Inday TrendingInday Trending
Galit sa mga Lalaki ang Magandang Dalaga Dahil Pakiramdam Niya’y Lahat Sila ay Manloloko; May Makikilala Kaya Siyang Lalaki na Magpapabago sa Kaniyang Pananaw?

Galit sa mga Lalaki ang Magandang Dalaga Dahil Pakiramdam Niya’y Lahat Sila ay Manloloko; May Makikilala Kaya Siyang Lalaki na Magpapabago sa Kaniyang Pananaw?

“Buwisit talaga ang mga lalaking iyan! Mga hayop na nilalang!”

Gigil na gigil si Mylene sa kaniyang napanood na sinusubaybayang news and public affairs sa telebisyon hinggil sa kababaihan. Layunin ng programa na ipagtanggol ang mga babaeng laging naaapi o nadedehado ng kanilang mga nobyo, asawa, o mga kaanak na lalaki at napagsasamantalahan sila bilang babae.

Aminado si Mylene na nadagdagan pa ang malalim na galit niya sa mga lalaki sa kapapanood ng naturang programa. Napagtatanto niyang wala nang matinong lalaki sa mundo dahil lahat ay manloloko. Dalawa lamang ang iginalang niyang lalaki sa tanang buhay niya: ang kaniyang lolo at tatay na pareho nang sumalangit. Mag-isa na lamang siyang namumuhay dahil ang kaniyang nanay ay nauna nang maalam.

Ipinangako ni Mylene sa kaniyang sarili na mas gugustuhin pa niyang mag-isa kaysa magmahal sa isang lalaking tiyak na lolokohin din naman siya. Sinikap niyang maging mahusay sa trabaho at nilalampasan pa ang mga lalaking kasamahan. Lagi ring seryoso ang kaniyang mukha at sinusungitan ang mga lalaking nagpapalipad-hangin sa kaniya sa opisina.

Bagama’t tao at babae pa rin naman si Mylene, hindi naman din niya minsan maiwasang magkagusto sa mga lalaki, pero hanggang doon na lamang iyon. Sinasarili na lamang niya at pinipilit ang sariling nag-iisip ng mga bagay na nakaka-turn off sa lalaking iyon. Kapag nakakita siya ng guwapo at nagustuhan niya, iisipin na lamang niyang manloloko ito, o mabaho ang hininga. Sa ganoong paraan, nawawala ang kaniyang interes.

Pero kung tutuusin, napakagandang dilag ni Mylene. Hindi na rin mabilang ang mga lalaking nagtangkang manligaw sa kaniya, subalit mabilis niyang sinosopla.

“Makapag-shopping na nga lang,” naisip ni Mylene. Kinuha niya ang kaniyang smartphone at namili na sa online shopping app na “Package.com” at namili na ng item na gusto niya. Ang maganda sa app na iyon, wala pang isang oras ay maipapadeliver na ang inorder na item.

Hinintay ni Mylene ang delivery rider sa tapat ng kaniyang bahay. Nakalagay na sampung minuto lamang at parating na ito subalit dalawampung minuto na ay wala pa.

“Ta*nga siguro itong rider na ito,” naibulong ni Mylene sa sarili. Alam niyang lalaki ito subalit walang nakalagay na display photo. O baka naman matanda na at hindi nalilito sa app na ginagamit ng mga delivery rider upang matunton ang lugar ng kanilang customer.

Maya-maya, dumating na ang delivery rider.

“Ano ba naman… late na late ka na…”

Nahinto si Mylene sa pagsasalita nang mabistayan na ang mukha ng delivery rider. Guwapo at malinis itong tingnan. Nagmukha lalo itong fresh dahil sa pawisang mukha nito na nakadagdag sa dating nito. Subalit agad na nag-isip ng panlalait si Mylene upang makabawi sa pagkabighani sa lalaki. Ta*nga siguro ito o walang alam. Puro kagwapuhan lang.

“Pasensiya na po, Ma’am. Medyo mahina po kasi ang signal,” paghingi ng paumanhin ng lalaki. Mukha itong magalang at hindi mukhang tanga sa tono pa lamang ng pagsasalita.

