“Liza, ang ganda-ganda nitong bahay mo, ang laki pa! Isa na lang ang kulang, pintura!”
Isang misteryosong ngiti lang ang sagot ni Liza sa sinabi ng kaibigang si Jamie.
“Ewan ko ba naman dyan bakit ayaw pinturahan ang bahay niya!” sabat pa ni Lily at saka komportableng nahiga sa malambot na sofa. Bumisita sila noon sa bagong tayong bahay ni Liza ngunit sa dismaya nila ay natuklasan nilang wala pa rin iyong pintura. Mukhang seryoso sa desisyon nito ang dalaga na huwag lagyan ng kulay ang bahay nito.
“Ay naku, maganda pa rin naman kahit wala pang pintura ah,” pagtatanggol ng dalaga sa bahay.
“Pa? So may balak ka ngang pinturahan ito. Ano ba kasing hinihintay mo?” Kapag tinatanong nila si Liza sa dahilan nito ay isang misteryosong ngiti lang lagi ang sagot nito.
Nagkakila-kilala lang ang tatlo sa kompanyang pinagtatrabahuhan nila. Ang alam lang nila tungkol kay Liza ay mula ito sa probinsya at maagang nakipagsapalaran sa Maynila upang makaahon. Nakakuha ito ng scholarship kaya’t nakatapos ng pag-aaral, at ngayon nga ay matagumpay na arkitekto na ito. Nagtataka sila dahil sa ganda ng mga ginawa nitong bahay bilang proyekto, ang bahay naman nito ay hindi nito tinapos dahil nga walang pintura.
“May party pala mamaya kasi birthday ni Kevin, iniimbita ka Liza,” sabi ni Jamie. Nang hindi sumagot ang dalaga ay napabuntung-hininga na lang ang dalawa.
“Alam mo Liza, walang kabuhay-buhay ‘yang buhay mo. Lahat ng kasiyahan pinagkakait mo sa sarili mo. Magpakasaya ka naman girl! Sayang ang ganda at pinaghirapan mo oh!” yun naman lagi ang payo ng mga kaibigan kay Liza ngunit parating may dahilan ito.
Hanggang sa dumating nga ang isang araw na nagkaroon ng matinding aksidente si Liza. Nagmaneho ito habang umuulan at bumangga ang sasakyan nito. Malala ang sinapit nito at ma-comatose ng ilang araw. Dahil walang kakilalang kamag-anak nito ay walang matawagan sina Jamie at Lily. Nang magising ito, gulat na gulat sila dahil bigla itong humagulgol ng iyak. Natataranta na ang magkaibigan dahil hindi magawang mapatahan ang kaibigan. Sa tagal nilang magkakilala ay ngayon lang nila nakitaan ng ganoon katinding emosyon ito. Ilang oras pa itong umiyak nang umiyak habang paulit-ulit na humihingi ng tawad.
“Sssh, Liza nandito kami, ano bang nangyayari sa iyo?” bakas ang labis na pag-aalala sa dalawa.
“J-jami, L-liza.. kailangan kong b-bumalik s-sa, sa a-amin, pero h-hindi ko alam kung matatanggap p-pa nila ako..” sisinok-sinok na sabi ng dalaga.
Nang lubusan itong kumalma ay saka nila nalaman ang tunay na pangyayari sa malungkot na pamumuhay ni Liza.
“Pitong taon na ang makalipas noong umalis ako sa probinsya namin. Sobrang hirap ng buhay namin sa bukid, at pagod na pagod na akong palaging magsakripisyo para sa pamilya ko. Naiinis ako na wala silang mga pangarap sa sarili nila at kuntento na sa buhay namin. Nagalit akong makita na masaya na silang maging mahirap habang-buhay. Nangarap akong isang araw ay makaalis din ako doon at maiahon sila, ngunit nang sabihin sa akin ng nanay at tatay na hindi nila ako kayang pag-aralin sa kolehiyo ay nagrebelde ako. Isang gabi ay ninakaw ko ang lahat ng ipon nila na ipangbibili sana ng mga binhing pananim namin, at lumuwas ako pa-Maynila. Pagdating ko dito ay kahit ilang beses akong mahirapan ay ipinagpatuloy ko. Nang marating ko na ang mga pangarap ko, ngayon ko lang napagtanto na nawala na pala sa akin ang pamilya ko. Tinangka kong bumalik at nakita kong napakahirap pa rin ng buhay nila. Ni wala pa ring pintura ang bahay namin… wala akong karapatang sumaya habang naghihirap sila. Tiyak akong itataboy nila ako dahil sa ginawa ko noon,” iyon lang at muli na namang lumuha ang dalaga.
Ngayon alam na ni Jamie at Lily ang dahilan kung bakit ayaw gastahin ni Liza ang pera nito sa luho, kung bakit ayaw nitong pagbigyan ang sarili na makipagrelasyon, at kung bakit ayaw nitong pinturahan ang bahay nito. Malamang ay iyon ang mga paraan nito upang parusahan ang sarili sa mga dating kasalanan.
“Liza… pamilya mo pa rin sila. Huwag mong hayaang mauna sa iyo ang takot. Ngayon may kakayahan ka na upang bumawi sa mga nagawa mo,” sabi ni Lily.
“Tama, tiyak akong binigyan ka pa ng pagkakataon ng Panginoon na mabuhay upang maituwid ang relasyon mo sa pamilya mo,” dugtong pa ni Jamie.
Sa mga mabubuting payo ng mga kaibigan at panalangin nakahugot ng lakas ng loob si Liza na bumyahe pabalik sa probinsya at harapin ang kaniyang pamilya. Pagdating niya doon ay naabutan niyang may munting salu-salo, malamang dahil kaarawan ng kaniyang ina. Napalingon ang mga ito nang iparada niya ang kotse sa tapat ng bahay nila at bumaba doon. Nang lumapit siya sa mga ito ay parang sasabog ang puso niya sa mahabang katahimikan na sumunod. Napayuko siya at napaluha, hanggang sa naramdaman niya ang mainit na yakap ng kaniyang ama.
“Anak ko, sa wakas bumalik ka na!” naluluhang sabi nito sabay halik sa tuktok ng kaniyang ulo. Napahagulgol siya nang nakisalo na sa yakap pati ang kaniyang ina at mg aka[atid. Inaasahan niyang sisigawan at itataboy siya ng mga ito ngunit sa huli ay tanging ngiti at yakap lang ang sumalubong sa kaniya.
Matapos ang madamdaming tagpo, nanghingi ng tawad si Liza sa mga nagawa. Bukas palad siyang pinatawad ng mga magulang at kapatid na tuwang-tuwa na makitang nagtagumpay siya sa buhay. Nagpasya ang dalaga na ipararanas sa mga ito ang kaginhawaan ng buhay at nangakong babawi sa lahat ng panahong nasayang nila.
Napawi lahat ng takot at bigat na matagal nanahan sa kaniyang puso. Habang tinitingnan niya ang mukha ng bawat isa, ang maliit pa rin nilang bukid, ang bahay nilang wala pa ring pintura, napuno ng kaligayahan ang kaniyang puso, dahil sa wakas, nakauwi na siya.