“Kadiri talaga ʼyan si Fatima. Tingnan mo, napakatakaw at napakahilig kumain!”
“Kaya nga. Kaya ang taba niya rin, e. Ewan ko ba sa babaeng ʼyan at wala yatang pakialam sa kaniyang figure!”
Bulungan iyon ng mga office mate ni Fatima habang sila ay nasa canteen ng opisina. Break time na nila kaya naman inilabas na ni Fatima ang mainit-init pang ulam na iniluto niya kanina bago siya pumasok, na talaga namang nakatatakam at humahalimuyak sa bango.
Lingid sa kaalaman ng dalawang tsismosa ay naririnig ni Fatima ang kanilang mga bulungan dahil hindi naman kalayuan ang puwesto niya sa mga ito. Iyon nga lang, ayaw na lamang niya itong pansinin kaya naman nagpatuloy na lamang siya sa pagkain.
“Tingnan mo, walang nagkakagusto sa kaniya. Ang taba kasi. Ang pangit!” muli pang bulong ng isa sa kaniyang mga kaopisina at nagsipagtawanan ang mga kasama nito sa mesa.
Patuloy pa rin sa pagkain si Fatima ngunit sa loob-loob niya ay gusto na niyang tumakbo palayo. Pasimple niyang pinunasan ang tumulong luha sa kaniyang mga mata dahil sa naririnig na sinasabi ng mga ito.
Hindi nila alam ang tunay na dahilan kung bakit ganoon na lamang ang biglaang paglaki ng kaniyang katawan. Noon kasi ay nagkasakit siya kaya naman kinailangan niyang uminom ng ibaʼt ibang klase ng gamot na siya namang nakapagpapataba sa kaniya ngayon. Bukod pa roon ay nag-aral siyang magluto ng mga masusustansyang pagkain upang lumakas ang kaniyang resistensya kaya naman ganoon na lang kung laitin siya ng kaniyang mga kaopisina.
Nang hindi na kayanin ni Fatima ang kaniyang mga naririnig ay tumakbo siyang dala ang kaniyang pagkain at nagtungo na lamang sa kanilang locker room upang doon mananghalian. Nasa kasarapan na siyang muli ng pagnguya nang biglang may magsalita sa kaniyang likuran…
“Ang bango naman ng ulam mo, Fatima! Pahingi naman, oh!” anang tinig na biglang nakapagpasinghap sa kaniya.
“Sir!” halos mapatalon siya sa gulat nang makilala ang lalaking nanghihingi ng ulam. Ang boss niya!
“Oh, bakit? Masarap kasing kumain dito sa locker room nʼyo kasi walang tao. Tahimik. Nagulat nga ako nang makita kita rito. Pero, mukha talagang masarap ʼyang ulam mo. Pʼwede bang humingi?” tila tatakam-takam pang tanong ng kaniyang boss.
Taranta namang binigyan niya ito ng iniluto niyang ulam.
“Wow! Sobrang sarap nito, Fatima! Saan mo ito nabili?!” may paghangang tanong ng kaniyang boss na sinunod-sunod ang subo sa ulam na ibinigay niya.
“Ako po ang nagluto niyan, sir,” sagot naman niya.
Kung may mabuting naidulot sa kaniya ang pagkakaroon noon ng sakit, iyon ay ang pagkakadiskubre niya sa talento niya sa pagluluto. Maraming nasasarapan sa mga luto ni Fatima at ikinatutuwa niya iyon.
“Alam mo, pʼwede kang magnegosyo. Magtayo ka ng eatery, Fatima. Sobrang sarap mong magluto!” suhestiyon ng kaniyang boss na nakapagbigay ideya naman kay Fatima.
Pwede nga ʼyon!
Simula nang araw na iyon ay palagi niya nang kahati ang kaniyang boss sa mga pagkaing iniluluto niya. Nang malaman nitong binabalak niyang ituloy ang suhestiyon nitong pagtatayo ng negosyong kainan ay agad itong nag-alok ng partnership sa pagitan nilang dalawa.
Nagsimula silang magpatayo ng maliit na kainan gamit ang maliit na ipon ni Fatima at ang perang in-invest ng kaniyang boss. Dahil sa sarap ng mga pagkaing iniluluto ni Fatima ay agad namang pumatok ang kainang iyon.
Kinailangan ni Fatima na mag-resign sa trabaho upang matutukan ang negosyong iyon at pumayag naman ang kaniyang boss na noon ay nakakapalagayan na niya ng loob. Dahil sa maganda nilang samahan at pagiging patok ng kanilang mga putahe ay lumago na nang lumago ang kanilang kainan, hanggang sa unti-unti na iyong makilala at magkaroon ng ibaʼt iba pang branch, nationwide!
Ganoon na lamang ang panliliit ng mga dating nang-aapi kay Fatima, lalo na nang malaman nilang malapit nang itong ikasal sa kanilang boss!
Totoo nga ang kasabihang, “the way to a manʼs heart is through his stomach,” dahil iyon ang pinatunayan ni Fatima nang ma-in love dito ang kanilang boss.
Dahil unti-unti nang gumagaling si Fatima ay unti-unti na ring bumalik sa dating hubog ang kaniyang katawan nang hindi niya napapansin. Talbog ang mapanlait niyang mga kasamahan noon, lalo na at alam nilang muli mang tumaba si Fatima, kailan man ay hindi ito magiging pangit sa paningin ng magiging asawa nito.