Inday TrendingInday Trending
Ang Batang si Mabuti

Ang Batang si Mabuti

Alas nuwebe na ng gabi ngunit sobra pa rin ang traffic sa kalsada. Napapapadyak na sa inis si Rudolf sa kanyang sasakyan habang hinihintay na umabante ang nasa harapang kotse.

“Tsk! Kaasar naman! Anong oras na naman ako makakauwi nito?” nakasimangot niyang sabi.

Halos dalawang oras nang mabagal ang usad ng mga sasakyan kaya nag-init na rin ang ulo niya.

Nang bigla siyang nakaramdam ng pagkulo sa kanyang sikmura.

“Nagugutom na ako. Kung hihintayin ko pang bumilis ang takbo ng mga sasakyang ito ay aabutin ako ng siyam-siyam,” bulong pa niya sa sarili.

Itinabi niya ang sasakyan sa malapit na fast food chain. Naisip niyang kumain na lang muna ng hapunan dahil hindi na niya matiis ang kanyang gutom.

“Makakain na nga muna. Ayokong magpalipas ng gutom,” aniya.

Pagpasok niya sa kainan ay iginala niya ang mga mata at naghanap ng pupuwestuhan. Nakita niya na maraming tao ang kumakain doon dahil na rin sa kilala ang nasabing fast food chain kaya dinarayo ng mga kustomer. Di nagtagal ay nakahanap naman siya ng bakanteng upuan.

“Hmmm…puwede na ako dito. Makakakain na ako ng maayos sa puwesto kong ito.”

Nakiusap siya sa isang kustomer na malapit sa kanyang upuan na bantayan ang puwesto niya dahil bibili lang siya ng pagkain sa counter. Pumayag naman ang babaeng kustomer.

“Naku, maraming salamat, miss. Saglit lang at bibili lang ako ng makakain. Baka kasi maagawan ako ng upuan kapag hindi ko pinabantayan,” aniya.

Dali-dali siyang pumunta sa counter para um-order ng pagkain ngunit kahit doon ay pinahihirapan pa rin siya dahil sa haba ng pila.

“Diyos ko! Ano ba namang buhay ito, pati ba naman dito ay traffic pa rin?” napapa-ismid na lang niyang sabi habang hinihintay na umusad ang kustomer na nasa harap niya. Panay rin ang tingin niya sa babaeng pinagbilinan niya ng kanyang upuan, baka kasi umalis na ito, ngunit bago pa man makaalis ang babae ay nakarating na siya sa counter at sa wakas ay naka-order na rin siya ng makakain.

“Hi, one piece chicken, one rice, one burger at french fries. Samahan mo na rin ng softdrinks,” wika niya sa staff.

Bago pa maibigay ang kanyang order ay biglang tumunog ang kanyang cell phone. Agad niyang kinuha iyon sa kanyang bulsa at pinindot para sagutin ang tawag.

“Hello, Ma! Narito po ako sa fast food at kakain po muna ako ng dinner bago umuwi. Sobra po kasing traffic kaya naisip kong dumiretso muna dito,” sabi niya sa kausap. Ang kanyang ina ang tumawag dahil nagtatanong na ito kung bakit hindi pa siya umuuwi.

Matapos sagutin ang tawag ng ina at makapagbayad sa counter ay nagmamadali siyang umupo sa pinabantayang puwesto at nagsimula nang kumain. Halos simutin niya ang laman ng styro sa sobrang gutom niya. Nang matapos kumain ay tumayo na siya sa kinauupuan at aktong lalabas na nang biglang kalabitin siya ng isang batang lalaki.

“Mama, mama, sandali lang po!” sigaw ng bata.

Napalingon si Rudolf sa kanyang likuran at nakita niya ang isang gusgusing bata na nakatanghod sa kanya. Sira-sira ang damit nito, nakayapak at marungis ang pangangatawan.

“Bakit bata, anong kailangan mo?” nagtataka niyang tanong.

“May nakalimutan po kayo,” anito.

“Ano iyon?” aniya.

“Sa inyo po yata itong pera. Nakita ko po kasing nahulog iyan kanina nang dukutin niyo ang cell phone niyo sa bulsa. Gusto ko po kayong lapitan kaso nahihiya po ako dahil kumakain po kayo, baka po mandiri kayo kapag nakita niyo akong lumapit sa inyo kaya inabangan ko na lamang ang paglabas niyo,” wika ng bata.

Ikinagulat ni Rudolf ang sinabi sa kanya nito. Hindi siya makapaniwala na nakuha pa ng batang ito na ibalik sa kanya ang sampung libong pisong papel na nakatiklop galing sa kanyang bulsa. Bigla niyang naisip na kung ibang batang kalye siguro ang nakakuha ng kanyang pera ay hindi na ibinalik sa kanya at tuluyan na itong kinuha.

“Napakabait mo namang bata. Ngayon ko napatunayan na hindi lahat ng batang kagaya mo ay gumagawa ng hindi maganda sa kapwa. Napatunayan kong may mga katulad mo pa na handang gumawa ng tama. Dahil ibinalik mo ang pera ko ay hayaan mong gantihan ko man lang ang kabutihan mo. Ano bang gusto mong pagkain at ibibili kita? Gusto mo ba ng burger or french fries?” tanong niya sa bata.

“Ay, huwag na po. Ayos lang po ako,” tanggi nito.

“Ha? mukha kasing hindi ka pa kumakain, e. Huwag ka na mahiya. Sabihin mo na lang sa akin kung ano ang gusto mo at bibilhin ko?” aniya.

“Okay lang po talaga kuya. Hindi po ako nanghihingi ng anumang kapalit,” anito.

“Pera? magkano ba ang gusto mo at bibigyan kita para pambili mo ng pagkain at kung ano man ang gusto mong bilhin,” alok pa ni Rudolf.

Umiling ulit ang bata. “Hindi na po. Masaya na po ako na makatulong sa inyo. Tinuruan po kasi ako ng mga magulang ko na gumawa ng kabutihan sa aking kapwa ng walang hinihinging kapalit. Mas maganda raw po iyon kaysa manghingi,” hayag pa nito.

Mas lalong hinangaan ni Rudolf ang batang gusgusin dahil sa kabutihang taglay nito at paniniwala sa buhay. Napagtanto niya na nagkalat pa rin talaga sa mundo ang mga may malilinis na puso na handang gumawa ng tama at hindi iniisip ang sariling kapakanan. Labis siyang nagpasalamat sa bata at dahil ayaw talaga nitong tumanggap ng kahit ano ay ibinigay na lamang niya rito ang kanyang tarhetas. Sinabi niya sa bata na kung sakaling mangailangan ito ng anumang tulong ay huwag itong mag-atubiling tawagan siya sa numerong ibinigay niya. Malugod naman itong tinanggap ng bata at nagpasalamat din sa kanya.

Masaya namang nilisan ni Rudolf ang fast food chain na bitbit ang aral na itinuro sa kanya ng bata. Aral na kahit anong estado sa buhay ay kailangan pa ring gumawa ng naaayon sa kagustuhan ng ating Lumikha.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement