Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Tatay Ko sa Nobyo Ko

Ayaw ng Tatay Ko sa Nobyo Ko

“Francis, kailan ka ba makakapunta dito sa Nueva Ecija? Gusto ka na kasing makita ng mga magulang ko. Mag-aapat na taon na tayo pero hindi ka pa rin nila nakikita. Nanghingi nga sila ng picture mo, eh, ayaw ko lang ipakita para ma-surprise sila pag nakita ka!” ganadong sambit ng dalagang si Jenny sa kaniyang nobyong taga-Maynila.

“Naku, ikaw talaga. Baka naman madismaya sila sa itsura ko.” biro ng binata. “Pero sige, mahal. Sa darating na Linggo kapag naaprubahan ‘yong leave ko pupunta ako diyan. Pupunta ako sa Nueva Ecija para sa pinakamaganda at pinakamabait na dalaga sa buong mundo!” pambobola pa nito.

“Napakabolero mo talaga! Kaya agad mo akong nabingwit, eh,” sagot naman ng dalaga tsaka biglang napaisip, “Maiba ako, bakit kailangan mo pang mag-leave? Eh, ‘di ba sasaglit ka lang naman dito?” pang-uusisa nito.

Agad namang napangiti ang binata. “Siyempre gusto kong matagal-tagal ‘yong pamamalagi ko diyan para lubusan kong makilala ang pamilya mo. Isa pa, gusto kong malaman rin nilang malinis ang intensyon ko sa’yo kahit pa mas matanda ako sayo ng limang taon.” tugon ni Francis. Kitang kita sa mukha nito ang kagustuhang makasama ang pamilya ng dalaga.

“Alam mo napakaswerte ko talaga sa’yo. O siya, kita tayo sa Linggo, ha. Susunduin kita sa bayan,” wika ni Jenny tsaka niya tinapos ang video call.

Mag-aapat na taon ng magkarelasyon ang dalawang magkasintahan. Nagkakilala sila nang minsang lumuwas at maligaw ang dalaga sa Maynila.

Ang binata ang siyang tumulong sa dalaga upang matagpuan nito ang sakayan pauwi sa kanilang bayan. Dahil sa kabaitang mayroon ang binata tuluyang nahulog loob nito dito lalo pa’t lagi itong nangangamusta sa dalaga.

Hindi nagtagal at nagkatuluyan na nga sila. Hindi nga lang sila madalas magkita dahil sa layo ng tirahan nila sa isa’t isa kaya naman nang nalaman ng binata na naaprubahan ang kaniyang leave sa trabaho ay agad siyang nagdesisyong magtungo sa bahay ng kaniyang nobya.

Maaga pa lamang ay sabik na sabik nang naghahanda para sa kaniyang paglalakbay ang binata. Mahaba man ang biyahe ay labis naman ang sayang nararamdaman nito nang masilayan muli ang dalagang kaniyang minamahal. Halos isang taon na rin simula noong huli nilang pagkikita sa Maynila.

“Sobra kitang na-miss.” malambing na sambit ng dalaga kay Francis. Agad namang niyakap ng lalaki ang kaniyang nobya.

Mayamaya pa ay tuluyan na silang nakarating sa bahay ng dalaga.

“Ina! Ama! Nandito na po kami ni Francis!” sigaw ni Jenny. Agad namang naglabasan ang mga magulang at kapatid ng dalaga ngunit tila lahat sila ay parang nakakita ng multo.

“Ina, ama, bakit po?” tanong naman ng dalaga. “Jenny, pumasok ka na sa loob.” utos ng ama. “Iho, pasensya ka na pero hindi ka puwede sa anak ko. Umuwi ka na sa inyo.”saad nito sa binata.

“Ama, ano pong nangyayari?” tanong muli ng dalaga. “Jenny, hindi mo ba siya namumukhaan? Siya si Tutoy! ‘Yong lalaking muntik nang mangg*hasa sa’yo noong bata ka pa!” sigaw ng tatay sa anak.

Maluha-luha na ang binata.

“Namumukhaan ko po.” pag-amin ni Jenny na ikinagulat naman ng kaniyang pamilya. “Pero, ama! Nagbago na siya! Kitang-kita ko ang pagbabago niya kung paano niya ako tratuhin!” depensa pa ng dalaga ngunit hindi natinag ang kaniyang ama. Sapilitan siya nitong pinapasok sa bahay at pinaalis ang lalaki.

Ngunit kahit pinaalis na si Francis ay buo ang loob niyang patunayan na malinis na ang intensyon niya ngayon sa dalaga. Hindi siya umalis sa harapan ng bahay ni Jenny. Tiniis niya ang gutom, ngalay, antok at ulan. Hindi niya inalintana ang mga sinasabi ng mga taong dumadaan.

Pasimple naman itong sinusulyapan ng dalaga at nagmamakaawa sa kaniyang ama na patuluyin na ang binata.

“Ama, tao rin naman siya katulad natin, nagkakasala at natututo. Patawarin niyo na po siya. Parang awa niyo na.” iyak ni Jenny sa kaniyang ama

Bigla naman napatigil ang ama ng dalaga at napaisip.

Tila umikot ang mundo pagkalipas ng tatlong araw. Nagulat na lamang si Jenny nang pagkagising niya ay nadatnan niyang nagkakape na sa loob ng kanilang bahay si Francis.

“Francis!” masayang sigaw nito tsaka niyakap ng mahigpit ang binata. Humagulgol naman ang binata sa saya.

“Siguro nga ay tama ka, anak. Sana ay huwag lang akong biguin ng lalaking ito kung ‘di ay malilintikan talaga sa’kin ang buong angkan nito!” pananakot ng ama ni Jenny sa lalaki. Napatawa naman ang ibang kaanak ng babae sa sinabi nito.

Mangiyak-ngiyak naman sa tuwa ang dalaga. Napalundag ito sa kaniyang ama tsaka niyakap ito nang mahigpit.

“Pinahanga mo kami sa taglay mong pagmamahal sa anak ko. Sana hanggang dulo ay maging ganiyan ka sa kaniya. Pasensya ka na, iho. Tama nga ang anak namin. Hindi tamang husgahan ka namin base sa nakaraan mo.” sabi naman ng ina ng dalaga tsaka tinapik-tapik sa likod ang binata.

Labis na saya naman ang naramdaman ni Francis. Sa wakas ay nagbunga rin ang kaniyang paghihirap. Napatunayan niyang totoo ang kaniyang pagmamahal sa dalaga.

Simula noon ay naging kampante na ang mga magulang ni Jenny kay Francis. Sa katunayan ay binibiro na nga ang magkasintahan na magpakasal na.

Tila mapaglaro talaga ang tadhana. Kung sino pa ‘yong nagtangka manakit sa’yo noon ay siya pa ang magpapatibok ng puso mo ngayon. Ngunit totoo naman ang sinabi ni Jenny. Hindi natin dapat ibase sa nakaraan ng isang tao kung sino siya ngayon dahil lahat naman ay may karapatang magbago.

Advertisement