
Makalipas ang Isang Dekada ay Muling Uuwi ang Babaeng Ito sa Kanilang Probinsiya, Isang Nakaraan Din ang Isisiwalat Niya
“Anak, sige na, bumisita ka na rito sa atin. Miss na miss ka na namin ng tatay mo, simula noong mag-asawa ka ay hindi ka na muling napadpad pa rito,” wika ni Aling Felly sa telepono.
“Dito na lang kayo sa Maynila, ‘ma, ako na bahala sa pamasahe niyo,” saad naman ni Gina, nag-iisang anak ng ale.
“Pero, ‘nak, hirap na lumakad ang tatay mo at mahina na ang tuhod kaya ikaw na lang sana ang dumalaw dito. Isama mo na ang apo ko para naman makalanghap ng hangin ng probinsiya,” pagpupumilit pang muli ng ale sa kaniya.
“Isa pa, pasko naman, anak, halika na rito,” pilit pang muli ng ale.
“Sige po, riyan kami magpapasko,” sagot ni Gina bago ibaba ang telepono.
Halos isang dekada na ring hindi bumabalik si Gina sa kanilang probinsiya, dumadalaw man ang kaniyang nanay ay palaging hindi kasama ang kaniyang ama kaya naman ito pa lang ulit ang una nilang pagkikita makalipas ang mahabang panahon.
“Gina! Ang anak ko! Matanda na talaga ako!” salubong ni Mang Danny, tatay ng babae.
“Akala ko ho ba ay hindi na kayo nakakalakad? Bakit parang ang lakas niyo pa?” tanong ni Gina rito.
“Ito naman, kakakita lang natin ay sinusungitan mo kaagad ang papa? Payakap muna ako!” sagot naman ng lalaki. Umilag naman si Gina at nagmano na lamang sa matanda saka niyakap ang kaniyang ina.
“Ito na ba ang apo ko? Aba, dalaga na!” bati ni Mang Danny kay Krisel, anak ni Gina na labing isang taong gulang na.
“Tara na ho, magtanghalian na tayo,” singit ni Gina at hinawakan ang anak niya palayo sa kaniyang ama.
“Anak naman, hindi pa nga ako nakakayapos sa aking apo, ilang taon ko ‘yang hindi nakita!” sabi ni Mang Danny ngunit hindi na nito nahawakan pa ang bata dahil mabilis itong pumasok sa kanilang bahay.
“Anak, may gusto sana akong tanungin. Bakit parang ilag ka pa rin sa tatay mo? Ano ba talaga ang mayron at bakit lumayo ang loob mo sa kaniya?” tanong ni Aling Felly sa anak.
“Una sa lahat, ‘ma, hindi ko naman talaga siya tatay at hindi pa ba sapat na tatay na ang tawag ko sa kaniya. Isa pa, matagal na panahon na rin na hindi kami nagkita tsaka pagod lang kami kanina,” sagot ni Gina sa ale.
“Akala ko ay hindi mo pa rin siya tanggap para sa akin. Matanda na ako, anak, at siya na ang naging kaagapay ko sa buhay simula nang umuwi ako sa ‘Pinas. Kahit wala na akong pera at walang trabaho ay hindi ako iniwan ng papa mo, ‘yung ibang mga OFW na kakilala ko kapag wala ng pera ay wala na ring love life pero tignan mo naman ang mama mo, umaariba,” dagdag pa ng ale at mas lalo pa siyang natawa sa kaniyang sinabi.
Hindi naman sumagot si Gina at nginitian lamang ang kaniyang ina. Bata pa lamang siya ay sumakabilang buhay na ang kaniyang tunay na tatay at nagtrabaho naman si Aling Felly sa ibang bansa hanggang sa nakilala ng kaniyang nanay si Mang Danny na siyang tumayong amain niya noon kasagsagan ng pag-aabroad ng ale.
“Umalis ka rito!” baling ni Gina nang makita niyang nakatabi si Mang Danny sa kaniyang anak.
“Gina, bakit ka naman ganiyan magpaalis,” sita ni Aling Felly na nasa likuran lamang pala niya.
Hindi sumagot ang babae at hinila patayo ang matandang lalaki palabas ng kwarto.
“Huwag mo akong subukan, hindi na kita aatrasan ngayon,” banta niya sa pagmumukha ng lalaki.
“Gina, gusto ko lang naman mayakap ang apo kong pinagdamot mo sa akin. Kung ano man ang nakaraan natin ay huwag mo naman sanang ungkatin pa,” pagmamakaawa ng matanda.
“Ano ang nangyayari?! Ano ba, hindi ko maintindihan,” singit ni Aling Felly sa dalawa.
“Alam mo, ‘ma, wala akong balak na balikan ang nakaraan pero hindi ko lang talaga kayang itago ngayon dahil pakiramdam ko hindi pa rin nagbabago ‘yang gago niyong asawa,” baling ni Gina sa ale.
“Bastos ‘yang bunganga mo!” baling ni Mang Danny.
“Noong nasa abroad ka at nagpapaka-tatay sa akin ‘yang asawang tinuturing mo ay hinihipu@n lang naman ako niyan! Mabuti na nga lang at hindi ako gin@hasa ng g@go na ‘yan dahil baka wala ka nang anak ngayon, ‘ma, patawarin mo ako kung ngayon ko lang nasabi ang lahat ng ito pero akala ko napatawad ko na siya sa nagdaang panahon pero bumalik ang lahat ng takot sa akin nang makita kong nakatabi siya kay Krisel. Patawarin mo ako, ‘ma,” iyak ni Gina at saka isinara ang pinto ng kwarto.
“Felly, patawarin mo ako. Nagawa ko lang ‘yun noon kasi wala ka tapos alam mo na, tawag ng laman, pero nagbago na ako, matanda na tayo,” sabi ni Mang Danny sa kaniya.
“Lumayas ka sa buhay namin, kung noon pa lang nalaman ko na ang ginawa mo sa anak ko baka hindi na ako nag aksaya pa ng isang segundo sa’yo. Lumayas ka!” sigaw ni Aling Felly sa lalaki at mabilis itong pumasok sa kwarto ni Gina.
“Patawarin mo ako, ‘ma, pakiramdam ko kasi noon ay kailangan mo ng asawa, kailangan mo siya at kapag sinabi ko ang totoo ay hindi ka maniniwala sa akin at mas pipiliin mo pa rin si Danny. Sorry, ‘ma,” iyak ni Gina sa kaniyang ina.
“Patawarin mo ako, anak, kung hindi kita naprotektahan noong lumalaki ka. Patawarin mo ako kung ganun ang naramdaman mo noon pero tandaan mo anak, ikaw at ikaw ang pipiliin ko magunaw man ang mundo,” sabi niya kay Gina at niyakap lamang nang mahigpit ito habang lumuluha.