Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Binatang Ito ang Kaniyang Pamilya para sa Nobya, Pagsisisihan Niya ang Desisyon sa Huli

Iniwan ng Binatang Ito ang Kaniyang Pamilya para sa Nobya, Pagsisisihan Niya ang Desisyon sa Huli

“Hindi ba’t ayaw mo na maging nanay at tatay sa mga kapatid mo? Pwes itanan mo ako, mag-asawa na tayo,” wika ni Irene sa kaniyang nobyo.

“Papayag kang makipagtanan sa akin kahit na mahirap lang ako?” tanong ni Mario sa babae.

“May trabaho ka naman, mahala ay makakain tayo. Pwede na,” tiwalang sagot ni Irene rito.

“Pero nag-aaral ka pa ng kolehiyo. Baka hindi ka makapagtapos kapag nagtanan tayo. Hindi kita mapag-aaral,” paliwanag naman ng lalaki.

“Kung hindi mo ako itatanan ay maghiwalay na lang tayo,” baling ng nobya saka siya inirapan ng babae.

“Mahal na mahal kita, Irene, kaya kung ‘yan ang gusto mo ay gagawin ko huwag ka lang mawala sa akin,” sagot ni Mario at niyakap ang nobya niya.

Ilang gabi ang lumipas at nagtanan nga ang dalawa, lumuwas ito sa katabing probinsya at doon nanirahan bilang mag-asawa. 25 anyos na si Mario at nagtratrabo bilang promodiser sa isang pamilihan samantalang si Irene ay huminto sa pag-aaral at nasa bahay na lamang.

Iniwan ni Mario ang anim niyang maliliit na kapatid upang sundin ang kaniyang puso. Pagod na kasi siyang magsilbing nanay at tatay sa mga ito kaya naman kahit hindi pa handa sa pag-aasawa ay pinasok na niya iyon kasama si Irene. Para rin sa lalaki ay ang nobya lamang niya ang tanging nagmamahal at tumatanggap sa kaniya ng buo sa kabila ng maraming kahirapan sa mundo.

“Mahal, ano ba ‘yang lalim na iniisip mo. Mukhang hindi mo naman yata ako naririnig, sabi ko gusto ko ng mangga!’ sigaw ni Irene sa kaniya.

“Pasensiya ka na, mahal, iniisip ko lang ang mga kapatid ko kung sino ang nagtitingin sa kanila kapag nasa trabaho si nanay. Pero hayaan mo na ‘yun, ano nga ulit ang gusto mo?” sagot ni Mario rito.

“Bakit parang tumataba ka, mahal?” biglang tanong ng lalaki sa napapansin niyang paglaki ng nobya sa ilang linggo pa lamang nilang pagsasama.

“Mahal, buntis ako,” diretsong sagot ni irene sa kaniya.

“Buntis ka kaagad? Paano? Teka,” naguguluhang tanong ng lalaki sa babae.

“Ako pa tinanong mo! Ayaw mo ba sa bata? Hala sige, ipapalagl@g ko!” sigaw ni Irene sa kaniya.

“Hindi naman sa ganun, sorry, kalma ka lang at baka mapano ka. Kukuha na ako ng mangga,” sagot ni Mario sabay yakap sa nobya at mabilis na kumilos ang lalaki nang mapansin niyang umiinit na naman ang ulo ng nobya.

Naguguluhan man ngunit masaya siya na kinakabahan para sa bagong kabanata ng kaniyang buhay. Hanggang sa lumalaki ang tiyan ni Irene at parang may mali sa kaniyang nararamdaman.

“Hindi ba masyadong malaki ang bata para sa tatlong buwan, mahal?” tanong niya sa babae na namimilog ang tiyan nito.

“Bakit ba panay ang tanong mo sa tiyan ko! Ayaw mo yata sa bata e! Umalis ka na nga at nabubwisit ako sa’yo!” baling sa kaniya ni Irene at mas uminit pa ang ulo nito sa kaniya sa mga sumunod na buwan hanggang sa hindi siya nagkamali ng hinala nang manganak na ito.

