Inday TrendingInday Trending
Palaging Sinusumbatan ng Ginang na Ito ang Asawa Niya, Nakonsensya Siya nang Malaman ang Mabigat na Dinadala Nito

Palaging Sinusumbatan ng Ginang na Ito ang Asawa Niya, Nakonsensya Siya nang Malaman ang Mabigat na Dinadala Nito

“Pagkagaling sa trabaho, ‘yan agad ang uunahin mo? Hindi mo ba nakikitang sandamakmak ang kalat sa paligid mo, ha?” bulyaw ni Gina sa kaniyang asawa, isang gabi nang makita niya itong abala sa paglalaro ng video games kahit hindi pa nakapagpalit ng damit pambahay.

“Pasensiya na, mahal, sobra akong napagod sa trabaho, eh, para bang gusto kong mag-relax nang kaunti,” paliwanag nito sa kaniya habang patuloy pa rin sa paglalaro.

“Ako ba hindi napapagod sa pag-aalaga sa mga anak mo, ha? Ako nga, maghapon, magdamag na nagalaw dito sa bahay! Tapos kapag uuwi ka, una mong hahawakan ‘yang kompyuter? Imbis na alagaan mo ang anak mo?!” panunumbat niya dahilan upang agad itong mapatigil sa paglalaro, nagsimula na ring umiyak ang kanilang bunsong anak dahil sa lakas ng boses niya.

“Ito na, titigilan ko na, huwag ka nang sumigaw, naririndi na ako sa trabaho, pati ba naman rito,” sambit nito na lalo pang nakapagpainit ng ulo niya.

“Aba, nangangatwiran ka pa nang ganiyan? Ako ba talaga hinahamon mo, ha? Kung layasan ka kaya namin dito para wala nang maingay?” sigaw niya rito dahilan upang mapatungo lang ito habang pilit na kinukuha sa kaniya ang anak nilang umiiyak.

“Akin na si bunso,” tipid na wika nito.

“Ang kapal mong magreklamo! Ayusin mo ‘yang ugali mo, ha!” sigaw niya pa rito saka bahagyang hinagis ang gamit nitong nasa kanilang sofa.

Halos gabi-gabi na lang, sa tuwing uuwing galing trabaho ang asawa ng ginang na si Gina, palagi niya itong binubulyawan. Naiinis kasi siyang makita itong nagpapahinga o kung hindi nama’y naglalaro ng kompyuter habang siya, hindi man lang magkandaugaga sa pag-aalaga ng dalawa nilang anak.

Katwiran niya, kung kailangan ng asawa niya ng pahinga, mas kailangan niya ito dahil sa makukulit nilang anak na alaga niya buong magdamag. Siya ang namamalengke, naglilinis ng bahay, nag-aalaga sa mga anak, naglalaba, naghuhugas ng plato at marami pang gawaing bahay dahilan upang ganoon na lang uminit ang ulo niya sa tuwing madadatnang nagpapakasarap sa buhay ang asawa niya.

Noong mga unang taon nila sa buhay mag-asawa, labis niya itong naiintindihan. Wika niya pa nga noon, “Hindi biro ang pagtatrabaho sa opisina kaya kailangan niya talaga ng pahinga,” ngunit ngayong may dalawa na silang anak, hindi niya maiwasang hindi manumbat dahil sa pagod na nararamdaman niya.

Noong gabing iyon, pagkakuha ng kaniyang asawa sa umiiyak nilang anak, agad na siyang kumain ng gabihan habang nanunuod ng kung anu-anong bidyo sa social media.

Nang matapos na siyang kumain, ilang oras din ang binabad niya sa panunuod ng K-drama. Kahit naririnig niyang umiiyak na ang mga anak niya, hindi niya ito inintindi.

“Ngayon, maramdaman mo kung gaano kahirap mag-alaga ng dalawang bata!” bulong niya habang pasimpleng tinitignan ang asawang nagpapatahan sa dalawang anak na sabay umiiyak.

Nakatulog na siya habang nanunuod ng kdrama. Ngunit pagkagising niya, laking pagtataka niya dahil wala sa tabi niya ang asawa niya. Nang maamoy niya ang nakakatakam na amoy ng sinangag, agad siyang tumayo at nagtungo sa kanilang kusina.

“Naku, mukhang bumabawi ang asawa ko, ha? Ayan, ganiyan dapat!” nakangiting sambit niya.

Pero pagdating niya sa kusina, tanging ang lutong almusal lang ang nadatnan niya at isang puting papel na may mensahe. Agad niya itong binasa at labis siyang napaluha sa lulan nitong mga salita.

“Napapagod din ako katulad mo, mahal. Pasensiya ka na kung pangit ang napapakita ko sa’yo. Tanggap ko lahat ng panunumbat mo. Pero hiling ko lang, bigyan mo muna ako ng kapayapaan ng isip. Kasi sa trabaho, puro pangmamaliit na ang natatanggap ko. Ikaw na lang ang lakas ko, sana tulungan mo akong mabuo ulit ang sarili ko. Bilang isang lalaki, napakasakit masigaw-sigaw ng boss sa harap ng ibang empleyado dahil sa maliit na pagkakamali, sana maintindihan mo ako,” wika nito dahilan upang labis siyang makonsensya.

Doon niya napagtantong tila naging malupit nga siyang asawa. Ang bahay na siya sanang makakapagbigay ng pahinga sa asawa niya, ay nagiging isang lugar kung saan nauubos din ang lakas nito.

“Nawala sa isip ko na bukod sa pagiging ina, asawa nga rin pala ako,” sambit niya habang pinagmamasdan ang sulat ng asawa.

Upang makabawi, bago umuwi ang kaniyang asawa, pinaghanda niya ito ng paborito nitong ulam. Inayos niya ang kompyuter nito at pinag-init ng tubig panligo.

Pagkarating nito, agad niya itong niyakap at humingi ng tawad dahilan upang ganoon na lang ito umiyak sa dibdib niya na para bang isang bata habang paulit-ulit na sinasabing, “Pagod na ako.”

Sa buhay mag-asawa, parte ng inyong relasyon ang pagbibigayan at pagsuporta sa isa’t isa. Matutunan sana nating lahat na intindihin ang hirap na pinagdadaanan ng ating mga asawa para sa ikaaayos ng ating mga pamilya.

Advertisement