Masugid na manliligaw ni Rhian si Emil kahit na lagi niya itong nasusungitan dahil sa kakulitan ng lalaki. Hindi yata nito naiintindihan ang salitang basted!
“Emil, hindi pa nga ako handang pumasok ulit sa isang relasyon. Ano ba ang mahirap intindihin sa bagay na iyon?” naiiritang wika ni Rhian sa lalaking nandito na naman sa bahay nila. May dalang pumpon ng bulaklak at isang kahon ng tsokolate.
“Pero anong magagawa ko, Rhian? Ikaw talaga ang tinitibok ng puso ko,” saad ng lalaki sabay turo sa kaniyang dibdib na lalo kinairita ng babae.
Bahala na ito sa buhay niya. Kahit anong sabihin niya rito ay hindi ito nagpapatinag at gusto pa rin siyang ligawan. Hinayaan na lamang niya ang lalaki. Hihintayin na lang niyang mapagod ito.
Hanggang nakilala ni Rhian si Robert, ang lalaking nakabihag ng kaniyang puso. Ang lalaking wala siyang balak pahirapan nung niligawan siya nito. Agad niya itong sinagot.
Labis na nalungkot si Emil dahil mas pinili ni Rhian na sagutin ang bago nitong manliligaw. Gayunpaman ay nagparaya siya at hinayaan ang babae na maging masaya sa lalaking pinili nito.
Tatlong buwan na din ang nakakalipas mula nung sinagot ni Rhian si Robert nang biglang may babaeng pumunta sa bahay nila at hinahanap siya. May kasama itong bata at mukhang limang buwan na itong buntis.
“Ikaw ba si Rhian?” tanong ng babae habang hindi magkaulayaw sa paghawak ng batang babae na sa tantiya niya’y dalawang taong gulang pa lang.
“Ako si Sanya, asawa ako ni Robert. Hindi ako pumunta dito para manggulo. Gusto ko lang makiusap na sana huwag mong sirain ang pamilya ko. Hindi ko kakayaning buhayin ang mga anak ko ng mag-isa, Rhian. Buntis ako at maliit pa si Sarah,” tukoy nito sa anak.
“Hindi ko alam na may asawa na si Robert,” ‘di makapaniwalang sagot ni Rhian.
“Ngayong alam mo na, Rhian, nakikiusap ako. Kailangan namin ng mga anak ko si Robert,” mangiyak-iyak na wika ni Sanya.
Kinabukasan ay sinundo ni Robert si Rhian upang ihatid sa trabaho.
“Kumusta ang araw mo kahapon, love?” malambing na wika ni Robert.
Sinong mag-aakalang may asawa na ang lalaki? Maporma at gwapo ito kaya hindi hahalatang may asawa na ito. Maliban pa doon ay wala itong suot na singsing.
“Ayos lang naman, love,” sagot ng babae.
Siya nga pala, love, may pupuntahan tayo ngayon, ah, kaya ako na muna ang magmamaneho,” nakangiti wika ni Rhian.
Pumayag naman si Robert kaya agad siyang nagmaneho. Balak niyang pumunta sa bahay ng mag-ina nito. Ang sabi kasi ni Sanya ay dalawang linggo na daw na hindi umuuwi si Robert sa kanila. Wala itong trabaho kaya wala ng makain ang mag-ina. Binili niya sila ng grocery kahapon bago niya hinatid pauwi.
Napansin ni Robert na pamilyar ang daang tinatahak nila.
“Anong ginagawa natin dito, love?” takang tanong ng nobyo. “Pupuntahan natin ang kaibigan ko, love,” agad namang sagot ni Rhian.
Nung narating na nila ang bahay ay agad niyang pinababa ang lalaki. Noong una ay ayaw pa nitong bumaba ngunit bandang huli ay napapayag niya rin ito.
Nais ng sumabog ng puso ni Rhian ngunit pilit niyang pinipigilan ang sariling emosyon. Kailangan na niyang ibalik si Robert dahil hindi niya ito pag-aari. Nang magkaharap-harap na silang tatlo ay agad siyang nagsalita.
“Ibinabalik na kita sa asawa mo, Robert,” panimula niya tsaka bumaling kay Sanya.
“Patawarin mo ako kung nagkaroon ako ng kasalanan sa’yo. Hindi ko kasi talaga alam na may asawa na si Robert. Ang buong akala ko ay binata siya. Sana, Robert, ako na ang huling babaeng gagamitin mo upang saktan ang pamilya mo. Mahalin mo sila. Ako na ang nakikiusap sa’yo. Huwag mo na silang pababayaan at tama na ang pananakit mo sa pamilya mo.” Hindi na maiwasang ni Rhian na humagulgol ng iyak.
“Rhian,” tawag ni Robert.
“Hindi ka na binata, Robert. May asawa ka na kaya manindigan ka para sa pamilya mo,” saad ng babae tsaka ito naglakad palayo.
Sana pala ay si Emil na lang ang minahal niya. Sigurado pa siyang binata ang lalaki. Ngayon niya nais magsisi. Naging mapili siya sa pag-ibig kaya sa huli ay siya ang nasaktan. Matagal maghihilom ang sugat pero alam niyang balang araw ay magiging peklat na lamang ang lahat. Mananatili ang mga alaala pero wala na ang sakit.
Nang malaman ni Emil na naghiwalay na sina Rhian at Robert ay muli niyang sinuyo at niligawan ang dalaga. Pinatunayan ni Emil na wagas ang kaniyang pag-ibig kaya makalipas ang walong buwan na panliligaw ay ibinigay na rin ni Rhian ang kaniyang matamis na oo.
Sa lahat ng kabutihang ipinakita ni Emil kay Rhian ‘di nagtagal ay natutunan na rin siyang mahalin ng babae. Pagmamahal na dahan-dahang umusbong at nanggaling sa pinakailalim ng kaniyang puso kaya nagbunga iyon ng matibay na pundasyon. Naging matatag ang relasyon ng magkasintahan. Paglipas ng ilang taon ay nagpakasal ang dalawa at nabiyayaan ng tatlong anak.