Masugid na Tagahanga ng Artista ang May Kapansanan Niyang Kapatid; Sa Kanilang Pagtatagpo, May Matamis na Handog Pala ang Kapalaran
“Ate sige na! Payagan mo na ‘kong makita si Jiro. Please! Malapit naman na birthday ko eh!” Pamimilit ni Joy sa kaniyang ateng si Lily. Wala itong ibang bukambibig kundi and papalapit na album launching at fansigning ng paborito nitong singer. Pagkakataon na raw nito para makapagpapirma at makita sa malapitan si Jiro. Sa nakikitang tuwa sa mata nito ay wala nang nagawa si Lily kundi pagbigyan ang hiling nito. Tulad ngayon na hiniling nito na pumunta sila sa park, tulak-tulak niya ang wheelchair nito habang ito ay walang katapusan ang kwento.
Malambot talaga ang puso niya pagdating sa kapatid dahil ito na lang ang natitira niyang pamilya. Pumanaw na kasi ang kanilang mga magulang tatlong taon na ang nakalipas. Bilang nakatatandang kapatid ay siya na ang umako ng lahat ng responsibilidad dito. Noong bata si Joy ay dinapuan daw ito ng sakit na naging dahilan ng pagkalumpo nito. Mahal na mahal ni Lily and dalagitang kapatid kaya kahit hirap siyang pagsabay-sabayin ang lahat ay hangga’t kaya niya ay ibinibigay niya ang gusto nito.
Pagkauwi sa kanila ay nagpasya si Lily na tingnan sa YouTube at kilalanin ang paboritong singer ng kapatid. May nakita siyang video nito na kumakanta at pinanood niya iyon. Magaling ito at talaga namang may hitsura. Napakunot ang noo niya nang matitigan ito, pakiramdam niya kasi ay nakita na niya ito dati… pero ‘di niya maalala kung kailan at saan.
Isang gabi bago ang inaabangang araw ni Joy ay bigla itong nanghina at nawalan ng malay. Natataranta itong isinugod sa ospital ni Lily at doon nga ay nalaman nilang mayroon pala itong matinding sakit sa buto. Buong magdamag na walang magawa si Lily kundi bantayan ang kapatid at ipagdasal ito. Naalimpungatan siya sa umaga nang gisingin siya ng kapatid na nakaratay sa kama.
“Joy! Gising ka na!” Sabi ni Lily at niyakap ang kapatid.
“Ate… Pasensiya ka na at nagkasakit na naman ako. At saka… ngayon ko po sana makikita nang personal si Jiro pero hinang-hina ang katawan ko. Gusto ko po talagang makapagpirma ng album sa kaniya, ate…” Iyon lang at tuluyan nang umiyak si Joy. Awang-awa si Lily dito dahil marami itong bagay na gustong gawin ngunit hindi magawa dahil sa kapansanan nito. At ngayong may bago na naman itong sakit na kakalabanin ay napuno ng kirot ang kaniyang puso.
“Sssh, tahan na Joy. Si ate na ang bahala ha? Sisiguraduhin kong makabili ng album ni Jiro tapos papapirmahan ko sa kaniya. Wala kang ibang dapat alalahanin kundi ang magpagaling. Pagaling ka ah? Para makita mo na siya ng personal…” Pagpapalakas ni Lily sa kapatid.
Katulad ng pinangako niya ay pumunta nga si Lily sa fan signing event ni Jiro. Napakaraming tao, pagkatapos niyang bumili ng album ay dali-dali na siyang umupo sa mga nakapilang upuan para makapagpapirma. Dahil sa pagod ay ‘di niya namalayan na nakatulog pala siya. Naalimpungatan siya nang may umalog sa kaniyang balikat.
“Miss, bawal po matulog dyan, tapos na po yung event.” Napabalikwas ng bangon si Lily sa sinabi ng guard na gumising sa kaniya. Iginala niya ang paningin at nakitang halos wala nang tao sa hall kung saan ginanap ang fan signing. Swerte niya nang makitang nandoon pa ang artista sa dressing room. Patakbo siyang pumunta doon kaso ay hinarang siya.
