Inday TrendingInday Trending
Napaisip ang Dalagang Ito nang Magyaya sa Perya ang Ulyaning Ina, Napaluha Siya nang Malaman ang Sadya Nito

Napaisip ang Dalagang Ito nang Magyaya sa Perya ang Ulyaning Ina, Napaluha Siya nang Malaman ang Sadya Nito

“Hija, sino ka ba ulit?” tanong ni Aling Lizeth sa kaniyang anak, isang hapon nang makita niya itong nagtitiklop ng kaniyang mga damit sa kanilang sala.

“Mama, ako ito, si Susan, ang nag-iisa niyong anak,” magiliw na sagot ni Susan saka lumapit sa kaniyang ina upang ipahawak ang kaniyang mukha.

“May anak na ako?” pagkaklaro nito.

“Opo, mama, ito nga at dalaga na ako!” sambit niya saka tumayo at umikot upang ipakita ang kaniyang buong katawan.

“Naku, imposible naman ‘yang sinasabi mo sa akin, hija! Huwag mo nga ako lokohin at baka masabunutan kita! Sinasabi ko sa’yo, hindi ka mananalo sa akin sa sabunutan!” sigaw nito habang inaakto pa kung paano makipagsabunutan dahilan upang siya’y labis na mapatawa.

“Hindi naman po ako lalaban, mama,” wika niya sa pagitan ng kaniyang mga halakhak.

“Ay, mahina ka pala, eh! Huwag mo na akong tawaging mama, hindi naman kita anak! Lizeth na lang! Magkaedad lang naman tayo, o, tingnan mo nga at mas fresh pa ako sa iyo!” tugon nito.

“Kayo po ang bahala,” nakangiti niyang sagot habang pinagmamasdan ang ina.

“Ay, teka, halika, samahan mo ako magbihis at nais kong magpunta sa perya ngayong gabi,” yaya nito.

“Bakit po? Anong gagawin niyo roon?” pang-uusisa niya.

“Basta! Makikita mo na lang! Dali na at ipili mo ako ng magandang damit, iyong mas lalong lilitaw ang ganda ko, ha? Lagyan mo rin ako nang kaunting make-up!” utos pa nito sa kaniya dahilan upang wala siyang magawa kung hindi ito’y tulungan at sundin.

Ang nag-iisang anak na si Susan na lang ang nag-aalaga at nagtataguyod sa nag-uulyanin na niyang ina. Sa katunayan, ito ang dahilan upang kahit siyang apat na pung taong gulang na, wala pa rin siyang sariling pamilya.

Tanging trabaho at pag-aalaga lang sa kaniyang ina ang kaniyang inatupag sa mga nakaraang tao ng buhay niya na para naman sa kaniya, ang pinakatamang desisyon na ginawa niya.

Engganyuhin man siya ng kaniyang mga kaibigan na maki-party o kahit lumabas para kumain, palagi niyang tinatanggihan ang mga ito o kung hindi naman, yayain niyang sa bahay na lang nila magsalu-salo para ganoon niya pa rin nababantayan ang ina.

May pagkakataon kasing nagpalakad-lakad sa kalsada ang kaniyang ina noong siya’y umalis upang magtrabaho na labis niyang ikinatakot dahil mahigit limang oras itong nawala.

Kaya naman, simula noon, naghanap siya ng trabahong pupwede niyang gawin na nasa bahay lamang siya. Sakto namang may kaibigan siyang naghahanap ng taga-sagot sa mga tanong ng mga kliyente sa social media dahilan upang ganoon niya matugunan ang pangangailangan nila sa bahay at maalagaan ang ina.

Noong araw na ‘yon, labis niyang pinagtaka ang kagustuhan ng ina na magpunta sa perya. Ngunit dahil nga ngayon lamang ito nagyayang lumabas at nais niya ring makapag-relax kasama ito, ganoon niya ito sinuportahan sa gusto nito.

Binihisan niya ito nang magarang damit at nilagyan ng kaunting make-up. Nang makuntento na ito sa itsura, agad na niya itong dinala sa naturang perya.

Pagkadating na pagkadating nila roon, agad na naglagay ng pabango ang kaniyang ina dahilan upang siya’y mapangiti at mapatanong, “Bakit naglalagay ka pa ng pabango, mama? May kikitain ka ba?” ngumiti lang ito sa siya hinila sa tapat ng ferris wheel.

“Hanapin mo, hija, ‘yong nagbibigay ng ticket dito, sabihin mo nandito na ako at nais ko na siyang makita,” nakangiting sambit nito, kitang-kita niya sa mga mata nito ang labis na kasabikan dahilan upang sundin niya ito.

Habang naglalakad siya papalapit sa ferris wheel na iyon, sumagi sa isip niya ang kaniyang ama na dating nagtatrabaho rito dahilan upang doon niya mapagtantong ito ang hinahanap ng kaniyang ina.

Muli niyang nilingon ang ina at kitang-kita niya pa rin ang kasabikan sa mukha nito kahit sa malayuan dahilan upang siya’y labis na mapaluha. Doon niya napagtantong ang kaniyang ama lang na sumakabilang buhay noong siya’y bata pa ang tanging naaalala ng kaniyang ina.

“Sigurado akong mahal na mahal nila ang isa’t-isa,” tangi niyang sambit habang pabalik sa kaniyang inang matiyagang naghihintay.

“Lizeth, sabi niya, pupuntahan ka na lang niya sa bahay mo,” sambit niya rito upang huwag maputol ang kasiyahang nararamdaman.

“Sino’ng pupunta sa bahay? Teka, bakit ako nandito? Sino ka ba, hija?” tanong nito dahilan upang agad niya itong bigyan ng makakain upang makalimot muli saka niya ito inuwi sa kanilang bahay.

Advertisement