Inday TrendingInday Trending

“Hoy Cindy! Kailan ka ba magpapadala ng pera, aber? Sinisingil na ako ng pinagkakautangan ko at bayaran na naman ng kuryente at tubig,” mataray na bungad ni Aling Cynthia sa anak nang magsimula ang kanilang video call.

“Nay, kailan lang ho ay nagpadala na ako sa inyo ha? Bakit hindi po kayo nakabayad?” nanlulumong tanong ni Cindy sa ina. Puro sumbat at masasakit na salita naman ang inabot niya dahil sa kaniyang pangangatwiran.

Laging ganoon ang eksena nila tuwing manghihingi ang mga ito ng pera na tila ba nagtatae siya ng pera sa ibang bansa. Pati mga kapatid na nagsipag-asawa na ay sa kaniya pa rin umaasa, gayundin ang kaniyang ama na wala na ngang trabaho ay pasanin niya pa rin. Sa katunayan ay ang mga ito ang pumilit sa kaniya na mag-abroad kahit pa nga working student siya noon. Kinonsensya siya ng mga ito, naturingan daw siyang panganay ngunit ni ayaw daw niya magsakripisyo para sa kanila. Sa huli ay heto nga’t tumigil siya at ngayon ay nagtatrabaho na sa Singapore.

“Napakadamot mo! Akala mo kung sino ang nanghihingi sa’yo, eh pamilya mo rin naman!” dagdag na sumbat pa ng ina.

Upang matapos na lang ang diskusyon ay sinabi na lang niya na magpapadala siya ng mas maaga. Imbes na magpasalamat ay basta na lang siyang binabaan nito ng telepono.

Nanginginig ang kaniyang labi sa sama ng loob, pero mabilis niyang pinunasan ang luhang umalpas sa kaniyang mata. Nasasaktan siya dahil hindi man lang naalala ng mga ito na kaarawan niya ng araw na iyon. Huminga siya ng malalim atsaka nagpasyang bumalik na sa trabaho. Walang mangyayari kahit lumuha pa siya ng dugo.

Mahirap ang kaniyang trabaho bilang yaya ngunit maswerte siya dahil napakabait ng pamilyang kaniyang pinagsisilbihan. Pagbaba niya nga sa kusina ay nagulat siya dahil p*tay ang mga ilaw. Nang buksan niya iyon ay bumulaga sa kaniya ang masayang pagbati ng buong pamilya Lee.

“Happy birthday, Cindy!” sabay-sabay na bati ng mga ito. Naantig naman ang damdamin niya nang yakapin siya ng kambal na kaniyang inaalagaan. Niyakap din siya ni Mrs. Lee habang ang mister naman nito ay inabutan siya ng isang puting sobre bilang regalo raw nito. Lubos ang pasasalamat ni Cindy dahil bukod doon ay may simpleng handaan pa sa lamesa. Ni minsan sa kaniyang buhay ay hindi siya nakapagdiwang ng kaniyang kaarawan. Madalas pa nga ay walang nakakaalala ng okasyon liban sa ilang malalapit na kaibigan niya. Ngunit nang mga sandaling iyon, naramdaman niya mahalaga siya at may nagmamahal sa kaniya.

“Thank you very much, Ma’am and Sir. Thank you, Shin and Jin,” sabi niya sa mga ito na hindi na naitago pa ang luha. Nagsalo-salo sila sa espesyal na hapunan. Kahit noong una ay hindi ipinaramdam ng pamilya na katulong lang siya. Kaya nga lalo niyang pinagbubuti ang trabaho upang suklian ang kabutihan ng mga ito. Ang araw na iyon ang pinakamasayang araw sa buhay niya.

Matapos ang ilang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa ina at ama. Mayroon daw mas magandang trabaho sa Saudi. Ayon daw sa Tiya Karen niya na tatlong beses na mas malaki ang sahod kaya inutusan siya nitong magresign na upang sa Saudi na lang magtrabaho.

“Si Tiya Karen ma, pa? Eh diba galit kayo doon at sabi niyo pr*stitute iyon sa ibang bansa?” sabi niya.

