Ang Buong Akala ng Ama ay Beki ang Kaniyang Anak Kaya’t Napasugod Ito sa Kaniyang Dormitoryo; Ito Pala ang Gagawin Niya
Malakas ang kalabog ng dibdib ni Josh habang naghihilamos. Paano’y muntik na siyang maabutan ng kaniyang ama na nakasuot ng damit pambabae at makulay na makulay ang mukha. Galing siya sa isang party at naisipan niyang patusin ang pagiging stand up comedian upang may maipandagdag siya sa kaniyang tuition fee.
Hindi alam ng kaniyang ama na rumaraket siya ng ganoong klaseng trabaho. Oo nga’t walang masama, ngunit dahil alam ni Josh na konserbatibo ito ay talagang magagalit ito kapag nalaman ang kaniyang ginagawa. Mabuti na nga lang at hindi rin siya sa kanila nakatira ngayon kundi sa isang dormitoryo dito sa Maynila. Sa totoo lang ay biglaan ang pagdalaw na ito ngayon ng kaniyang ama kaya naman halos hindi siya magkandaugaga sa pagpapalit at pagtanggal ng mga props na kaniyang ginamit.
“Hoy, baks, hinihintay ka na ng pudra mo, bilis!” pambubuska sa kaniya ng kaibigang si Peter. Kapwa niya rin ito nagpa-part time bilang stand up comedian. Ganoon din ang dalawa pa nilang kasama sa kwartong sina Miko at Aidan.
“Baliw! Ayusin mo ’yang pagsasalita mo, p’re. Baka marinig ka ng tatay!” Tinawanan lang siya ni Peter.
“Ito naman! Masiyado ka namang natatakot, e, ginagawa mo naman ’yan para makatulong sa kanila. Saka isa pa, hindi ka naman tunay na beki, a. Pero kung gan’on man, wala akong nakikitang masama. As long as alam mo kung paano irespeto ang kapwa mo at sarili mo, walang masama roon,” mahabang litanya pa ni Peter.
Napabuntong hininga na lang si Josh at hindi na pinansin pa ito. Alam naman kasi niya iyon, kaya lang ay ayaw niya talagang ma-disappoint sa kaniya ang kaniyang ama.
“Kumusta ka rito, anak?” tanong ng kaniyang ama nang puntahan na niya ito. Doon ito naghintay sa upuang nasa labas ng kanilang kwarto.
Napansin niyang titingin-tingin sa paligid ang kaniyang ama. “Maayos itong dormitoryong ito, anak. Malinis,” sabi pa nito.
“Salamat ho. Ayos lang naman ho ako rito, Tatay. Kayo ho roon sa atin?” siya naman ang nagtanong.
“Sa totoo lang, ikaw ang inaalala ko, anak. Imbes kasi na ako ang kumayod para sa ating pamilya’y ikaw pa ang nagpapadala ng pera sa amin gayong nag-aaral ka pa. Nahihiya na ako sa ’yo. Kung hindi lang sana ako nai-stroke ay baka makapagtatrabaho pa rin ako sa bukid hanggang ngayon.” May himig ng lungkot ang boses ng kaniyang ama.
Pumalatak si Josh sa narinig. “Tatay, huwag nga ho kayong ganiyan! Ako ho ang panganay na anak n’yo kaya obligasyon ko rin ’yon. Saka ’di naman ho ako nagrereklamo, e.”
“Totoo naman, anak. Kung sana’y hindi ako nagkasakit, e ‘di sana’y hindi mo kailangang magtrabaho bilang komediyante sa gabi.”
Nanlaki ang mga mata ni Josh sa narinig. Alam ng kaniyang ama ang ginagawa niya?!
“Huwag kang magulat, anak. Kahit naman may sakit ako ay palagi kitang pinababantayan sa mga nagpupunta rito sa Maynila na taga sa atin kaya’t alam ko ang ginagawa mo rito. Hindi naman ako tutol na isa kang komediyante dahil marangal ’yang trabaho. Ang iniisip ko’y baka nahihirapan ka. Nag-aalala rin ako na baka nababastos ka o hindi kaya’y naaapi. Palagi pa namang tampulan ng tukso ang mga katulad mo, anak—”
“Sandali, Itay,” putol ni Josh sa sinasabi ng ama. “Iniisip n’yo ho bang beki ako?”
“Bakit? Hindi ba, anak?” kunot-noong tanong naman nito sa kaniya.
“Si tatay naman! Hindi ho ako beki!” natatawang ani Josh sa kaniyang ama.
“Naku, anak. Huwag mo nang itago sa akin. Hindi ako magagalit. Walang masama kung gan’on ka, basta’t alam mo ang salitang respeto sa sarili at kapwa mo,” giit naman ng kaniyang ama.
“Itay, alam ko ho. Sa totoo lang, marami akong kaibigang beki dahil sa trabaho ko, pero hindi ho ako beki. Sadiyang pinasok ko lang ho itong trabahong ito dahil bukod sa masaya ako’y pasok na pasok din ito sa schedule ko.”
Napakamot sa ulo nito ang kaniyang ama. “Gan’on ba, anak? Nag-aalala pa naman ako na baka may umaapi sa ’yo at baka hindi mo maprotektahan ang sarili mo.” Natawa rin ang ama niya sa sarili.
Ngunit sa loob-loob ni Josh ay halos matunaw ang kaniyang puso. Iyon lang ang ipinunta ng kaniyang ama. Ang tingnan kung siya ay ayos lang ba. Talagang hindi niya maikakailang napakasuwerte niya rito, kaya naman talagang hindi niya pinagsisisihan na tinutulungan niya ito sa pagtataguyod ng kanilang pamilya habang siya ay nag-aaral pa. Ngayon, lalo pa siyang ginanahang magsumikap upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.