“Hindi sa akin ang batang ‘yan, Irene, sinong ama ng dinadala mo!” baling niya sa babae na kakapanganak lamang.

“Pwede ba, Mario, ‘di ba ay tinanan mo na ako? Ibig sabihin nun ay kargo de konsensiya mo na ako at kung ano ang mayro’n sa akin ay responsibilidad mo,” sabi ni Irene sa kaniya.

“Ano ‘yang sinasabi mo, Irene,” naguguluhang tanong ng lalaki.

“Ako pa nga itong nagligtas sa’yo, kasi ayaw mo nang alagaan ang mga kapatid mo ‘di ba? At sabi mo sa akin ay mahal na mahal mo ako at hindi mo kayang mawala ako sa’yo kaya ikaw ang pinili ko. Kaya sa’yo ‘yang bata,” singal na sagot ni Irene sa kaniya.

“Hindi ko alam kung ano ang iniisip mo ngayon pero nagkamali akong pinili kita!” sigaw ni Mario at iniwan ang babae.

“G@g*ng ‘to, iiwan mo ako? Bumalik ka rito, Mario!” naghuhumiyaw na sabi ni Irene.

Hindi alam ng lalaki kung tama ang kaniyang ginawa ngunit umuwi siya at pinuntahan ang mga magulang ni Irene.

“Sino ka?” tanong ng nanay nito sa kaniya.

“Kakapanganak lang po ni Irene at nandiyan siya sa address na iyan,” sagot ni Mario sabay abot sa isang papel.

“Talaga palang itinuloy niya ang pagbubuntis sa bata! Hindi na siya nahiya!” sabi ni Ale.

“Sino ho ang tatay ng bata?” diretsong tanong niya rito.

“Yung propesor niyang may-asawa, sabi niya sa akin ay hahanap siya ng lalaking sasalo sa kahihiyan niya. Sino ba naman tanga na sasalo sa kagagahan niya?!” baling ng ale sa kaniya at tinalikuran siya.

Ilang oras ang lumipas at binalikan niya ang babae.

Ngunit kakatok pa lang sana siya nang biglang mapahinto.

“Akala ko ba ay may magiging ama ang batang iyan?” tanong ng isang lalaking nakatalikod.

“Wala, tumakbo, hahanap na lang ako ng iba at hindi kita guguluhin basta bigyan mo lang ako ng pera,” sagot ni Irene rito.

“Akala ko ba mahal ka nung Mario?” tanong muli ng lalaki.

“Akala ko rin, pero bobo naman kasi ‘yun! Mas gusto nun mag-alaga ng mga kapatid niya saka isa pa wala namang silbi ‘yun dahil napakaliit ng sweldo! Pinagtiyagaan ko lang talaga para may kasama ako sa panganganak. Teka nga, ikaw, kailan mo ba iiwan ‘yang asawa mo?” tanong ni Irene sa lalaki.

Hindi na narinig ni Mario ang kasagutan sa tanong ni Irene dahil mas pinili na lamang niyang umalis. Hindi siya makapaniwala na ganun lamang kaliit ang tingin sa kaniya ng babaeng mahal na mahal niya. Hindi siya makapaniwala na iniwan niya ang kaniyang pamilya para sa babaeng hindi pa niya lubusang kilala. Akala niya noon ay babae lamang ang naloloko sa pag-ibig ngunit hindi dahil isa siya nga sa mga saksi na ang lalaki ay nagagamit din.

Kaya naman bumalik siya sa kaniyang pamilya at humingi ng tawad sa kaniyang ina at mga kapatid. Ngayon niya napatunayan na ang pagpapamilya ay hindi kasagutan sa hirap dahil mas malaking responsibilidad ito sa lahat. Simula noon ay mas pinili niyang maging mabuting anak at kapatid.

Advertisement