Maagang umalis si Alvin ng bahay. Alam kasi niyang matatagalan siya dahil maiipit siya sa mahabang traffic kaya nagpasya siyang pumunta isang araw bago ang pagsusulit. Isa pa, galing pa siya ng ibang probinsya at gusto sana niyang pagdating sa lugar na pupuntahan ay siguradong maayos ang kaniyang kalagayan.
Importante kay Alvin ang araw na ito. Dahil kukuha lang naman siya ng board exam upang maging lisensyadong doktor na. Pinaghandaan niya iyon nang husto at talagang siniigurado siyang makakapasa siya kahit ano pa man ang itanong sa exam.
“Ito na iyon. Sabik na akong matawag na Dr. Alvin Cruz!” wika niya sa kaniyang sarili habang nasa bus na siya.
Imbes na buklatin pa ulit ang kaniyang libro upang mag-aral ay mas pinili niyang tingnan na lamang ang mga magagandang tanawin. Maraming mga bundok, mga palayan, at kitang-kita ang mabagal na pagsikat ng araw. Hindi siya kabado, ngunit sabik na sabi siya sa kung ano ang maaaring mangyari sa kaniya sa araw na iyon. Maya-maya pa’y bigla na lamang nagkagulo sa loob ng bus. Tinanggal niya ang earphones na nakasalpak sa kaniyang tainga at sinilip kung bakit nagkakagulo doon. Pagkakita ay isang lalaki ang bigla na lamang bumulagta sa sahig.
Agad na tumayo si Alvin at nagtungo sa pwesto ng lalaki. Nang makita ito, wala sinuman ang may alam kung ano ang nangyayari rito. Walang taong naglalakas ng loob upang tulungan ang lalaking hirap na hirap sa paghinga. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Alvin at agad namang sinuri ito. Nakita niyang hindi makahinga ang lalaki at kinakailangan itong bigyan ng paunang lunas. Ngunit walang kasama ang lalaki upang humingi siya ng permiso.
“Tu…long. Tu…long…” paulit-ulit na bulong ng lalaki kay Alvin.
Naawa si Alvin sa lalaking ito. Kaya naman, siya na mismo ang gumawa ng nasabing proseso.
“Tumawag kayo ng ambulansya!” sambit ni Alvin sa mga tao sa bus.
Sinimulan niya ang paunang lunas na kailangan ng lalaki. Nang matapos iyon, agad namang dumating ang ambulansya kasabay nito ay ang mga sasakyan na dala-dala ang pamilya ng lalaki. Ito pala’y mayaman at ma-impluwensiya. Nagkataon lamang na nasiraan iyon ng sasakyan kaya naman pinili niyang mag-commute.
Ang lahat ay huminga nang maluwag dahil sa nangyari. Ganoon din si Alvin na natuwa dahil nakatulong siya upang humaba pa ang buhay ng lalaki. Pinalakpakan siya ng mga tao dahil humanga sila sa pinakita ng binata. Hanggang sa maya-maya pa ay may mga pulis na dumating. Naglakad ito diretso sa loob ng bus at tumigil sa pwesto ni Alvin.
“Ikaw po ba ang nag-first aid sa lalaki kanina?” tanong ng isang pulis.
“O-opo, ako nga po,” sagot naman niya.
“Sumama ka sa amin sa presinto. Doon ka na lamang magpaliwanag,” tugon muli ng pulis.
Ang lahat ay nagtaka dahil sa nangyari. Ang bayaning sumagip ng buhay kanina lamang, ngayon ay hinuhuli ng pulis. Sumama naman si Alvin nang kusa kahit may kaba sa dibdib at hindi alam ang gagawin. Kalmado at panatag si Alvin sa kaniyang sarili dahil wala namang mali sa kaniyang ginawa dahil buhay ang nakasalalay doon.
