
Binasura ng Dalaga ang Regalo ng Manliligaw Niyang Pintor, Labis Niya Itong Pinagsisihan sa Huli
“Ano ba ‘to, bakit pagkalaki-laki? Bintana ba ‘tong binalot sa supot?” biro ni Melay sa binatang nanliligaw sa kaniya, isang gabi nang yayain siya nitong makipagkita sa parke.
“Ah, eh, hindi, buksan mo na lang para makita mo. Baka lang naman magustuhan mo, ako kasi ang gumawa niyan,” nahihiyang sambit nito saka bahagyang kumamot ng ulo.
“O, painting ba ‘to? Bakit parang batang naglaro lang ng pintura ang gumawa nito? Ikaw talaga ang gumawa?” sambit niya nang makita niya ang nakaguhit sa malaking kwadradong canvas na ito.
“Oo, ilang oras ko ‘yang ginawa saka inutang ko pa ‘yong pinangbili ko ng canvas at pintura,” tugon nito na bahagya niyang ikinatawa.
“Naku, sinayang mo lang ang pera’t oras mo! Kung gagastos ka na lang din naman, bakit gagawa ka pa ng basurang katulad nito? Sana binili mo na lang ako ng bulaklak, o kaya tsokolate, mas matutuwa pa sana ako!” wika niya habang binabalik ito sa pagkakabalot.
“Pa-pasensiya ka na,” uutal-utal na tugon nito habang nakatungo.
“Ayos lang! Uwi mo na lang ‘to sa inyo. Tiyak pagagalitan lang ako ng mama ko kapag nakita niyang nag-uwi na naman ako ng basura,” sabi niya pa saka inaabot ang naturang regalo at agad na umuwi pabalik ng kanilang bahay.
Habulin ng mga lalaki ang dalagang si Melay. Nasa elementarya pa lang siya simula noong mapansin na ang kaniyang kagandahan. Maraming lalaking nagkakagusto sa kaniya sa murang edad niyang iyon. Palagi siyang may nakaabang na pagkain sa lamesa niya o kung hindi naman, may bigla na lang mag-aabot sa kaniya ng sorbetes na labis niyang ikinatutuwa.
Hanggang siya’y magkolehiyo at tuluyang pumasok sa trabaho, hindi mabilang ang lalaking nagpupumilit na makuha ang atensyon at puso niya.Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya maging pihikan. Wika niya pa, “Hindi ako dapat magpakuha sa lalaking basta-basta lang dahil maraming lalaki ang may gustong mapangasawa ako.”
Sa katunayan, ngayong dalawangpu’t limang taong gulang na siya, mayroon siyang hindi bababa sa limang manliligaw. Mayroong doktor, abogado, guro, negosiyante at may isang pintor.
Sa lahat ng manliligaw niyang ito, ang lalaking pintor ang pinakaayaw niya. Bukod kasi sa mahiyain ito, palagi pa siya nitong dinadala sa mga murang kainan hindi tulad ng apat niya pang manliligaw na dinadala siya sa naggagandahang hotel at yate. “Mukhang pag ito ang pinili ko, wala akong makakain sa araw-araw! Sayang, gwapo pa naman siya,” sambit niya.
Noong araw na ‘yon, nang makita niyang mukhang basura ang binigay nitong painting sa kaniya, agad na siyang nagdesisyong tanggalin na ito sa listahan ng kaniyang mga manliligaw.
Alam man niyang masasaktan ito sa gagawin niya dahil halos ilang buwan na silang nag-uusap nito, desidido na siyang putulin ang koneksyon dito kaysa namang maghirap siya sa buhay.
Pagkauwi niya sa kanilang bahay, agad niyang binuksan ang kaniyang selpon upang sabihin na ayaw na niyang magpaligaw sa lalaking iyon.
“Pasensiya ka na, pero tingin ko, hindi tayo magkakasundo. Itigil mo na ang panliligaw, marami pang babae riyan,” mensahe niya rito saka agad nang natulog.
Kinaumagahan, nagising na lang siya sa tawag ng matalik niyang kaibigan dahilan upang labis siyang mainis dito.
“Ano ba? Ang aga-aga mong tumawag!” bulyaw niya rito.
“Melay! Nakita mo na ba ‘yong binebentang painting ng manliligaw mong pintor? Diyos ko, umabot na ng limang milyong piso dahil sa dami ng mga negosiyanteng nais bumili!” balita nito sa kaniya na ikinagising ng diwa niya.
Agad niyang tiningnan ang social media account ng naturang binata at halos lumuwa ang mga mata niya nang makitang totoo nga ang sinasabi ng kaniyang kaibigan.
“Diyos ko! Malay ko bang magkakahalaga ng ganoong kalaking pera ang painting na ‘yon!” sigaw niya sa pagkadismaya.
Napagdesisyunan niyang muling padalhan ng mensahe ang binatang iyon ngunit nang mabasa niya ang sagot nito sa mensahe niya kagabi, lalo siyang nagsisi.
“Dahil ba hindi kita mabilhan ng bulaklak o tsokolate? Alam kong aabot sa milyon ang halaga nito kapag ibinenta kaya ibinibigay ko sa’yo. Sa halagang iyon, kahit bahay kaya mong bumili. Pasensiya ka na, hindi na kita kukulitin,” wika nito na labis niyang ikinapanlumo.
Labis man siyang nagsisisi sa ginawang panlalait sa binatang ito, natuto naman siyang magpahalaga sa mga ibinibigay sa kaniya. Ipinangako niya sa sariling magiging mas wais sa mga gagawing desisyon at salitang ilalabas sa kaniyang bibig.