Mahal ng Dalaga ang Ina Ngunit Minsa’y Naiisip Niyang Pabigat Ito sa Buhay Niya; Anong Leksyon ang Matutunan Niya?
“Tara Suzy! Sabi ni Kevin huwag ka daw mawawala sa party niya eh,” sabi ni Joli sa kaniya habang nagmamadali itong nag-ayos ng gamit. Uwian na nila at dahil kaarawan ng kanilang katrabahong nanliligaw sa kaniya.
“Eh… pasensiya na. Si nanay kasi walang kasama sa amin, alam mo namang kagagaling lang nun sa sakit kaya hindi ko maiwan,” nanghihinayang na sabi ni Suzy sa kaibigan. Naintindihan naman ng kaibigan ang sitwasyon ni Suzy. Nauna na ito sa party at sinabing ito na ang bahala magpaliwanag kung bakit ‘di na naman siya makakasama sa kanila.
Malungkot na umuwi si Suzy. Ramdam niya ang bigat sa dibdib niya kapag ganoong pakiramdam niya ay napag-iiwanan na siya. Marami siyang gustong gawin sa buhay lalo na ngayong nasa wastong gulang na siya at may trabaho na, ngunit dahil sa kalagayan ng ina ay hindi niya iyon magawa.
Pagbukas niya ng pinto ng kanilang simpleng apartment ay sumalubong sa kaniya ang usok at amoy ng nasusunog. Natataranta niyang hinanap ang pinagmulan noon at nakitang nasusunog na ang kawaling nakasalang sa malakas na apoy. Agad niyang pinat*ay ang apoy at saka inilagay ang kawali sa kanilang lababo upang banlawan iyon. Lumabas mula sa kwarto ang kaniyang Nanay Celia nang marinig ang komosyon.
“Ano ka ba naman, ‘nay?! Muntik nang masunog ang bahay natin oh! Bakit niyo iniwang nakabukas ang kalan?!” malakas na sigaw ni Suzy dala ng matinding kaba.
“E-eh, nakalimutan kong isinalang ko pala… nakaidlip ako sa k-kwarto,” parang maiiyak na si Nanay Celia nang magpaliwanag sa anak. Nang makita ang nangingilid na luha ng ina dahil sa kaniyang pagsigaw ay lumambot naman ang puso ni Suzy.
Niyakap niya ang ina upang aluin ito. Mayroon na kasi itong Alzheimer’s disease kaya madali itong makalimot ng mga bagay-bagay. Ilang beses na itong napapahamak dahil doon kaya naman parating nag-aalala si Suzy sa tuwing iiwan niya ito mag-isa sa bahay. Dahil bago palang siya nagtatrabaho ay hindi niya pa kayang kumuha ng katulong na pwede ring tumingin dito. Kaya ngayon ay bukod sa trabaho ay asikasuhin niya pa rin ito. Mahal niya ito ngunit nitong mga nakaraan ay tila ba napapagod siya kakaintindi dito at nadadagdagan pa iyon ng stress sa trabaho.
Naputol ang kaniyang pagsisintir nang marinig ang katok sa pintuan. Nagtaka siya dahil wala naman siyang inaasahang bisita.
Nagulat siya nang mapagbuksan ng pinto si Joli kasama si Kevin.
“Naku! Pasensiya ka na Suzy eh nagpupumilit itong si Kevin na puntahan ka daw, hindi ko na natiis kaya’t sinamahan ko na rito sa inyo,” nanghihingi ng tawad na sabi sa kaniya ng pinakamatalik na kaibigan.
Hindi mapigilang magalak ni Suzy dahil sa totoo lang ay may pagtingin naman talaga siya sa masugid na manliligaw. Ngunit dahil nga sa sitwasyon ng kaniyang ina ay pinangako niya sa sarili na hindi muna papasok sa isang relasyon.
“Pasensiya ka na Suzy, gusto lang talaga kitang makita ngayong kaarawan ko. May dala-dala rin pala kami para sa’yo at saka kay Tita. Iyon lang… sana marinig ko na rin ang sagot mo,” nagpapahiwatig na sabi nito.
