Inday TrendingInday Trending
Nagmamadaling Umuwi ang Mister at Inutusan ang Kaniyang Pamilya na Mag-impake; Sino Kaya ang Kaniyang Tinatakasan?

Nagmamadaling Umuwi ang Mister at Inutusan ang Kaniyang Pamilya na Mag-impake; Sino Kaya ang Kaniyang Tinatakasan?

Hindi maunawaan ni Rowena kung bakit tila nagmamadali at hindi magkandatuto ang mister na si Donato, nang umuwi ito mula sa opisina. Pinag-iimpake sila nitong mag-iina. Ang mga anak na si Paul at Xyra naman ay naglalaro sa sala.

“Ano bang nangyayari, Pa? Sabihin mo naman? Anong nangyayari sa iyo, bakit ka nagmamadali?” nahihintakutang tanong ni Rowena sa mister, na tila hindi na nakikinig at dire-diretso sa paglalagay ng mga damit at gamit sa loob ng travelling bag.

“Aalis tayo ng bansa. Ngayon na. Bilisan mo. Huwag na kayo mag-impake… doon na lang tayo bibili sa pupuntahan natin,” sagot ni Donato.

“Aalis ng bansa? Nahihibang ka na ba? Paano ang bahay, ang pag-aaral ng mga bata? Bakit biglaan? Sagutin mo muna ang—“

“Rowena! I said, mag-impake ka na. Kunin mo na sina Paul at Xyra at sumakay na kayo sa sasakyan!” galit na utos ni Donato. Kitang-kita sa mga mata nito ang matinding pagkatakot kaya naman tumalima na si Rowena. Ibinaba niya ang switch ng kabahayan at isinara ang mga dapat isara. Nagtungo na sila sa loob ng sasakyan ng mister. Hindi na siya nakapag-impake. Tanging handbag na naglalaman ng gadgets, pitaka, at credit cards ang nabitbit niya.

Kakatwa ang mga ikinikilos ni Donato. Sumakay na ito ng sasakyan at pinasibad ng takbo. Malinaw ang sinabi sa kaniya ng kaniyang pinagkakautangang sindikato dahil sa pagka-casino, na hindi alam ni Rowena.

“Bumilang ka ng 30 minuto, at magtago na kayo ng pamilya mo, kung hindi, magdasal ka na.”

Lingid sa kaalaman ng misis na si Rowena, nabaon siya sa pagkakautang dahil sa casino. Noong una ay malalaki ang kaniyang panalo, subalit hindi naglaon ay natatalo na rin. Sa loob ng casino, may tinatawag na mga “berdugo.” Sila ang mga nakahandang magpautang sa mga nangangailangan; iyon nga lamang, malaki ang interes. Nagkapatong-patong na ang utang ni Donato at hindi na niya alam kung paano makakabayad.

Hanggang dumating sa puntong pinagbabantaan na siya ng berdugo, na tao lamang pala ng isang mas malaking sindikato, na nagpapautang talaga sa mga may kaya at mahal kung maningil ng pautang.

“Donato, parang may sumusunod sa ating kotse!” napansin ni Rowena. Sumulyap sa side mirror si Donato. Dalawang itim na van ang sumusunod sa kanila. Tiyak na mga tauhan ito ng sindikato. Lalong binilisan ni Donato ang pagpapatakbo ng sasakyan. Umiiyak na sina Paul at Xyra.

“Ano ba kasing nangyayari, Pa? Ipaliwanag mo naman! Ipaliwanag mo!” humahagulhol na tanong ni Rowena sa mister. Takot na takot na siya sa mga nangyayari. Mapanganib ang ginagawa ni Donato na pagpapatakbo nang mabilis dahil maaari silang mapahamak. Gabi na rin at nagsisimula na ring pumatak ang malakas na ulan.

Ngunit natatakot din siya sa dalawang itim na van na halatang sila ang sinusundan.

“Mamaya ko ipaliliwanag sa iyo, Rowena. Patahanin mo muna sina Paul at Xyra! Iyan lang muna ang magagawa mo sa ngayon!”

“Lagi ka namang ganiyan, Donato! Masyado kang malihim! Asawa mo ako… hindi ako kung sino lang… kaya sana lahat ng problema mo sinasabi mo sa akin para nasosolusyunan natin! Hindi yung ganito na nangangapa ako sa dilim! Hindi ko na alam ang nangyayari,” takot na takot na si Rowena.

Subalit sa pagkataranta ni Donato, hindi na niya napigilan ang pagdausdos ng kaniyang sasakyan sa isang poste. Bumangga ang sasakyan. Nagdilim ang lahat sa kanila…

Pagkagising at manumbalik ang ulirat, ang unang hinanap ni Donato ang kaniyang misis at dalawang anak. Mag-isa lamang siya sa loob ng silid.

“Nurse, nurse… nasaan ang misis at mga anak ko, nasaan ang pamilya ko!” hintakot na tanong ni Donato.

“Sir, huwag na po kayong mag-alala. Ligtas naman po sila. Kayo po ang medyo napuruhan. Lumabas po sila para bumili ng mga gamot ninyo. Huwag din po kayong mag-alala, kasi nahuli raw po ng mga pulis yung mga humahabol sa inyo…” sagot ng nurse.

Naalala ni Donato na bago pala mangyari ang lahat ng kanilang pagtakas ay nasabi niya sa kaniyang matalik na kaibigan ang mga magaganap. Ito ang tumawag ng pulis para rumesponde sa kanila.

Pagbalik ni Rowena at ng kaniyang mga anak, labis-labis ang paghingi ng tawad ni Donato sa kaniyang mga nagawa. Inilagay niya sa balag ng kapahamakan ang kaniyang pamilya dahil sa pagsusugal.

“Patawarin mo ako, Rowena. Dapat bilang asawa mo hindi ako naglilihim sa iyo. Salamat sa pangalawang buhay na kaloob ng Diyos. Hindi na ako magsusugal pa. Hindi na ako maglilihim pa,” pangako ni Donato sa misis.

“Huwag mo nang intindihin iyon, Donato. Ang mahalaga, ligtas ka,” naluluhang tugon naman ni Rowena.

Pagkalabas ng ospital, ipinangako ni Donato sa sarili na muli silang magsisimula ng kaniyang pamilya at kaililimutan ang bangungot na yugtong iyon ng kanilang karanasan.

Advertisement