Inday TrendingInday Trending
Ninais ng mga Binata ang Mas Maginhawang Buhay Kaya Iniwan Nila ang Tahanan Nila sa Bukid; Isang Hindi Inaasahang Buhay Pala ang Naghihintay sa Kanila sa Syudad

Ninais ng mga Binata ang Mas Maginhawang Buhay Kaya Iniwan Nila ang Tahanan Nila sa Bukid; Isang Hindi Inaasahang Buhay Pala ang Naghihintay sa Kanila sa Syudad

“’Nay! Maghanda daw po kayo ng maraming pagkain sabi ni tatang at makikisalo raw sa atin ang iba nating mga kasamahan sa bukid. Katatapos lang po kasi nilang mag-ani at mukhang marami po tayong magagandang ani ngayon. Tingnan niyo itong mga dala ko.” masayang balita ni Juan sa kaniyang ina nang matanaw ito sa labas ng kanilang munting kubo at nagsasampay ng mga bagong labang damit.

“Oo nga ano? Naku naman, salamat naman sa Diyos at mukhang pinagpala niya tayo ngayon. O s’ya anak, kumuha ka naman ng panggatong at ako’y maghahanda na para sa salu-salo,” saad ng nanang ni Juan. Agad din namang kumilos ang binata at tumulong sa paghahanda.

Magsasaka ang buong pamilya nila Juan. Pang ilang henerasyon na sila ng mga magsasaka, dahil simula pa noong sinaunang panahon ay mga magsasaka na talaga ang kanilang mga ninuno. Maliban kasi sa pangingisda ay ito ang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga Pilipino.

Pero sa kabila nito, marami pa rin sa mga anak ng ibang magsasaka ang tuluyan nang nawawalan ng interes sa pagsasaka o agrikultura. Nawalan na sila ng ganang ipagpatuloy ang hanapbuhay na sinimulan ng kanilang mga magulang. Kahit kasi anong klaseng pagsisikap nila ay nanatili pa rin silang isang kahig, isang tuka. Ito ang naging dahilan kaya halos isinumpa na ng iba ang pagsasaka at tinalikuran na ang kanilang lupa.

Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga tao sa probinsiya, nakikipagsiksikan at nakikipagsapalaran sa Maynila. Mayroon pa ngang sa ibang bansa pa nagbabakasakali. Mas pinipili nalang nilang mamasukan at utos-utusan ng iba kaysa magsaka.

Pero iba nag paniniwala ng pamilya nila Juan. Mahal nila ang kanilang kabuhayan at gaya nga ng madalas sabihin ng kaniyang mga magulang, ang pagsasaka ang kanilang pagkakakilanlan. Ito ang kanilang karangalan.

“Ipinanganak tayong magsasaka, mamamatay taong magsasaka. Ito ang buhay natin at hindi tayo gagaya sa iba at iiwan ang ating lupa para lamang sa pera,” ito ang madalas na marinig ni Juan sa kaniyang ama.

Pero hindi sang-ayon dito si Juan. Gusto niya ng mas maginhawang buhay para sa kanila ng kaniyang pamilya. Bilang anak kasi ng magsasaka, isang batang lumaki sa pamilya ng mga magsasaka ay naranasan niya ang hirap na pinagdadaanan ng kaniyang pamilya.

Ilang sandali lamang at dumating na ang ama ni Juan kasama ang iba nilang mga kasamahan sa sakahan. Lahat ay masaya at nagagalak dahil sa magandang ani nilang lahat. Ipinaghanda sila ng masasarap na mga pagkain ng kaniyang ina at masaya nilang pinagsaluhan iyon habang nagkakatuwaan at nagdidiwang para sa biyayang natanggap.

Pero hindi nagtagal ang kanilang pagsasaya matapos lamang ang ilang linggo. Nasira ng dumaang bagyo ang karamihan sa kanilang mga pananim. Ilang buwan na naman silang sabay-sabay magugutom. Pagod na pagod na si Juan at ang kaniyang mga kaibigan sa kanilang paulit-ulit na sitwasyon at uri ng pamumuhay.

Kaya naman ng tiyempong may isang recruiter na napadpad sa kanilang lugar na nag-aalok ng trabaho sa Maynila ay agad nila itong nilapitan at kinausap. Dahil dito agad silang gumawa ng paraan para makaipon ng pera. Kumayod sila ng ekstrang mga trabaho sa bayan gaya ng pagbubuhat at iba pang trabahong katawan ang puhunan para agad na makalikom ng pera. Nang makaipon na nang sapat na pera ay agad na nagtungo ang magkakaibigan sa Maynila.

Pero pagkababa pa lang nila ng bus sa isang terminal sa Cubao, agad na silang sinalubong ng dorobo. Hiningian sila ng lilimang libo at pinaghintay lang ng mga ito. Ilang araw ang lumipas, pero hindi na sila binalikan ng mga nakausap. Hindi malaman nila Juan ang gagawin dahil hindi na rin naman sapat ang pera nila para sa pamasahe pabalik sa kanilang probinsya.

Ilang araw silang nagpalaboy-laboy sa Maynila, walang ligo at wala ring makain. Masaklap pa nito ay nanakawan pa sila ng kanilang mga gamit habang natutulog sa kalsada. Hindi alam nila Juan kung ano na ang mangyayari sa kanila hanggang sa isang araw ay may nakakita sa kanilang isang dating kasamahan sa bukid. Tinulungan sila nito at pinatira sa tinutuluyan nito sa Maynila.

“Maraming salamat sa inyong tulong, buong buhay naming itong tatanawin na utang na loob,” pasasalamat ni Pedro sa kanilang dating kasamahan. Tinulungan sila nitong makahanap ng trabaho at kung paano mamuhay sa Maynila. Doon napagtanto nila Juan na hindi porke’t nasa siyudad ka ay sasaya na at gagaan ang buhay mo. Mas mahirap pala ang buhay sa Maynila, napakarami pang masasamang loob at mapanglinlang sa kapwa.

Ilang buwan lang din at napagdesisyonan nila Juan na bumalik na sa kanilang pamilya sa bukid. Dala ang ilang mga gamit para mas mapadali ang kanilang pagsasaka.

Hindi man nakamit ang inakalang kaginhawaang inaasam na matatagpuan sa syudad ay masaya pa ring umuwi ang binata kasama ang kaniyang mga kaibigan. Ito ay dahil napatunayan nilang salat man sila sa pera ay mas mainam pa rin ang mamuhay nang simple basta ba tapat at kasama nila ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang tunay na kaligayahan.

Advertisement