Inday TrendingInday Trending
Natuwa ang Dalagang Ito nang Malamang Nalugi ang Negosyo ng Kaibigan, Tumigil ang Mundo Niya nang Malaman ang Katotohanan

Natuwa ang Dalagang Ito nang Malamang Nalugi ang Negosyo ng Kaibigan, Tumigil ang Mundo Niya nang Malaman ang Katotohanan

“O, sarado na ‘to? Hindi ba’t ito ‘yong milktea shop ng dati nating kaibigan?” pagninigurado ni Thea habang itinuturo ang saradong tindahan, isang hapon habang naghahanap sila nang makakainan.

“Ah, oo, matagal na ‘yang sarado. Ang alam ko nga binebenta na ‘yang pwestong ‘yan,” kwento pa ng kaniyang kaibigan dahilan upang labis siyang mabigla.

“Diyos ko! Kailan pa? Ang tagal ko na talagang hindi nagawi sa lugar na ‘to dahil sa pagkaabala ko sa trabaho!” sambit niya pa habang hindi pa rin makapaniwala.

“Mga tatlong buwan na siguro, mukhang nalugi sila, eh. Hindi ko lang sigurado, ha, wala kasing balita kung nasaan na silang magnobyo ngayon,” dagdag pa nito dahilan upang siya’y mapangisi.

“Baka nga nalugi! Sabi ko naman sa kanila noong pinaplano pa lang nila ‘yan na malaki ang posibilidad na malugi sila. Sa dami ba namang nagtitinda na ng milktea ngayon! Kawawa naman sila!” patawa-tawa niyang sambit.

“O, bakit parang ang saya mo pa?” tanong ng kaniyang kaibigan dahilan upang agad niyang tanggalin ang ngiti sa kaniyang labi.

“Ah, eh, wala! Halika na, nagugutom na ako, eh, ang bagal-bagal mong maglakad!” bulyaw niya rito saka ito agad na hinila patungo sa isang restawrang nakita niya.

Ganoon na lang ang tuwa ng dalagang si Thea nang malamang nagsara na ang negosyong itinayo ng dating kaniyang kaibigan at ng nobyo nito.

Ito kasi ang dalagang labis niyang kinaiinggitan noong sila’y nasa kolehiyo pa lamang. Kahit kaibigan niya ito at nasa iisang barkada lang sila, madalas niya itong makasamaan ng loob dahil nga sa inggit niyang nararamdaman dito.

Palagi na lang kasi itong nakakakuha ng matataas na marka noon, may mga naggugwapuhang manliligaw na halos kada araw ay may pabaong pagkain, tsokolate o kung minsan pa, bulaklak na gustong-gusto niya at higit sa lahat, talbog na talbog ang kagandahan niya kapag ito’y kasama niya.

Kaya naman, nang malaman niya noong may balak itong magtayo ng milktea shop sa tulong ng nobyo nito, agad niya itong tinutulan. Ngunit dahil nga gustong-gusto ito ng naturang dalaga, hindi siya inintindi nito at nagpatuloy na magnegosyo.

Lalo pang lumala ang nararamdaman niyang inggit dito nang umingay ang pangalan ng negosyo nito sa kanilang lugar. Ito na ang dahilan upang magpursigi siyang maghanap ng trabaho sa Maynila. Malaki na ang maaari niyang sahurin, malalayo pa siya sa taong kinaiinggitan niya.

Halos isang taon lang ang lumipas, nang mapagdesisyunan niyang lumabas kasama ang isa sa kaniyang mga barkada noon, doon niya napag-alamanang nagsara na ang negosyo nito na labis niyang ikinatuwa. Wika niya pa, “Mabuti pa ako, may siguradong kita na, hindi pa pagod at stressed sa negosyong walang kwenta.”

Sa sobrang saya niya sa balitang natanggap, pagkatapos na pagkatapos nilang kumain ng kaibigan niyang ito, agad siyang umuwi sa kanilang bahay at ipinakalat ang balitang ito sa iba pa nilang barkada noong sila’y kolehiyo.

Nagpadala siya ng mensahe sa social media account ng mga ito. Ang iba’y naawa habang ang iba, natuwa rin dahil katulad niya, naiinggit din ang mga ito sa naturang dalaga.

Ngunit, tila nawaglit sa isip niyang kasama pala sa group chat na iyon ang dalagang kaniyang tinutukoy at laking gulat niya nang sagutin nito ang balitang sinabi niya.

“Kayo naman, interesadong-interesado talaga kayo sa buhay ko. Para matigil na kayo, ito na ako ngayon, nasa Japan, may sarili nang milktea shop at kumikita ng limpak-limpak na pera sa tulong ng asawa ko.

Mainggit pa kayo lalo, para lalo akong ganahang makipagbakbakan sa buhay!” mensahe nito na talaga nga namang ikinatigil ng mundo niya.

Nagpadala pa ito ng mga litrato dahilan upang ganoon na lang siya makaramdam ng kahihiyan at inggit.

“Diyos ko! Ano ba ‘tong ginawa ko?” sambit niya sa sarili habang paulit-ulit na binabasa ang mensahe ng dalagang iyon.

Habang tinitingnan niya ang mga litratong padala nito at ikinumpara niya sa buhay niya ngayon, napagtanto niyang walang nagawang mabuti sa buhay niya ang inggit na nararamdaman niya. Nakulong lamang siya nito sa komportableng kahon na mayroon siya.

Kaya naman, nang matanggap niyang siya’y nagkamali, agad siyang humingi ng tawad sa dalagang iyon. Pinadalhan niya ito ng mensahe at laking tuwa niya nang agad siya nitong pinatawad.

Doon sumagi sa isip niya ang reyalisasyong kaya ganoon na lang bigyan ng biyaya ang dalagang ito dahil maganda ang kalooban nito.

Simula noon, unti-unti niyang binura sa puso ang inggit na nararamdaman at nagsimulang itutok ang atensyon sa sariling paglago. Imbes na patuloy na kainggitan ang kaibigan, nagpasya siyang gawin na lamang inspirasyon ang tagumpay nito upang makamit ang sarili niyang tagumpay sa buhay.

Advertisement