“Dalian mo at nagmamadali ako…” mataray at malamig na tugon ni Mylene. Matapos magkabayaran, nagsalita ang delivery rider.

“Kumusta ka na, Mylene? Sabi ko na nga ba at ikaw iyan…”

Napamaang si Mylene sa kausap. Tinarayan ito.

“Hindi kita kilala. Sino ka?” asik ni Mylene.

“Si Jeremy ito… remember? Seatmate mo noong elementary,” nakangiting sabi ni Jeremy. Pinakatitigan ni Mylene ang delivery rider. Naalala na niya. Ito ang patpatin niyang kaklase noon… subalit ang laki ng pinagbago nito!

“Uy… oo nga. Anong nangyari sa iyo? Himala ah,” nasabi na lamang ni Mylene.

“Ayos naman. Heto rider…” sagot ni Jeremy.

Rider? Walang ibang trabaho? sa loob ni Mylene.

“Actually, sideline ko lang tuwing ganitong off ko para hindi sayang sa oras. Engineer na ako,” parang nahulaan ni Jeremy ang nasa isip ni Mylene.

Wow! Hindi lang pala guwapo, madiskarte pa. Infairness… sigaw ng isip ni Mylene subalit pinagalitan niya ang sarili. Loka ka, hindi mo alam kung may asawa na iyan o maraming kaharutan iyan. Iyang mga ganiyang hitsura, habulin iyan, kaya for sure na maraming lumalandi diyan!

“Sige salamat nice meeting you again, Jeremy,” paalam ni Myelene. Ni hindi man lamang niya nginitian ang dating kaklase.

At doon na nagsimula ang kanilang pagte-text. Dahil na kay Jeremy na ang numero ng cellphone ni Mylene, walang mintis siyang bumabati rito. Hindi rin maipaliwanag ni Mylene kung bakit siya nag-rereply. Siguro malaking bagay na naging kaklase niya ito at kahit papaano, may ideya siya kung anong klaseng lalaki si Jeremy. Ang pagkakaalala niya, matino at matalino naman ito, payat nga lamang talaga at hindi pa gaanong guwapo, hindi kagaya ngayon.

Batay sa pag-uusap nila, wala pang asawa o nobya si Jeremy. Hanggang sa inaya na siya nitong lumabas na sila, at pinaunlakan naman niya. Wala naman sigurong masama. Hanggang sa hindi niya namamalayang nahuhulog na ang loob niya sa lalaki. Subalit pilit niyang iwinawaksi ito.

“Sana hayaan mo akong mahalin ka, Mylene…” sabi ni Jeremy, nang magtapat na ito nang nararamdaman para sa kaniya. Tatlong buwan na silang lumalabas. At aminado si Mylene, palagay ang loob niya kay Jeremy.

“Sasaktan mo lang ako. Lahat ng mga lalaki ay likas na mapaghanap. Baka saktan mo lang din ako,” tugon ni Mylene. Iyan ang madalas na naririnig niya sa mga babaeng nakakapanayam o naitatampok sa palabas na pinapanood niya.

“Magtiwala ka, Mylene. Hindi tamang lahatin ang mga lalaki. Hindi porke’t ginawa ni Juan ay gagawin din ni Pedro. Subukan mo lang… hindi kita sasaktan,” sinserong sabi ni Jeremy.

Tutal ay may edad na, sumugal na si Mylene. Pinayagan ni Mylene si Jeremy na pumasok sa kaniyang buhay. At doon niya napagtanto, na hindi lahat ng mga lalaki ay manloloko. Hindi dapat na tinitingnan sa pangkalahatan ang mga bagay-bagay. Hindi rin malalaman ang resulta o kalalabasan ng isang bagay kung patuloy na magpapatali sa takot at “comfort zone.” Hindi siya magiging maligaya kapag ginawa niya iyon.

Nagpakasal at bumuo ng sariling pamilya sina Mylene at Jeremy at biniyayaan sila ng tatlong mga supling. Namuhay sila nang maligaya.

Advertisement