
Ayaw Sagutin ng Babae ang Binatang Nanliligaw sa Kaniya; Katuwiran niyaʼy Pandak daw ito
“Uy, Jasmine, bakit ayaw mong sagutin si Albert, e, guwapo naman siya?” tanong ng kaibigan ni Jasmine sa kaniya nang makauwi ang pinakamasugid niyang manliligaw na si Albert matapos siya nitong ihatid sa kanilang bahay.
“Guwapo nga siya, pandak naman,” nakangusong sagot naman ni Jasmine, “nate-turn off ako, Patricia!” dagdag pa niya.
“Ang choosy mo naman, girl! Maliit man ʼyang si Albert, terrible naman. Masipag, matalino, mabait at bonus pa ang pagiging guwapo! Kung ako sa ʼyo, siya na lang ang sasagutin ko kaysa ʼyong mga ibang lalaking nanliligaw sa ʼyo na bastos at walang modo,” pangangaral pa ng matalik niyang kaibigang si Patricia.
Napabuntong-hininga na lamang si Jasmine at napagtantong may punto naman talaga ito. Iyon nga lang, bata pa lang kasi siya ay nangangarap na siya ng isang prince charming at kasama sa mga kwalipikasyon niya niyon ang pagiging matangkad.
Ang totoo ay iyon lang naman ang pumipigil sa kaniya para sagutin si Albert. Hindi naman kasi ito mahirap mahalin dahil sa ipinapakita nitong dedikasyon sa panliligaw sa kaniya.
Nasa ganoong pag-iisip si Jasmine nang bigla siyang tawagin ng isa sa mga kabarkada ni Albert. Humahangos ito habang papalapit sa kaniya.
“Jasmine! Jasmine!” anito.
“Oh, Troy, bakit?” takang tanong naman ni Jasmine. Nakakunot ang kaniyang noo.
“Si Albert, nasagasaan sa kanto!” pabigla-biglang balita naman ni Troy sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ni Jasmine sa narinig. “Ano?!” Napahiyaw siya.
“Halika na! Sumama ka na sa akin sa ospital, dali!” pag-aaya pa ni Troy. Natataranta namang sumunod na lamang sina Jasmine at Patricia sa binata hanggang sa makarating na nga sila sa ospital.
“Kritikal daw ang lagay ni Albert,” malungkot na pag-iimporma ni Troy sa kanila. Bakas sa namamaga nitong mata na umiyak ito.
Naiyak na rin sina Jasmine at Patricia. “Ano ba kasing nangyari? Bakit nasagasaan si Albert? Kahahatid lang niya sa akin sa bahay, ah!” tanong ni Jasmine sa pagitan ng kaniyang pag-iyak.
“May iniligtas kasing bata si Albert, Jasmine. Naroon ako noʼng mangyari iyon dahil magkausap kami. Nakita niya kasing biglang tumakbo sa kalsada ʼyong bata dahil nabitiwan ito ng kaniyang lola. Eksaktong may paparating na kotse at humaharurot iyon sa bilis, kaya mabilis ding tinakbo ni Albert ang kalsada para hindi mapaano iyong bata. Hayun at siya tuloy ang nadali,” kuwento pa ni Troy na nakapagpatulala sa dalawang dalaga.
“Ganoon kabuting tao si Troy, Jasmine. Kaya nga hindi ko maintindihan kung bakit ayaw mo sa kaniya. Sa katunayan, pinag-uusapan namin kanina na titigilan ka na niya para daw hindi ka na mahirapang bastedin siya, kasi alam naman daw niyang ayaw mo sa kaniya,” tila may hinanakit na sabi pa ni Troy kay Jasmine.
“Hindi totoo ʼyan!” humahagulhol na sagot naman ni Jasmine kay Troy. “Ang totoo, sa lahat ng manliligaw ko, kay Albert lang ako may gusto. Magaan ang loob ko sa kaniya, panatag ako kapag kasama ko siya. Mahal ko siya, Troy. Nabubulag lang ako, dahil matagal akong nangarap ng isang love story na mala-fairytale. Pero gusto ko nang aminin sa sarili ko ang totoo kong narardaman!”
Lalong nag-iiyak si Jasmine matapos niyang sabihin ang damdaming matagal na niyang kinikimkim sa kaniyang dibdib. Gusto niyang isigaw iyon para malaman iyon ni Albert ngunit paano? Ngayon ay nasa kritikal itong kondisyon!
“Sinisigurado kong paggaling ni Albert ay sasabihin ko na sa kaniya ang totoong nararamdaman ko. Please lang, ipagdasal nating gumaling na siya at makaligtas sa kapahamakan!” pangangako pa ni Jasmine sa harap nina Troy at Patricia.
Habang lumilipas ang mga araw na nananatiling walang malay si Albert ay bumawi si Jasmine sa binata. Inalagaan niya ito nang buong puso katulad ng pag-aalaga nito sa kaniya noon. Binantayan niya itoʼt lalong minahal sa kabila ng walang kasiguraduhang muling paggising nito.
Ngunit talaga nga yatang mahal ng tadhana si Albert. Matapos ang dalawang buwan ay nagising na ito mula sa pagkakaratay at ganoon na lamang ang tuwa nina Jasmine, Troy at Patricia bukod sa pamilya ni Albert!
Lalo pa ngang minahal ni Jasmine si Albert nang ang unang salitang lumabas sa bibig nito ay ang pangungumusta nito sa batang sinagip nito at hindi ang kaniyang kalagayan.
Tunay na napakabuti ng kalooban ni Albert. Kulang man ito sa height, napakalaki naman ng puso nito at iyon ang minahal ni Jasmine.
Sinagot ni Jasmine si Albert at naging napakasaya ng kanilang relasyon hanggang sa sila ay humantong na sa simbahan.