“Oo nga, eh…” nag-aalangang sabi ng kaniyang ama at saka tumingin sa ina na animo ay humihingi ng tulong na magpaliwanag.

“Dati iyon! Ngayon ay gusto ka nga niyang ipasok sa trabaho dahil may bakante raw. Huwag ka nang mag-inarte Cindy at maging praktikal ka na lang. Aanhin mo ang puri, edi pagkakitaan na lang natin.” Pagkarinig sa sinabi ng ina ay paraang may bombang sumabog sa loob niya. Gaano na ba kawalang kwenta ang tingin nito sa kaniya para basta-basta na lang siyang isubo sa ganoong uri ng trabaho? Anak ba ang tingin ng mga ito sa kaniya o isa lang utusan? Anong klaseng mga magulang ito?

Ang patong-patong na sama ng loob ang nag-udyok sa kaniya para wakasan na lang ang tawag. Mula nang araw na iyon ay pinutol niya ang lahat ng komunikasyon sa pamilya. Mananatili na lang siya sa Singapore at nagpasyang pagsisilbihan ang pamilya Lee hangga’t kailangan siya ng mga ito.

Mahirap sa kaniyang gawin ang desisyon na iyon ngunit sa sa wari niya ay tama na ang mga pagpapasakit at hirap niya. Hindi niya kailangang isuko ang buong buhay, pati ang dignidad niya para sa mga taong hindi siya kinalinga kailan man.

Naabutan siya ni Mrs. Lee na umiiyak. Walang pagaalinlangan ay niyakap siya nito at hinayaan siyang umiyak sa balikat nito.

“We are not your true family, but you are always welcome in this house,” pang-aalo sa kaniya ng intsik na ginang. Sunod ay inabutan siya ng kambal ng tissue. Malungkot din ang mukha ng mga ito nang makitang umiiyak siya at saka yumakap sa kaniyang hita. Ninamnam niya ang sandaling iyon at saka pumikit.

“Panginoon, hindi ko po alam kung anong kabutihan ang nagawa ko at biniyayaan niyo ako ng lubos. Kapag dumating na po ang panahon, nawa po ay tulungan mo rin akong magpatawad muli sa aking tunay na pamilya,” tahimik niyang usal.

Kahit durog ang puso ay patuloy siyang kumayod. Dahil walang pinapadalhan ay madali siyang nakaipon, ngunit hindi naman niya maatim na gastusin iyon para sa sarili. Lumipas ang limang taon ay nabalitaan niya sa kaniyang malapit na kaibigan na may sakit daw ang kaniyang ama at malala na ang kalagayan nito. Akala niya ay wala na siyang pakialam ngunit labis siyang nag-alala kaya nagpasya na siyang umuwi sa Pilipinas. Walang naging problema sa kaniyang mga amo, ngunit ang kambal ay panay ang iyak. Nangako naman siya na babalik doon at bibisitahin ang mga ito. Hinatid pa siya ng mga ito sa airport at binigyan siya ng bonus.

“You are so kind to me Mr. and Mrs. Lee, thank you very much for everything,” maluha-luha niyang sabi at saka niyakap ang mga ito.

Paglapag niya sa bansa ay dumiretso kaagad siya sa ospital na sinabi ng kaibigan. Naabutan niya ang ina at mga kapatid na nakapalibot sa kama ng ama. Nang makita siya ng mga ito ay hindi niya alam ang gagawin. Nakatayo lang siya sa may pintuan nang magsalita ang kaniyang ama.

“Cindy, anak…” sabi nito at saka ibinuka ang braso. Agad naman niyang niyakap ang ama at hindi na niya napigilang mapaluha. Inaasahan siyang susumbatan siya ng kaniyang ina ngunit mainit na yakap at luha lang din ang tugon nito. Nagkapatawaran na ang buong pamilya at nagpasyang harapin ang bukas ng sama-sama. Lahat sila ay may pagkakamali noon ngunit habang buo pa sila, ngako silang gagawin ang lahat upang makabawi sa pagkukulang ng bawat isa.

Advertisement