa ang kaniyang sapatos.

“Lolo, bakit ho kayo nag-iikot-ikot? Medyo delikado pa po para sa edad ninyo ang maglakad-lakad,” usisa ng lalaki.

“Kailangan ho sir. Wala ho akong makakain kapag ‘di ako kumayod,” sagot ni Lolo Tonying.

“Napakasipag naman ninyo. Puwede ko ba kayong kuhanan ng larawan?” paghingi ng permiso ng lalaki. Nagpaunlak naman si Lolo Tonying. Ngumiti ito nang wagas habang hawak ang ginawang sapatos ng customer. Natuwa naman ang lalaki dahil polidong-polido ang pagkakagawa nito. Binigyan niya ng isanlibong piso ang sapatero.

“Naku ho, wala ho akong panukli rito, sir. Kayo nga ho ang unang customer ko,” saad ni Lolo Tonying.

“Sa inyo na po iyan, Lolo Tonying. Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal!” nakangiting sabi ng lalaki.

Abot-abot ang pasasalamat ni Lolo Tonying sa lalaki. Mangiyak-ngiyak siya. Ngayon na lamang siya nakahawak ulit ng isanlibong piso. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad upang makahanap pa ng customer.

Kinabukasan…

“Lolo Tonying! Lolo Tonying! Halika rito… tingnan mo ito…” nagdudumali ang mabait na kapitbahay ni Lolo Tonying na si Aling Ester. Hawak nito ang cellphone niya.

“Teka… hindi pa ako naghihilamos at nagdudumali ka. Ano bang nangyari?” kinakabahang tanong ni Lolo Tonying. Sinilip niya ang cellphone ni Aling Ester at nanlaki ang mga mata niya.

“Sikat ka na! Pinost ng customer mong lalaki kahapon sa pangmayamang village yung picture ng paggawa mo ng sapatos niya, at may video pa! Maraming gustong magpaabot ng tulong sa iyo,” saad ni Aling Ester.

At dahil naging viral si Lolo Tonying, maraming mga netizens ang nagpaabot ng kanilang pagtulong sa kaniya. Naitampok din siya sa iba’t ibang programang pantelebisyon sa iba’t ibang TV network upang maging inspirasyon ang kaniyang mga ginagawa lalo na sa panahon ng pandemya.

Nagkaroon ng sariling puwesto o shoe repair shop si Lolo Tonying na inisponsoran ng isa sa mga programang pantelebisyon na nagtampok sa kaniyang kuwento. Ang mga tulong-pinansyal na bumaha naman mula sa iba’t ibang mga concerned citizen ay inipon niya upang hindi masayang at magamit sa hinaharap. Hindi makapaniwala si Lolo Tonying sa biyayang dumating sa kaniya.

“Maraming salamat, Panginoon. Tunay ngang hindi Ka natutulog,” naiiyak na sambit ng pasasalamat ni Lolo Tonying.

Advertisement