Inday TrendingInday Trending
Sumama ang Loob ng Binata sa Kaniyang Madrasta Nang Sabihan Siya Nitong Bumaba sa Puwesto Bilang CEO ng Kanilang Kompanya; Ano na nga Ba ang Magiging Kapalaran Niya?

Sumama ang Loob ng Binata sa Kaniyang Madrasta Nang Sabihan Siya Nitong Bumaba sa Puwesto Bilang CEO ng Kanilang Kompanya; Ano na nga Ba ang Magiging Kapalaran Niya?

Hindi maunawaan ni Robert kung ano ang mararamdaman niya sa sinabi ng kaniyang madrastang si Donya Alondra. Pinatawag siya nito, isang linggo lamang matapos mailibing ang kaniyang ama. Siya ang kasalukuyang Chief Executive Officer ng kompanyang itinaguyod nito, simula nang mapangasawa nito ang kaniyang madrasta.

“Step down as the CEO of our company. I have other plans for you. For the meantime, let your brother lead.”

Napasulyap na lamang si Robert sa kaniyang bunsong kapatid na si Henry, 24 na taong gulang, graduate ng kursong Business Administration, at nakatapos na rin ng master’s degree sa kaparehong kurso. Siya naman, hindi na niya naharap ang master’s degree dahil buong buhay niya ay nakatuon na sa pamamalakad ng kompanya.

“A-Ano pong mangyayari sa akin?” pinilit ni Robert na pakatatagan ang kaniyang tinig.

“I have plans for you. Pero as of the moment, puwede bang give way ka muna sa kapatid mo?”

Gusto sanang ipaglaban ni Robert ang kaniyang karapatan sa kompanyang sinimulan nilang palaguin ng kaniyang ama, hanggang sa malagutan ito ng hininga ay kompanya pa rin nila ang iniisip. Tumango na lamang si Robert, at walang lingon-likod na umalis na.

Pagdating sa kaniyang silid, pinagsusuntok ni Robert ang dingding. Wala siyang pakialam kahit magdugo ito. Gusto niyang murahin ang madrasta. Gusto niyang isumbat dito ang kaniyang mga nagawa para sa kompanya, Halos ibinigay niya ang buhay rito. At ngayon, dahil wala na ang kaniyang ama, basta na lamang siya sisipain? Ipapalit sa kaniya ang isang taong wala namang karanasan sa pamamahala, at ang tanging taglay lang ay diploma at titulo?

Sabagay. Hindi nga naman siya kadugo. Blood is thicker than water, ‘ika nga.

Asa pa siya. Wala na ang kaniyang ama. Hindi siya ang tunay na anak. Si Henry. Natural, sa kaniya ipapasa ang kayamanan, ang kompanya. Siya ang bumayo, iba ang umani. Alam na niya kung saan papunta ito.

May pera naman siya. Nakapag-ipon. Kaya niyang lumayo at magpakalayo-layo. Kaya na niyang bumili ng sariling condo, o malaking bahay. Puwede na siyang bumukod. Oo, iyon ang gagawin niya.

Hindi lang iyon ang kaya ng pera niya. Kaya niyang magtayo ng sariling kompanya. Kung gugustuhin niyang kalabanin ang kompanyang iyon, gagawin niya.

Nagpasya si Robert. Mabilis siyang nag-impake. Nilisan niya ang malaking mansyon sa isang iglap lamang. Bitbit ang mga gamit. Wala siyang dinalang hindi dumaan sa kaniyang pera. Hindi sa kaniya iyon. Larawan lamang ng ama ang kaniyang isinama mula sa mansyon. Nakatanaw lamang si Donya Alondra. Hindi siya pinigilan.

Lumipas ang maraming mga taon. Mahirap man sa simula, nakaya niyang magtayo ng sariling kompanya. Hindi, hindi naman siya ganoon kasama para kalabanin ang kompanyang itinatag ng kaniyang ama. Nagtayo siya ng pagawaan ng mga bakal at mga kagamitan para sa konstruksyon. Sarili niyang pera. Sarili niyang pinagpaguran. Walang maaaring makasumbat sa kaniya. Ganap niyang tinalikuran ang kompanya ng kaniyang ama.

“Sir, may bisita po kayo,” minsan ay sansala ng kaniyang sekretarya.

