Inday TrendingInday Trending
Pabango Para Kay Mister

Pabango Para Kay Mister

Paboritong bilhan ni Edith ng pabango ang kanyang asawang si Zap dahil mahilig sa pabango ang lalaki. Kahit pa mahal at branded ay binibili nito basta magustuhan. Ikinatutuwa rin ng babae na walang ibang bisyo ang mister kundi ang mangulekta lang ng mga pabango.

“Hon, nagustuhan mo ba ang pabangong iniregalo ko sa iyo noong nakaraang birthday mo?” tanong ni Edith.

“Oo naman hon! Thank you ha, alam na alam mo talaga ang gusto ko,” sabi ng lalaki sabay halik sa labi ng misis.

Tuwang-tuwa si Edith sa tuwing pinasasalamatan siya nito sa pagbibigay niya ng mamahaling pabango. Pakiramdam niya kasi ay lubos niyang napapasaya ang asawa sa simpleng bagay na ganoon, sa pagbibigay hilig rito.

Isang umaga ay habang paalis si Zap ay may naamoy siyang kakaiba.

“Hmmm…teka, hindi iyon ang amoy ng pabango ni hon, a!” nagtataka niyang tanong.

Ibang-iba talaga ang amoy ng pabango na ginamit ng kanyang mister ng araw na iyon. Alam na alam kasi niya ang mga pabangong ginagamit nito, ngunit kakaiba ang amoy na kanyang nalanghap dahil hindi iyon pamilyar sa kanya.

Mayamaya ay may biglang tumawag sa cell phone ng mister at sinagot nito ang tawag.

“Hello, bebs! Oo ginamit ko na iyong pabangong ibinigay mo. Gustong-gusto ko nga ang amoy, e,” malambing na wika ng lalaki.

Dinig na dinig ni Edith ang pakikipag-usap na iyon ni Zap sa cell phone at nakaramdam siya ng inis.

“Aba at sinong bebs kaya ang tinutukoy ng g*gong ito?” tanong niya sa sarili.

Nang matapos si Zap sa kausap niya ay nagmamadali na itong umalis at nagpaalam sa kanya.

“Hon, alis na ako! Baka mahuli pa ako sa trabaho!” sigaw nito sa may pinto. Hindi man lang naalala ng lalaki na humalik sa kanya bago umalis.

Hindi kumibo si Edith at halatang nanggigigil sa kanyang asawa. Malakas ang hinala niya na may kinalolokohan itong babae. Alam na niya iyon dahil dating babaero ang kanyang mister. Medyo nagtino na lang ito nang maikasal sila pero sa tingin niya ay bumabalik na naman ito sa dati at binibigyan pa ng pabango ng malanding babaeng kinakalantari nito.

“Kaya pala hindi mo na ginagamit ang mga pabangong ibinigay ko sa iyo ha, mayroon na pa lang ibang nagbibigay. Malalaman ko rin ang sikreto mong hudas ka!” gigil niyang wika sa isip.

Nang sumunod na araw ay ibang pabango ulit ang ginamit ni Zap bago umalis ng bahay kaya nanggagalaiti na naman sa galit si Edith. Sa isip niya ay sino kaya ang babaeng iyon na nagbibigay rito ng pabango at gustong-gusto itong gamitin ng kanyang asawa.

Nang biglang tumunog ulit ang cell phone ni Zap.

“Hello, bebs ginamit ko ulit ang pabango ha! Oo, heto nga at amoy na amoy sa buong bahay. Kita na lang tayo sa opisina para mapatunayan mong ginamit ko nga at ikaw mismo ang umamoy!” nakangisi nitong sabi sa kausap.

“At ka-opisina mo pala ang malanding babae mo ha! May amuyan pang magaganap? Mga taksil! Humanda kayong dalawa sa akin,” galit na wika ni Edith habang palihim na pinakikinggan ang asawa.

Nang makaalis ito ay palihim niyang sinundan si Zap hanggang sa makarating ito sa pinagtatrabahuhang opisina. Para hindi siya mahalata ay nagsuot pa siya ng peluka at nagbihis ng pang-matandang damit para hindi siya mamukhaan. Sumakay ito sa elevator, nakita niya na huminto iyon sa ika-pitong palapag. Mayamaya ay sumakay na rin siya at pinindot ang palapag kung nasaan ang kanyang magaling na asawa.