“Kuya, please saglit lang po. Para sa kapatid kong may sakit lang po ito,” pagmamakaawa ng dalaga ngunit hindi siya pinayagan. Hanggang may narinig siyang tumawag sa pangalan niya. Nagulat siya nang si Jiro mismo iyon.
“Kilala mo ako?” nagulat na tanong ni Lily.
“Hindi mo ba ko naaalala? Kaklase mo ko nung college, ako yung… nevermind. Kailangan mo ba ng pirma ko?” sabi nito sabay gwapong ngumiti.
“Ah oo, tagahanga mo ang kapatid ko. Papirmahan naman tong album mo please,” sabi ni Lily habang pinipilit maalala kung saan niya ito nakilala.
“Tulad ka pa rin ng dati, lagi mong inuuna ang kapakanan ng kapatid mo kaysa sarili, hanga talaga ako sa’yo Lily,” pagkasabi nun ng binata ay saka lang naalala ito ni Lily. Oo! Ito nga ang dating manliligaw niya! Natatandaan niya na ang gabing iyon na kakarating lang niya sa group date nila ngunit nakatanggap siya ng tawag na nahulog daw sa hagdan ang kapatid niya. Taranta siyang sumugod sa ospital at ito pa ang naghatid sa kaniya. Ngunit simula ng gabing iyon ay hindi na ulit sila nagkita dahil pumunta na ito sa ibang bansa.
Napasinghap siya, “Jiro? As in Jiro Castillo?! Pasensiya na at ‘di kita agad naalala! Salamat nga pala sa pagtulong mo sa akin dati ah, pasensiya na talaga, nakakahiya,” sabi ni Lily. Mas lumaki naman ang ngiti ng binata nang maalala na siya nang dalaga. Nag-offer pa ito na ihatid siya sa ospital kung saan naroon ang kapatid niya. Nahihiya man ay tinanggap ni Lily ang alok nito dahil tiyak na matutuwa si Joy.
Pagdating sa ospital ay hindi makapaniwala si Joy na dinala ng ate niya sa ospital ang hinahangaang singer. Napaiyak na lang siya at ilang beses nagpakuha ng larawan.
Napadalas ang pagtatagpo ni Lily at Jiro dahil binibisita ng binata parati si Joy. Noong una ay naa-aalangan si Lily ngunit nalaman niyang ang dahilan pala ay malalim.
“Pumunta ako sa America noon kasi nagkaroon din ako ng bone canc*r, kaya alam ko ang hirap na dinadanas ni Joy. Doon din ako nagdesisyon na sumulat ng mga kanta, kaya sana makatulong ang mga kanta ko bilang pagpapalakas kay Joy. At sa iyo.
Unti-unti nang nahulog ang loob ni Lily kay Jiro nang makita ang kabutihan nito. Nagpasya itong ihayag sa media na ito rin ay canc*r survivor, at nagsimula ng kampanya na sumusuporta sa lahat ng taong dumaranas ng ganitong sakit.
Hindi rin naman makakaila na gusto rin talaga ng binatang artista si Lily. Si Joy pa nga ang pinaka-excited nang magligawan ang mga ito. Aniya ay nasa tabi na niya ang pinakahinahangaan niyang mga tao.
“Salamat sa lahat ng ginawa mo Jiro para sa kapatid ko, at sa mga taong may katulad niyang sakit. Dito lang ako sa tabi mo para suportahan ka,” sabi ni Lily sa nobyo.
“Salamat din Lily, kahit tinulugan mo lang yung performance ko nung umattend ka ng fan signing ko, mahal pa rin kita,” tumatawang sabi ni Jiro dahilan para kurutin ito ng dalaga.
“Pero seryoso. Dahil sa inyo ni Joy, nagkaroon ako ng lakas na gamitin ang boses ko upang makatulong sa ibang tao, salamat.”
Simula noon ay nakahanap sila ng kakampi sa isa’t isa. ‘Di nila akalain na sa kabila ng mga pagsubok ay bibigyan din sila ng regalo ng tadhana na magiging instrumento para malagpasan nila iyon – pagmamahal.