“May appointment ba sa akin? Hindi ako nag-eentertain ng bisita kapag walang appointment.”

“Wala po. Step mother n’yo raw po siya. Alondra Mendevilla po?”

Nabitiwan ni Robert ang hawak na mamahaling bolpen. Isa, dalawa, tatlong segundo. “Papasukin mo…”

Tumango ang sekretarya. Umibis sa pinto. Lumabas. Kinakabahan si Robert. Limang taon. Limang taong isinara niya ang pakikipag-ugnayan sa madrasta at sa step brother. Bakit narito sila? Anong kailangan nila?

At pumasok na nga si Donya Alondra. Maganda pa rin. Glamorosa. Tumanda nang bahagya, subalit sopistikada pa rin.

“M-Ma… napadalaw po kayo?” nanginginig ang tinig ni Robert. Muling bumalik ang sakit. Naalala niya ang mga sinabi nito sa huli nilang paghaharap. Step down. Kasingkahulugan ng pag-alis.

Dahan-dahan, lumapit si Donya Alondra. Naupo sa silyang nasa tapat ng malaking mesa niya. Binasa nito ang batong kinauukitan ng kaniyang pangalan at titulo. Roberto Mendevilla. President and CEO. RM and M Company.

Patlang. Nakabibinging katahimikan. Binasag ni Robert.

“Kumusta po? You want coffee, juice, water?”

Umiling si Donya Alondra.

“R-Robert, t-talagang naglakas ako ng loob para humarap sa iyo. I’m so sorry. Hindi ko sinasadyang masaktan ka. Mali ang interpretasyon mo sa sinabi ko noon.”

“Okay na po iyon, ‘Ma. Past is past. Look at me now. Well-established. I was able to build this company. On my own money. On my own name,” saad ni Robert. May himig-panunumbat ang tinig ni Robert. Akala niya ayos na siya. Hindi pa pala. Hindi pa naghihilom ang mga sugat ng kahapon, na basta na lamang siyang etsa-puwera sa mga buhay nila, dahil wala na rin ang kaniyang ama.

“Yes. I know. Alam kong kagaya ka rin ng Papa mo. Isa kang mahusay na lalaki, anak. Hindi ka man maniniwala, pero anak ang turing ko sa iyo, hindi ka man galing sa sinapupunan ko. Hindi lang ako showy. Pero mahal kita, Robert. Look at you now. You have your own company. I’m proud of you. At alam ko rin, ipinagmamalaki ka rin ng Papa mo, nasaan man siya ngayon,” nangingilid ang luhang saad ni Donya Alondra.

“Pero hindi ninyo pinahalagahan ang mga paghihirap ko, at mga sakripisyo ko para lang maitaguyod ang kompanya ninyo. Ginawa ninyo akong basura…”

“That’s not true, Robert. Kaya kita pinapa-step down dahil gusto kong maging CEO ka ng kompanyang nais kong itayo abroad. Alam kong kayang-kaya mo. Kaya lang, hindi mo naman ako pinatapos sa sasabihin ko noon. Umalis ka kaagad. I never thought na lalayas ka. Akala ko magpapalamig ka lang, magtitimbang-timbang. I have bigger plans for you. Ipinangako ko sa Papa mo na aalagaan kita,” umiiyak na paliwanag ni Donya Alondra.

“Bakit ngayon lang kayo nagpunta rito? For how many years? Pinalagpas ninyo?”

“Kasi alam kong kaya mo. Nabalitaan ko ang ginagawa mong pagtatayo ng kompanya, and I think walang masama sa gagawin mo. Hindi man natuloy ang plano kong kompanya na pangungunahan ko, nakapagtaguyod ka naman ng para sa sarili mo, iyong matatawag mong iyong-iyo. Hindi mo minana. Nagpunta ako rito para batiin ka, at para magkaroon ng peace of mind.”

Hindi na kumibo si Robert. Sino ba siya upang magmatigas? Ang totoo niyan, wala siyang kahit ano kung hindi naman siya itinuring na pamilya ng kaniyang madrasta. Niyakap niya ito. At tila nalusaw ang malaking pader na nakapagitan sa kanila.

Napagtanto ni Robert na may higit pang mahalaga kaysa sa pera at kompanya: pamilya.

Advertisement