Inday TrendingInday Trending
Nagustuhan ng Dalaga ang Tindang Leche Flan ng Babae Kaya Hinanap Niya Ito; Isang Lihim sa Kaniyang Pagkatao ang Mabubuksan

Nagustuhan ng Dalaga ang Tindang Leche Flan ng Babae Kaya Hinanap Niya Ito; Isang Lihim sa Kaniyang Pagkatao ang Mabubuksan

“Congratulations, Faye! Tagumpay ang unang araw nang pagbubukas ng restaurant mo!” masayang bati ng kaibigang si Alysson.

“Thank you, friend! Kinakabahan nga ako kasi ‘di ko pa masyado maayos ang preparasyon, pero maganda naman pala ang naging resulta.”

“Siguradong dudumugin pa ito ng mga kustomer kapag natikman na nila ang mga recipe mo, lalo na ang specialty mong kare-kare.”

“Magdilang anghel ka sana, Alysson!” sagot niya sa kaibigan.

Nang biglang may napansin si Faye sa labas ng restaurant. Isang babae na tumitingin-tingin mula sa labas na para bang may tinatanaw ito sa loob. Saglit niya itong pinuntahan sa labas.

“Ale, ale, may kailangan po ba kayo?” tanong niya.

“Bagong bukas pala ang restaurant na ito, hija?”

“Opo. Kakabukas lang namin ngayon. Ako nga po pala ang may-ari ng restaurant,” pakilala niya sa sarili.

“Kung gayon ay hindi na ako maaaring tumambay dito sa labas? Dati kasi ay dito ako nakapuwesto habang nagtitinda,” tugon ng ale.

“Pasensiya na po, hindi ko alam na dito pala kayo sa labas ng aking restaurant nakapuwesto sa pagtitinda. Ano po ba ‘yang ibinebenta niyo?”

“Mga panghimagas, hija, pero ang pinaka-espesyal at mabenta sa lahat ay ang aking leche flan. Gusto mong tikman? Mayroon akong libreng tikim.”

Ipinakita sa kaniya ng tindera ang tinda nitong leche flan at bigla siyang natakam sa itsura niyon kaya agad niyang tinikman.

“Ang sarap! Ngayon lang po ako nakatikim ng leche flan na ganito kasarap!” wika ni Faye.

“Salamat naman at nagustuhan mo, hija,” masayang sagot ng babae.

“Dahil sobra kong nagustuhan ang leche flan niyo, bibili ako. Pagbilhan niyo ako ng limang llanera. Sandali lang po at kukuha lang ako ng perang pambayad.”

“Sige, hija. Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong ng babae.

“Faye po, Faye Rivera, ang may-ari po nitong restaurant.”

Nagmamadali siyang pumasok sa loob ng restaurant para kumuha ng pambayad, pero nang lumabas siya ay wala na ang tindera.

“N-nasaan na siya? Ang sabi ko’y bibili ako ng tinda niya, eh!”

Hinanap niya sa paligid ang babae ngunit hindi na niya ito nakita.

“Sayang naman. Bakit kaya siya biglang umalis?”

Buong gabi niyang inisip ang tungkol sa babae at sa tinda nitong leche flan. Hindi niya makalimutan ang kakaibang lasa at sarap niyon. Napagpasiyahan niyang hanapin ang tindera para bumili ng tinda nitong panghimagas. Sinabi ni Faye sa mga tauhan niya sa restaurant na kapag may nakitang babaeng nagtitinda ng leche flan sa labas ay ipaalam agad sa kaniya. Nag-post na rin siya sa social media tungkol sa tindera ngunit wala pa ring makapagturo sa kaniya kung nasaan ito. Araw-araw rin siyang naghihintay sa labas ng restaurant, baka sakaling bumalik ito.

“Saan ko kaya mahahanap ang tinderang ‘yon?” bulong pa niya sa isip.

Habang naglalakad siya sa isang maliit na eskinita para bumili ng prutas ay may narinig siyang sigaw.

“Matamis kayo riyan! Leche flan, ube, macapuno!”

Nang lingunin ni Faye ang boses ay biglang nalungkot ang mukha niya. Hindi kasi ang babaeng nakita niya sa labas ng restaurant ang nagmamay-ari ng boses ng tinderang nag-aalok ng matamis. Mas bata iyon at may sariling puwesto.

“Akala ko siya na!”

Maya-maya ay tinawag siya ng dalagitang tindera.

“Miss, bumili ka na nitong tinda ko. Masarap ang mga ito lalo na ang leche flan ko!”

Lumapit siya sa tindera at tiningnan ang mga paninda nito.

“Sarili mo bang puwesto ito?” tanong niya.

“Sa nanay ko po itong puwesto, siya talaga ang nagtitinda rito kaso may sakit siya ngayon kaya ako muna ang nagtitinda,” sagot ng dalagita. “Bumili na po kayo, miss. May libreng tikim po!” hayag pa nito.

“Sige, patikim ako ng leche flan mo!”

Ngunit nang tikman ni Faye ang leche plan ay bigla siyang nabuhayan.

“Ang leche flan na ito, natikman ko na ito. Ito ‘yung leche flan na ibinebenta nung hinahanap kong tindera! Sino ang gumawa nito?”

“Ang nanay ko po ang gumagawa niyan. Specialty niya po kasi ‘yan,” tugon ng dalagita.

