
Dahil sa Kaniyang Sakit ay Inakala ng Dalagang Malas siya; Magiging Daan pala iyon upang Siyaʼy Lumigaya
“Sinasabi ko na nga ba, narito ka lang.”
Dali-daling pinunasan ni Juvy ang mga luha. Nasa rooftop siya ng ospital nang mga oras na iyon upang ilabas lahat ng saloobin niya at ibulong ito sa hangin. Nilingon niya ang may-ari ng boses at nakita niyang si Erwin iyon—ang chemo nurse na naka-assign sa kaniya. Matanda lamang ito sa kaniya ng dalawang taon kaya madali silang nagkasundo sa mga bagay-bagay.
“Iniiyakan mo na naman ba ang parents mo?” tanong nito sa kaniya. Sa ilang buwang pagpapabalik-balik niya rito sa ospital para magpagamot ay naging kapalagayang-loob na niya ito. Wari ba ay nagkaroon siya ng kakampi at karamay sa katauhan ng binata.
“Hindi. May kumagat kasing langgam sa mata ko kaya ako naiyak,” sagot ni Juvy.
Nagpakawala ng buntong-hininga si Erwin. “Aalis na nga pala ako sa katapusan.”
“Pasalubong ko, ha?” may pilit na ngiting wika ni Juvy.
Matagal nang nagpaalam ang binata sa kaniya na babalik ito sa Amerika. Pinauuwi ito ng amang Amerikano dahil may family business sila na kailangang asikasuhin ni Erwin. Ngunit nangako ang binata na hindi magtatagal doon dahil mas gusto nito sa Pilipinas. Binilinan pa niya si Erwin na kung makikita nito ang papa niya roon ay sabihan ito na sana naaalala pa silang mag-ina.
“Paano ko siya makikilala? E, ni hindi mo alam pangalan niya,” ani Erwin.
Sanggol pa lamang kasi si Juvy nang mapilitan ang ama na iwanan silang mag-ina dahil sa inalis na ang mga base-militar ng Amerika sa Clark at Subic. Kinailangan nang bumalik sa sariling bansa ang mga sundalong Amerikano at isa na ang ama ni Juvy roon. Naiwan silang mag-ina sa pangangalaga ng kaniyang lolo at lola na kabilang sa isa sa mga kilalang angkan sa Angeles. Nang mag-iisang taong gulang na si Juvy at nalaman ng kaniyang lola na may pamilya pala sa Amerika ang ama niya. Ito ay dahil sa ipinahanap nila ito sa isang imbestigador nang hindi na ito tumawag o nagparamdam man lang sa ina ni Juvy. Simula noon ay pinagbawalan na ang ina niya na makipag-usap sa papa niya kung sakaling balikan sila nito. Kahit ang pangalan nito ay ipinaalis nila sa birth certificate ni Juvy upang hindi na ito maalala o hanapin pa ng dalaga. Kaya naman, kahit ang pangalan nito ay di niya alam.
“Tara na, sasalang ka na,” pag-aaya ni Erwin na ang tinutukoy ay ang chemo session ng dalaga. Sabay silang sumakay sa elevator pababa ng ground floor ng ospital. Inalalayan ni Erwin ang dalaga hanggang sa radiography room.
“Salamat,” wika ni Juvy paglapat ng katawan niya sa kama ng ospital.
“Iwan na muna kita,” wika ni Erwin. “Sasalang na ang next patient ko in a bit.”
May sakit si Juvy kayaʼt namamalagi siya rito sa ospital at kamalasan kung ituring niya iyon.
Inihatid naman ng tanaw ni Juvy ang umalis na nurse. Naiwan na naman siyang mag-isa sa silid na iyon. Imbes na magpahinga ay tumayo siya mula sa kama at tinungo ang maliit na cabinet doon upang kunin ang kaniyang bag. Binuksan niya ito at kinuha mula roon ang diary ng mama niya na nahanap niya noong nakaraang linggo. Naisip niyang wala naman nang masama kung babasahin niya iyon.
Nang buklatin niya iyon ay nalaglag ang isang lumang larawan. Nahagip ng tingin niya ang imaheng naroon at agad sumikdo ang kabog ng kaniyang dibdib. Dahan-dahan siyang yumuko upang kunin ito. Binasa ang dedikasyon na nakasulat sa likod niyon na nagsasaad ng pagmamahal sa ina niya. Tinitigan niya ang larawan at agad na bumalik sa kaniyang balintataw ang kaunting alaala niya, kasama ito.
“Papa,” bulong niya.
Siya namang pagkatok at pagbukas ng pinto. Pumasok mula roon si Erwin.
“Nakalimutan ko itong wheelchair. Binalikan ko lang.”
Nilingon nito ang tangan niyang larawan. Bahagyang kumunot ang noo nito.
“Bakit?” tanong ni Juvy.
“Bakit may larawan ka ni Dad?”
Nagkatinginan silang dalawa.
Napaupo sa gilid ng kama at nasapo ni Juvy ang kaniyang dibdib. Parang sasabog ito sa biglang buhos ng emosyon. Si Erwin naman ay nakatingin lamang sa kaniya at nagugulumihanan na natulala.
“S-siya ang papa ko…”
“Ikaw pala ang palaging ikinukuwento ni Daddy. Matagal ka na niyang gustong makita pero itinago ka raw ng mga lolo at lola mo, pati na ang mama mo. Eris ang alam ni Dad na pangalan mo pero hindi ka namin mahanap-hanap,” halos hindi marinig ang bawat salitang tinuturan ng binata sa sobrang pagkabigla.
Ngayon ay malinaw na sa kaniya ang lahat. Ang magaang pakiramdam sa pagitan nilang dalawa. Ang koneksiyon na wari ba ay napakatagal na nilang magkakilala.
“Pinalitan nila ang pangalan ko. Sina lolo at lola rin ang tumayong magulang ko sa birth certificate,” pagpapaliwanag ni Juvy.
‘Di na napigilan ni Juvy ang pagtulo ng luha dahil sa kagalakan at pagkabigla.
“God knows, ginawa ni Dad ang lahat upang makita kang muli. Patawad kung wala si Dad sa mga panahon na lumalaki ka. At hanggang ngayon, wala siya rito para damayan ka—pero walang oras na hindi ka niya naalala.” Napupuno na rin ng luha ang mga mata ni Erwin. Niyakap siya nito. “Hindi ka na mag-iisa, kapatid ko. Narito na si Kuya para sa iyo.”
“Kuya,” bulong ni Juvy at yumakap na rin nang mahigpit sa kapatid na hindi inaasahang mahahanap niya sa panahon na kailangan niya ng suporta at pagkalinga.
“Pangako, Juvy, iuuwi ko rito si Daddy para sa iyo. Hindi ka na muling mag-iisa. Magiging buo nang muli ang pamilya mo.”
Pumikit siya upang umusal ng munting panalangin ng pasasalamat.
Nag-uumapaw ang kagalakan sa puso niya. Sa wakas, mahahanap na niya ang nawawalang bahagi ng kaniyang pagkatao. Hindi na siya mag-iisa—natagpuan na niya ang daan patungo sa kaniyang inaasam na kaligayahan.
Tinupad ng kaniyang Kuya Erwin ang pangako nito at labis ang kaniyang saya nang muli silang magkita ng kaniyang ama. Bumawi ito sa kaniya at nanatili, kasama silang magkapatid, hanggang sa gumaling si Juvy sa kaniyang sakit.