Pinandidirihan ang Dalagang ito Dahil sa Sakit Niya sa Balat, Isang Binatang Estranghero ang Nagtanggol sa Kaniya
“Niña! Ibili mo nga ako ng pangbalot ng lumpia sa palengke, dali, nakalimutan ko, eh!” utos ni Aling Que sa kaniyang anak nang mapansin niyang nakasubsob na naman ito sa higaan.
“Mama, ayoko nga pong lumabas, si bunso na lang po ang utusan niyo. Kaya na naman niyang mamalengke, eh,” tugon ni Niña saka nagtalukbong ng kumot dahilan upang mag-init ang ulo ng kaniyang ina’t bulabugin siya.
“Hoy, tumigil-tigil ka, ha! Uutusan mo ‘yon, eh, hindi pa nga ‘yon marunong tumawid! Ikaw na ang bumili, dalian mo, magbihis ka na! Ilang linggo ka na ring hindi lumalabas, baka akala mo, mabuti ‘yan?” sermon nito sa kaniya habang pilit na tinatanggal ang kumot sa kaniyang katawan.
“Eh, mama, ayoko lang naman pong pandirihan ako ng mga tao,” sambit niya nang hindi tumitingin sa ina, pigil-pigil niya ang mga luhang halos araw-araw, dumadampi sa kaniyang pisngi.
“Hayaan mo silang pandirihan ka! Eh, ano naman, kung may sakit kang ganiyan, ha? Ginusto mo ba ‘yan? Naku, Niña, mag-isip-isip ka nga! Dalian mo na’t magtatanghalian na wala pa akong nalulutong ulam!” giit nito dahilan upang mapilitan siyang sumunod.
Mag-iilang linggo na rin simula nang magpasiya ang dalagang si Niña na tumigil sa trabaho at magkulong na lang sa kanilang bahay. Hindi na niya kasi makayanan ang panlalait, pandidiri, at pag-iwas ng mga katrabaho niya dahil sa sakit niya sa balat.
Kung tutuusin naman talaga, hindi naman ito nakakahawa. Sadyang hindi lang ito magandang tignan dahilan upang siya’y halos araw-araw, makarinig ng kung anu-anong masasakit na salita na labis niyang dinamdam.
Sa kabutihang palad naman, lahat nang ito’y naintindihan ng kaniyang ina. Hinayaan siya nitong magpahinga mula sa mapanghusgang mundo. Ngunit nang mapansin nitong parang wala na siyang balak na muling lumabas sa kanilang bahay, pilit na siya nitong inuutusan kung saan-saan na labis naman niyang kinakainis. Alam niya kasi, kapag siya’y lumabas na naman at nagpakita sa mga tao, pangungutiya na naman ang kaniyang maririnig.
Noong araw na ‘yon, kahit na sobrang labag sa kaniyang loob ang pagpunta sa palengke, sinunod niya pa rin ang kaniyang ina. Agad siyang nagbihis at umalis sa kanilang bahay.
Ngunit hindi pa man siya nakalalabas sa kanilang barangay, pansin na pansin na niya ang mga taong bigla na lang nagkukumpulan upang magbulungan habang patagong nakatingin sa kaniya na labis na namang nakapagbibigay sa kaniya ng kahihiyan.
Hindi pa roon nagtatapos dahil nang siya’y makarating na sa palengke, may mga tinderang tinatakpan pa ang kanilang mga tindang baboy, isda at gulay tuwing siya’y dadaan. Wala siyang ibang magawa kung hindi tumungo na lang habang maraming mapanghusgang mata ang nakatingin sa kaniya’t nandidiri.
Ngunit maya maya, bigla na lang may umakbay sa kaniya dahilan upang maitaas niya ang kaniyang ulo.
“Mababangga ka kung nakayuko kang maglalakad. Huwag mo silang pansinin, mga mangmang ‘yan sila kaya ka hinuhusgahan. Hindi naman nakakahawa ang sakit mo, eh. Huwag mong pahirapan ang sarili mo,” sambit ng isang estrangherong lalaki saka siya kinindatan, “Mga mangmang, ang sakit niya po’y hindi nakakahawa, imbis na pandirihan niyo ‘yong tao, bakit hindi niyo na lang siya tulungang maging normal? Kung tutuusin nga, ang ugali niyo ang mas nakakadiri kumpara sa kaniya!” sigaw pa nito dahilan upang ang mga tinderang masama ang tingin sa kaniya kanina, bigla na lang naging abala sa pagtitinda.
Matagumpay nga siyang nakabili ng pambalot ng lumpia.
Hindi niya lubos akalaing ‘yon pala ang magiging tulay para muli niyang mabuo ang sarili sa tulong ng isang estrangherong minabuti niyang ipakilala sa kaniyang ina na labis na natuwa sa ginawa nito.
“Salamat, hijo, ha? Ikaw lang ang naglakas ng loob na ipagtanggol ang anak ko bukod sa akin. Wala na kasing magawa ang mga tao ngayon, eh, kaya pati buhay ng iba, pinapakialaman nila,” sambit nito saka nilagyan ng lumpia ang plato ng binata’t salu-salo silang kumain ng tanghalian.
Ang pagkakakilala nilang dalawa no’ng araw na ‘yon ng binata ay nauwi sa pagkakaibigan hanggang sa umabot na sa ligawan na agad namang inaprubahan ng kaniyang ina dahil sa kabaitang mayroon ang naturang binata.
Wala na siyang mahihiling pa noong mga araw na ‘yon dahil sa wakas, may isang tao na bukod sa kaniyang pamilya ang handang bumuo sa durog niyang puso’t tiwala sa sarili dahil sa mga mapanghusgang tao.