“Ang nanay mo ba ay nagtitinda rin sa tapat nung bagong restaurant sa kabilang kanto?” tanong niya.

“Opo, miss. Nagtitinda rin siya sa kabilang kanto dahil mas marami po kasing bumibili roon. Dati kasi ay wala namang restaurant doon kaya palagi siyang nakapuwesto roon.”

“Siya na nga yata ang hinahanap ko. Maaari ko ba siyang makausap? Ako ‘yung may-ari ng bagong restaurant sa kabilang kanto. Bibili sana ako ng tinda niyang leche plan kaso bigla siyang nawala, eh.”

“Sige po. Balik po kayo rito mamayang hapon at sasamahan ko kayo sa kaniya.”

Nang sumapit ang hapon ay sinamahan siya ng dalagita sa bahay nito. Dumaan sila sa isang makipot na kalye hanggang sa marating nila ang maliit na barong-barong. Naabutan nila roon ang babaeng tindera ng leche flan na nakilala niya. Nakahiga ito sa papag at pinapakain ng isang batang lalaki.

“A-ano’ng ginagawa mo rito?!” gulat na tanong ng babae.

“Nagpasama po siya sa akin, inay. Hinahanap niya po kayo. Siya raw po ‘yung may -ari ng bagong restaurant sa kabilang kanto,” sambit ng dalagita.

“Pasensiya na po. Hinanap ko po kayo kasi mula nang matikman ko ang tinda niyong leche flan ay hinanap-hanap ko na ito.”

Nang bigla niyang napansin ang kwadrong nakasabit sa dingding.

“T-teka, b-bakit nasa litratong ‘yan ang papa ko?! Kilala niyo po ba siya?” gulat na tanong ni Faye nang makitang kasama ng babae ang papa niya sa litrato.

Napaluha ang babaeng nakahiga sa papag.

“O-oo, hija, kilalang-kilala ko si Antonio dahil siya ang aking asawa,” sagot ng babae sa mahinang boses.

“A-ano po?! Paano nangyari na asawa niyo ang papa ko?!”

“Dahil ako ang iyong ina, Faye. Ako si Flor, ang tunay mong ina,” tugon ng babae.

Hindi nakapagsalita si Faye sa ibinunyag ng kaharap.

“Nang ipanganak kita ay kinuha ka sa akin ng iyong ama dahil ayaw sa akin ng kaniyang pamilya. Isa lamang akong kasambahay noon ng lolo at lola mo na umibig sa iyong ama na si Antonio. Minahal din naman niya ako at pinakasalan ngunit nang tanggalan siya ng mana ng kaniyang mga magulang ay iniwan niya ako at inilayo ka niya sa akin. Hinanap kita anak ngunit sadyang malupit sa atin ang kapalaran kaya hindi tayo pinagtagpo agad. Nang sabihin mo ang iyong pangalan nang magkita tayo sa labas ng iyong restaurant ay nalaman kong ikaw na nga ang aking anak dahil sa iyong pangalan at apelyido ng iyong ama. Hindi na ako muling nagpakita dahil naduwag ako at nanliit sa aking sarili nang makita kita. Ano nga ba ang maipagmamalaki ko sa iyo bilang iyong ina? Hindi naman ako nakapag-aral at ang tanging ikinabubuhay ko lamang ay ang pagtitinda ng mga panghimagas, pero may malaking parte ng pagkatao ko na gusto kang makita kaya naisip kong puntahan ka na at magpakilala na iyong ina kaya lang ay nagkasakit naman ako at ‘di makabangon dito sa higaan. Patawarin mo ako, anak ko!” paliwanag ng babae.

‘Di na napigilan ni Faye ang maiyak sa katotohanang nalaman niya.

“Kaya po pala kapag tinatanong ko si papa kung bakit wala akong mama noong nabubuhay pa siya ay hindi niya ako masagot, dahil mayroon pa pala akong ina. May mama pa pala ako.”

“Oo, anak. Ako ang mama mo. Kahit kailan ay hindi ka naalis sa isip at puso ko. Mahal na mahal kita!”

At nagyakap nang mahigpit ang mag-ina.

“Huwag ka sanang magalit sa papa mo. Patawarin mo siya sa kaniyang ginawa. Ang mahalaga ay nagkita na tayong dalawa. Minahal ko rin naman siya kahit iniwan niya ako at inilayo ka niya sa akin. Kaya nga hindi ko itinapon ang nag-iisang litrato na magkasama kami.”

“Masaya ako mama dahil nakilala kita. S-sila po? Mga anak niyo rin po ba sila?” tanong niya kung kaano-ano ng ina ang dalagita at ang batang lalaking kasama nito.

“Ay hindi, hija. Siya si Clara at ito naman si Buboy. Mga anak sila ng kapitbahay kong sumakabilang buhay na. Mga ulila na ang mga batang ‘yan kaya ako na ang kumupkop sa kanila at nagpalaki. Itinuring ko na rin silang mga tunay kong anak. Maaari mo rin silang ituring na iyong mga kapatid, anak,” sagot ng ina.

Tuwang-tuwa si Faye dahil bukod sa nakilala niya ang tunay na ina ay may mga instant kapatid pa siya. Kinupkop niya ang ina at mga kapatid sa kaniyang malaking bahay para doon na tumira. Mula noon ay kasama na niya ang ina sa pamamalakad sa restaurant. Sabay nila itong pinalago gamit ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

Advertisement