Pagbukas ng elevator ay kitang-kita niya ang kanyang mister na nakikipag-usap sa isang matangkad at sosyaling babae. Hindi niya makita ang mukha nito dahil nakatalikod sa kinaroroonan niya. Maingat siyang lumapit sa kinatatayuan ng dalawa. Kitang-kita niya nang tangkang aamuyin na ng babae ang leeg ni Zap. Doon na siya nakaramdam ng matinding selos kaya agad-agad niyang sinugod ang babae at sinabunutan ang makapal at kulot nitong buhok.

“Mga walang hiya, mga taksil! Ang kapal ng mukha mong babae ka, may asawang tao iyang kinakalantari mo!” sigaw ni Edith.

Nagulat ang mga empleyadong naroroon lalong-lalo na ang kanyang asawa sa ginawa niya sa babae.

“H-hon, b-bakit ganyan ang suot mo? At saka h-huwag mong gawin iyan!” pigil ni Zap sa kanyang misis ngunit huli na ang lahat. Laking gulat ni Edith nang matanggal sa ulo ng babae ang makapal at kulot nitong buhok.

”P-pelikula lang?” gulat niyang sabi.

“Ano ka ba miss, bakit mo ako sinabunutan? Sino ka ba?” wika nito sa matinis na boses.

“S-sir, pasensya ka na. Ako na ang humihingi ng paumanhin sa ginawa ng asawa ko,” sabi ni Zap habang pinapagpagan ang suot nang nagsalita.

“S-sir?” takang wika ni Edith. Hindi makapaniwala sa kanyang narinig.

“Oo, hon. Siya si Sir Bebs Salonga. Siya ang may-ari nitong kumpanya at siya ang boss ko,” bunyag ng lalaki.

“A-ano?”

“Yes, misis. Bebs ang pangalan ko. Actually, palayaw ko lamang iyon at ang tunay kong pangalan ay Bebong, ang pangit di ba? Di bagay sa kagandahan ko kaya mas maganda ang Bebs? Tama ka ng hinala, isa akong beki kaya ganito ako manamit. Nakaka-asar ka naman, e kay ganda-ganda nitong peluka ko sinira mo!” paliwanag nito.

Halos hindi nakakilos si Edith sa sinabi ng boss ni Zap. Pakiramdam niya ay para siyang lulubog sa kinatatayuan niya sa sobrang hiya sa kanyang inasal.

“P-patawarin niyo po ako kung n-napagbintangan ko kayo na babae ng asawa ko. K-kasi palagi niya pong ginagamit ang bigay niyong pabango, e at saka bebs pa ang tawag niya sa inyo kapag kausap kayo sa cell phone. Hindi rin siya nagsasabi ng “sir’,” hayag niya sa nauutal na boses.

“Ay, ayun ba? Totoo naman na binigyan ko ng pabango ang mister mo. Kailangan kasi na araw-araw niya iyang gamitin dahil siya ang employee of week. Dito kasi sa opisina namin, kada linggo ay may challenge akong pinagagawa sa mga empleyado ko at ang natapat na challenge sa asawa mo ay ang araw-araw na gamitin ang ibinigay ko sa kanyang pabango. Saka hindi na ako nagpapatawag ng ‘sir’ or ‘ma’am sa mga tauhan ko. Gusto ko ay parang magkakaibigan lang ang turingan namin dito,” bunyag pa ng boss.

“Diyos ko! Sorry po talaga! H-hindi ko po alam,” nahihiyang sabi ni Edith habang pinamumulahan ng mukha sa sobrang hiya.

“Naiintindihan kita, misis. Kahit naman ako ay magagalit kapag niloko ako ng taong mahal ko. Huwag kang mag-alala, hindi ko aagawin sa iyo si Zap at isa pa may boyfriend na ako ‘no!” anito.

Pag-uwi sa bahay ay abot-langit ang paghingi ng tawad ni Edith sa mister sa kahihiyang ginawa niya ngunit imbes na magalit ay isang mahigpit na yakap ang itinugon nito sa kanya.

“Hon, alam kong naging babaero ako noon at inaamin ko iyon, pero nagbago na ako ngayon dahil nahanap ko na ang babaeng gusto kong makasama habang ako ay nabubuhay. Pagkatiwalaan mo naman ako,” malambing nitong wika sa kanya.

“Patawad hon. Promise hinding-hindi na ulit kita paghihinalaan at pagkakatiwalaan na kita ng buong-buo,” aniya sa asawa sabay yakap din ng mahigpit rito at sabay nilang pinagsaluhan ang tamis ng kanilang pag-ibig.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement