Usap-usapan ng mga Kapitbahay ang Isang Binabae na Bagong Lipat sa Kanilang Lugar; Mabubunyag Pala ang Itinatago Nitong Sikreto

Kalilipat lang ni Donato sa ipinagawa niyang bahay sa Quezon City. Isa siyang lalaki na may pusong babae. Kung sa umaga, ang pangalan niya ay Donato, kapag sumasapit ang dilim ay siya naman si Natalia. Pero mas gusto pa rin niyang Donato ang itatawag sa kaniya ng mga tao. Abala siya sa pamamahala ng kaniyang negosyong patahian sa Cubao ngunit mula nang lumipat siya sa bago niyang bahay ay naging usap-usapan na siya ng mga kapitbahay.

“Alam niyo, nahihiwagaan ako sa bagong lipat diyan sa kabilang bahay. Minsan ay napadaan ako roon para makipagkilala, pero nakita kong gumagawa ng pagkalalim na hukay ‘yung bago nating kapitbahay sa likod ng bahay niya,” sabi ni Aling Mameng sa mga kasama.

“Naghuhukay lang naman pala, eh. Baka naman may itatanim lang na mga halaman,” wika ni Mang Pedring.

“Magtatanim, ang laki ng butas na hinukay niya na para bang may kung ano siyang ibabaon doon.”

“Baka may namat*y siyang alagang hayop kaya doon niya ililibing,” saad naman ni Aling Delia.

“Eh, mula naman nang lumipat ang binabaeng ‘yan dito sa atin, wala naman siyang dinalang kahit anong hayop sa bahay niya. Nang pumasok nga ako sa bakuran niya ay wala naman akong napansing hayop, wala rin akong narinig na tahol ng aso man lang,” giit pa ng ale.

“Aba, eh, saan niya gagamitin ‘yung hinukay niya?!”

Hindi lang sa hinukay na lupa sa likod ng bahay ang naging tampulan ng tsismis ng tatlong magkakapitbahay, pati ang kakatwang ginagawa ni Donato nang pumunta sa likod ng bahay nito si Mang Pedring para manghiram ng pala.

Advertisement

“May pagka-weirdo pala talaga ‘yang si Donato. Nang pumunta ako sa likod ng bahay niya at manghihiram sana ako ng pala ay nakita ko siyang natutulog sa butas na hinukay niya. Kinilabutan ako nang makita ko siya sa ganoong posisyon kaya agad ko siyang ginising. Nagulat pa nga ako nang imulat niya ng mga mata, mukha siyang bangkay na bumangon sa libingan!” nangingilabot na sabi ng matandang lalaki.

“Nasisiraan na yata ng ulo ang binabaeng ‘yan!” sabad naman ni Aling Mameng.

Ang tagpong nakita ni Mang Pedring ay muling naulit dahil nang puntahan ng tinderang si Aling Delia ang bahay ni Donato para maghatid ng inorder nitong halo-halo ay laking gulat ng babae nang makita itong natutulog sa hukay na ginawa nito sa likod ng bahay kaya ikinuwento niya ito agad sa mga kaibigan.

“Tama nga ng sinabi ni Mang Pedring, natutulog nga si Donato sa ginawa niyang hukay sa likod ng bahay niya. ‘Di pala ‘yon ordinaryong hukay, malalim ‘yon at nakakatakot,” kwento ni Aling Delia.

“Mabuti na lamang at wala siyang ibang kasama sa bahay, kung meron ay tiyak na matatakot at lalayasan siya sa ginagawa niya,” tugon ni Aling Mameng.

“Kakausapin ko na siya tungkol sa ginagawa niyang iyon. Hindi niya dapat ginagawang biro ang paghiga at pagtulog sa hukay,” sambit ni Mang Pedring.

Sinamahan naman ng dalawang babae ang matandang lalaki at tinungo nila ang bahay ng binabaeng si Donato. Kinompronta na nila ito sa ginagawang pagtulog sa hukay.

“A, eh, magandang araw!” bungad ni Mang Pedring.

Advertisement

Nagulat pa ang binabae nang makita ang tatlong kapitbahay.

“O, Mang Pedring, ano pong maipaglilingkod ko?”

“M-may gusto lang kaming itanong sa iyo.”

“A-ano po iyon?”

“Ipinagtataka kasi namin kung bakit palagi kang nakahiga at natutulog sa ginawa mong hukay riyan sa likod ng bahay mo? Natatakot tuloy itong sina Aling Mameng at Aling Delia,” tanong ng matanda.

“Hindi ka ba natatakot sa ginagawa mo, Donato? Humihiga at natutulog ka sa hukay na pagkalalim-lalim?” saad ni Aling Mameng.

“Hindi ‘yan ginagawa ng matinong tao. Saka ‘di ka ba nandidiri kapag natutulog ka roon? Marumi at maputik!” hirit pa ni Aling Delia.

“Relax lang po. Alam kong hindi normal ang ginagawa ko, pero sinasanay ko lang po ang sarili ko,” sagot ni Donato.

Advertisement

“Ano? Sinasanay mo ang sarili mo? Bakit naman?” nagtatakang tanong ni Mang Pedring.

“Ang totoo’y ginawa ko po talaga ang hukay sa likod ng aking bahay para sa akin. Mayroon po akong sakit na Leukemia at may taning na ang aking buhay. Wala na po akong mga magulang, wala rin po akong mga kapatid at itinakwil na ako ng aking mga kamag-anak dahil sa aking kasarian kaya mag-isa kong haharapin ang aking kamat*yan. Pinaghahandaan ko na ang aking paglilibingan at gusto ko pong dito ako ilibing sa likod ng aking bahay na matagal kong pinag-ipunan para maipatayo. Kung nakikita niyo akong natutulog sa hukay ay parte po ‘yon ng aking paghahanda sa aking paglisan. Inihahanda ko na ang aking sarili sa hukay kung saan ako mahihimlay,” naluluhang sabi ni Donato sa talong matanda.

Hindi na rin napigilan ng tatlo ang maiyak sa kwento ng kanilang kapitbahay.

“Diyos ko, hindi namin alam na may mabigat ka palang pinagdaraanan. Patawarin mo kami sa aming panghihimasok,” wika ni Mang Pedring.

“Huwag kang mag-alala, narito lang kaming mga kapitbahay mo na handang tumulong at umalalay sa iyo. Maaari mo kaming maging kaibigan,” sabi ni Aling Mameng.

“Hayaan mong damayan ka namin sa mga natitirang araw mo rito sa mundo. Ipagdarasal din namin na humaba pa ang iyong buhay,” saad naman ni Aling Delia.

Gumaan ang pakiramdam ni Donato dahil may mga taong tumanggap sa kaniya sa kabila ng pinagdaraanan niya. Nakahanap siya ng mga kaibigan na handang umunawa sa kaniya. ‘Di nagtagal ay pumanaw na rin si Donato ngunit sa kaniyang paglisan ay baon niya ang saya sa puso dahil sa mga tunay na kaibigang nakasama niya sa mga huling sandali ng buhay niya.

Gaya ng hiling niya ay ipinalibing siya ng tatlong matanda sa likod ng kaniyang bahay. Inalayan siya nito ng mga magagandang bulaklak at maikling panalangin. Dahil sa wala nang ibang kamag-anak si Donato ay ipinamana niya sa tatlo niyang kapitbahay ang kaniyang mga ari-arian, negosyo at ang bagong bahay na tanda ng pasasalamat niya sa lahat ng naitulong ng mga ito.