“Salamat Kevin, pero… alam mo naman ‘di ba? Si Nanay kasi…” nag-aalangan na sagot niya. Kapag iyon na ang nababanggit niyang rason ay hinahayaan na lang siya ng binata at sinasabing maghihintay ito kung kailan handa na siya. Kung sakali man daw ay handa naman itong intindihin at suportahan siya sa pag-aalaga sa ina niya. Ngunit ayaw ni Suzy dahil para sa kaniya ay sobrang magiging pabigat para dito pati silang mag-ina.
Labis na lungkot ang lumukob sa puso ni Suzy. Umuwi na kaagad si Kevin matapos muling mabigo ngunit nanatili muna sa kanila si Joli upang damayan ang kaibigan na alam niyang dinamdam din ang pangbabasted. Nakaupo ang magkaibigan sa sala at ‘di napigilang maluha ni Suzy.
“Mahal ko siya Joli, ngunit paano naman ang nanay ko? Mahahati ang oras ko at tiyak mas mahihirapan akong pagsabay-sabayin ang lahat. Pagod na pagod na nga rin ako sa pag-aasikaso sa lahat, kaya sa tingin ko ay tama lang ang ginawa kong pagtanggi. Pero masakit…” iyak ng dalaga.
Lingid sa kaalaman nila ay naririnig iyon lahat ni Nanay Celia. Labis itong nalungkot nang makita ang paghihirap ng anak. Naluha ang matanda nang mapagtantong pagod na rin ang anak na alagaan siya. Kaya’t noong gabing iyon ay nagpasya si Celia na umalis at pumunta sa bahay ng kaniyang kapatid. Wala siyang perang pamasahe kaya’t minabuti niyang maglakad dahil kabisado niya naman ang daan papunta doon.
Nagising si Suzy na hindi mahagilap sa apartment ang kaniyang ina. Akala niya ay nasa krwarto nito iyon ngunit nagulat siya nang madatnang bakante iyon. Agad-agad niyang tinwagan ang kaibigan at mga kamag-anak upang hanapin ito. Sa pag-aalala ay siya na mismo ang lumabas sa kalsada para hanapin ito. Naiyak siya nang tuluyan nang makita itong nakaupo sa isang parke malayo-layo na sa kanila. may dala itong maliit na bag.
“’Nay! Saan ba kayo pupunta?! Pinag-alala niyo ‘ko ng husto!” sigaw ni Suzy atsaka niyakap ang ina.
“Pupunta sana ako kina Tiyo mo, pero… p-parang nakalimutan ko na yata ang bahay nila,” sabi ni Celia. Nang makitang umiiyak ang anak ay tinapik-tapik niya ang likod nito.
“Salamat at dumating ka anak. Patawarin mo si nanay kung nagiging pabigat na ako sa iyo. Wala na kong maitulong dahil sa sakit ko kaya’t puro sakripisyo ka sakin. Sa edad mo ay dapat nagsasaya ka ngunit natatali ka sa’kin, patawarin mo ‘ko. Hiling ko lang na maging masaya ka ngunit habang nandito ako ay hindi mo magawa-gawa ang mga gusto mo,” napaiyak na rin si Celia.
Labis na nakonsensya si Suzy sa sinabi ng ina. Hindi niya akalaing sa kaniyang mga kilos ay iyon ang mensaheng naipaaabot niya dito. Doon niya napagtanto na kung tutuusin ay mas marami pa rin itong sinakripisyo para palakihin siyang mag-isa. Pinuspos siya nito ng pagmamahal kaya ngayon ay gusto niyang suklian din ito. Alam niya naman na hiling lang din nito na sumaya siya.
Niyakap niya ito nang mahigpit at nangako sa sarili na aalagaan ito hanggang kaya niya, katulad ng ginawa nito para sa kaniya. Sabay na umuwi ang mag-ina na kapwa desidido na mas susuportahan pa ang bawat isa.