
Ayaw ng Pinsan ng Dalagang Ito na Magpa-tattoo, Ito ang Ginawa Niya na Talaga Namang Ikinagalit Nito
“Jenny, halika na kasi, magpa-tattoo na tayo! Sayang naman ‘yong promo kung ako lang mag-isa magpapatattoo!” yaya ni She sa kaniyang pinakamalapit na pinsan, isang hapon habang ito’y umiinom ng kape sa inuupahan nilang bahay.
“Ayoko talaga, She, eh. Magagalit sa akin si mama, ayokong sumama ang loob niya sa akin,” sagot nito sa kaniya ng ikinatawa niya maigi. “Diyos ko naman, pinsan! Magtatatlumpung taong gulang ka na, takot ka pa rin kay tita? Ano naman kung magalit siya? Eh, matanda ka na naman at karapatan mo nang mabuhay ayon sa gusto mo!” pangaral niya rito habang pasimpleng hinihigop ang kape nito.
“Kahit na, ayoko talaga. Kung gusto mo, samahan na lang kita. Kahit ilibre pa kita ng pagkain huwag lang ako magpa-tattoo,” pagmamatigas nito dahilan upang siya’y magalit na.
“Hanep ka naman! Kapag naman may tattoo ka na, wala na siyang magagawa! Lilipas din naman ang galit no’n!” sigaw niya rito saka sumalampak sa kama nito.
“Huwag ka nang magalit! Halika na, samahan na kita! Kuhanin ko lang ang susi ko,” yaya nito sa kaniya saka agad nang tumayo upang kuhanin ang susi ng motorsiklo nito.
Bata pa lang ang dalagang si She nang pangarapin niyang magkaroon ng tattoo balang araw. Naaastigan kasi siya sa mga taong may tattoo. Pakiwari niya, mas gaganda siya at mapapansin ng tao kapag siya’y mayroon nito.
Sa katunayan, nang siya’y nasa hayskul pa lang, nagsimula na siyang mahanap ng mga larawan sa internet na pupwede niyang ipa-tattoo sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan at nang malaman ito ng kaniyang ina, agad siya nitong pinagbawalan.
Kaya naman, sabi niya, “Kapag talaga nasa tamang edad na ako at may sariling trabaho na, hindi na ako mapipigil ni mama na magpa-tattoo!” Tila sinunod niya nga ang balak niyang ito. Nang siya’y makahanap ng trabaho sa Maynila kasama ang kaniyang pinsan, agad siyang nagpa-tattoo sa kaniyang likuran.
At tila hindi pa siya makuntento roon dahilan upang pilitin niya ang pinsan niyang ito na magpa-tattoo kasama niya.
Ngunit kahit anong pilit niya rito, hindi ito pumapayag sa gusto niya. Labis niyang ikinatatawa ang dahilan nitong, “Baka magalit si mama.”
Noong araw na ‘yon, nang ilabas na ng kaniyang pinsan ang motorsiklo nito. Bigla siyang nakaisip ng paraan upang ito’y mapa-tattoo-an kahit lingid sa kagustuhan nito.
“Pangako, magpapasalamat ka sa akin, pinsan,” patawa-tawa niyang sambit sa sarili habang naghahandang umangkas sa pinsang nakahanda na sa pag-alis.
Pagkarating nila sa pa-tattoo-an, agad niyang pinakita ang larawang nais niyang ipaguhit sa kaniyang paa na agad namang sinimulan ng kakilala niyang artist doon.
Sa tagal ng pagpapa-tattoo niya, napansin niyang tila antok na antok na sa isang gilid ang kaniyang pinsan dahilan upang maisipan niyang isagawa na ang kaniyang plano.
“Pinsan! Pupwede kang mahiga roon sa sofa. Wala namang tao roon,” alok niya rito na sinang-ayunan naman ng may-ari ng shop.
Dahil nga antok na rin at may papasukan pang trabaho mamayang gabi, agad itong sumunod sa kaniya at natulog sa sofa na iyon.
Nang matantiya niyang mahimbing na ang tulog nito, agad niyang tinawag ang isang artist at sinabing, “Kuya, habang tulog ‘yong pinsan ko, tattoo-an mo na ng ganito katulad sa akin, sa paa rin, ha? Para parehas kami!” dahilan upang agad siyang sundin nito.
Agad na naghanda ng mga gamit ang naturang tattoo artist at nang sisimulan na ito, biglang nagising ang kaniyang pinsan sa hawak ng tattoo artist dahilan upang ito’y magpumiglas.
“Anong ibig sabihin nito, She? Sinabi ko namang ayaw ko, hindi ba?!” galit na sambit nito.
“Ah, eh, naisip ko kasing palagyan ka na para paggising mo, tapos na,” nakangiting sagot niya rito.
“Alam mo, huwag mo akong igaya sa’yo. Kung kaya mong tiisin at suwayin ang magulang mo, ibahin mo ako. Kaunti na nga lang ang nalalabi nilang oras sa mundong ito, pagpapasaway pa ang gagawin ko? Hindi masamang magpa-tattoo, She, ang masama, sinusuway mo ang magulang mo at namimilit ka ng tao para maging katulad mo!” bulyaw nito sa kaniya saka agad na umalis sa lugar na iyon dahilan upang labis siyang mabigla.
Doon pumasok at patuloy na tumakbo sa isip niya ang mga katagang sinabi nito at napagtanto niyang tama nga ang pinsan niyang ito. Dahil sa kagustuhan niyang magpalagay ng ganitong klaseng guhit sa katawan, nagawa niyang suwayin ang kaniyang ina.
Kaya naman, nang matapos ang tattoo niya sa paa, agad siyang tumawag sa kaniyang ina. Humingi siya ng tawad dito at nangakong hindi na ito papadagdagan kung lingid sa kagustuhan nito.
Galit man ito sa kaniya, pati na ang pinsan niya, handa siyang gawin ang lahat upang maibalik ang dati nilang pagsasama.