May oras pa siyang natitira upang mapaliwanag ang lahat at makadalo sa pagsusulit niya kinabukasan. Subalit lahat ng ito ay gumuho, ang kaniyang mga pangarap at pag-asa nang sabihin sa kaniyang magpapatong ng kaso ang pamilya ng lalaking tinulungan niya. Dahil hanggang ngayon ay nasa ospital pa din ang lalaki at hindi pa nagkakamalay. Nagkaroon daw kasi ng komplikasyon ang lalaki at siya ang sinisisi.
Habang nakalagak sa kulungan, nakatulala na lamang sa hangin ang binatang si Alvin. Hindi niya akalaing ganito pa ang kahahantungan niya gayong alam niya namang ginawa niya ang tama. Ngunit sa kabilang banda, ay ang hindi pagsunod sa batas. Kung ang buhay naman ang nakasalalay doon, handa siyang labagin iyon upang masalba pa ito.
“Mr. Cruz, mayroon kang bisita,” tawag ng pulis sa kaniya.
Nang makarating sa bandang labas, nakita niya ang ina at amang nagpipigil ng luha.
“Nay, tay, bakit pa kayo nagpunta dito? Aalis na rin ako dito hinihintay lang iyong papel na pinagkasunduan,” nakangiting wika niya sa mga magulang. Ngunit nagsimula ng umiyak ang ina habang marahang kinakausap ang anak.
“Nak, ano ba ang ginawa mo, nak? Paano na ang pagsusulit mo bukas? Paano na ang pangarap mong maging doktor?” aniya.
“Hindi ma, ayos lang po. Aayos lang po ako…” naluha na nang tuluyan si Alvin.
“Lalaban tayo, nak. Wala kang ginawang masama. Tungkulin mo ang magsalba ng buhay ng tao. Tama lang ang iyong ginawa,” paalala sa kaniya ng ama.
Nag-iyakan ang buong pamilya habang niyakap ang isa’t isa. Hindi man alam ang kung ano ang mamgyayari sa kinabukasan, sigurado siyang pagpapalain ang taong may mabuting hangarin.
Dumating ang hating-gabi. Alalang-alala muli si Alvin. Alam niyang kapag siya ay nakulong at nakasuhan nang tuluyan, malabo ng matupad ang pangarap. Hanggang sa…
“Mr. Cruz, may bisita ka,” muling tawag ng pulis sa kaniya.
“Anong oras na ah,” aniya sa sarili.
Pagkakita’y naroon ang isang babae na nakayuko. Nahihiya ito kay Alvin dahil sa ginawa niyang pagpapahuli dito kahit na siya pa ang tumulong sa asawa niya. Nilapitan siya nito at humingi ng tawad sa ginawa niya.
“Toy, salamat. Salamat nang marami. Nagkamalay na ang asawa ko at sinabi niya sa akin ang lahat. Utang namin sa iyo ang buhay ng asawa ko at patawarin mo sana ako sa ginawa kong pagpapahuli sa’yo gayong ikaw na nga ang nagmagandang-loob,” anito kay Alvin.
“Mabuti naman po at ayos na ang asawa ninyo. Walang anuman po. Ginawa ko lang naman po kung ano ang dapat na gawin. Kailangan ko na rin pong makalabas dito kasi mayroon akong pagsusulit bukas para maging isa na akong lisensyadong doktor,” tugon naman ni Alvin sa babae.
Nagkapatawaran naman ang lahat. Nang malaman nilang may pagsusulit si Alvin sa Maynila, agad na inurong nito ang reklamo. Nangako pa silang susuportahan ang binata sa pangarap nito at ibibigay ang anumang tulong na maaari nilang maibigay. Ito ay bilang kapalit ng kabayanihang ginawa ni Alvin dahil siya’y nanindigan sa tama at hindi nagpatinag sa anumang hahadlang sa kaniyang mabuting hangarin. Naisip niyang tama nga siya, na ang mabuting hangarin ay pinagpapala ng Diyos.