Inday TrendingInday Trending
Ang Katotohanan Tungkol sa Aking Mga Magulang

Ang Katotohanan Tungkol sa Aking Mga Magulang

Kinakahiya ni Katleya kung anong klaseng pamilya ang meron siya. Kaya kapag may nagtatanong sa kaniya tungkol sa pamilya niya ang palagi niyang sagot ay nasa abroad ang kaniyang papa habang ang kaniyang mama naman ay nasa probinsya lang, nag-aalaga ng mga apo nito.

Kahit ang buong katotohanan ay nakakulong ang kaniyang ama dahil sa paggamit at pagtutulak ng bawal na gamot habang ang kaniyang ina naman ay nagbebenta ng laman upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Umalis siya sa baryo nila at nagpakalayu-layo upang makatakas mula sa pangit na pagkakakilanlang nakadikit sa kaniyang pagkatao dahil sa kaniyang mga magulang.

“Babe, kung wala kang lakad bukas ay baka puwedeng dumaan tayo sa bahay. Ipapakilala na kita sa buong pamilya ko. ‘Di ba masaya iyon?” nakangiting wika ng kaniyang nobyo na si Jerome.

“Ha?” naguguluhang wika ni Katleya. Oo, masaya ngang ipakilala ka ng lalaking mahal mo sa pamilya niya pero ang inaalala niya’y paano kung hanapin ng mga ito ang magulang niya? Madadagdagan na naman ba ang kasalanan niya kasi magsisinungaling na naman siya tungkol sa pamilya niya?

“Gustung-gusto ka na kasing makilala ng mga magulang ko, babe. And I think it’s about time na rin naman na makilala ka nila,” masayang wika ni Jerome.

Kinagabihan ay sinama nga siya ni Jerome sa bahay nito upang ipakilala sa buong pamilya. At muli na namang madadagdagan ang kaniyang kasalanan. Hindi niya kayang sabihin sa lahat kung anong klaseng pamilya ang meron siya dahil natatakot siyang mahusgahan at baka hindi siya magustuhan ng pamilya ni Jerome kaya tulad nang nakagawian ay nagsinunganing na naman siya.

“Ano ba ang trabaho ng mga magulang mo, Katleya?” tanong ng mama ni Jerome. “Iyong papa ko po ay OFW sa Dubai. ‘Yong mama ko naman po ay nasa bahay lang. Nag-aalaga ng mga apo niya,” saad ni Katleya.

Sino ba ang may gustong mabilang sa kanilang pamilya ang anak ng isang nakabilanggo at bayarang babae? Malamang wala! Kaya hangga’t kaya niyang panindigan ang kasinungalingan ay paninindigan niya.

Naging maayos naman ang pagpapakilala ni Katleya sa pamilya ni Jerome at mukha namang tanggap siya ng mga ito. Ibig sabihin ay epektibo ang pagsisinungaling niya.

Isang araw ay isang hindi inaasahang tanong ng nobyo ang nagpakabagabag kay Katleya.

“Babe, limang taon na rin mula nung naging tayo. Alam mong gusto kong makasama ka habang buhay at maging ina ng magiging anak natin. Magpakasal na tayo, babe,” wika ni Jerome na nagdulot kay Katleya ng labis na saya ngunit dagli rin itong nawala nang maalala ng babae ang mga pagsisinungaling niya tungkol sa kaniyang pamilya.

“Magpapaalam ako sa mga magulang mo. Kung gusto mo pa nga ay bigyan natin ng pamasahe ang mama mo para makapunta siya rito at tawagan natin ng long distance ang papa mo para mapag-usapan na ng mga magulang natin ang kasal,” patuloy nitong wika.

“Jerome, kasi…” nagdadalawang-isip na saad ni Katleya.

“Ayaw mo ba sa naging plano ko?” takang tanong ng nobyo. “Hindi naman sa ganun. Alam mo ang ganda-ganda ng plano mo at gustung-gusto ko na rin ang makasal tayo. Pero kasi may mga bagay na hindi mo pa talaga nalalaman, Jerome,” aniya.

“Ano ba iyon?” muling tanong ng lalaki. “Mamahalin mo pa rin kaya ako kapag nalaman mo na ang buong katotohanan?” mangiyak-iyak na sambit ng babae.

“Bakit hindi mo subukang sabihin sa’kin, Katleya?” sagot naman ng nobyo. “Tungkol sa mga magulang ko,” panimula ni Katleya sabay hugot ng malalim na hininga bago muling nagpatuloy.

“Hindi talaga totoong nasa abroad si papa, Jerome, dahil ang totoo ay nasa loob siya ng kulungan dahil sa paggamit at pagtutulak ng bawal na gamot. Habang si mama naman ay hanggang ngayon ay ibinebenta ang kaniyang katawan upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Umalis ako sa baryo namin kasi hindi ko masikmura ang mga magulang ko. Ikinakahiya ko ang pinanggalingan ko, Jerome, kaya nagagawa kong magsinungaling sa inyong lahat. Sa tuwing tinatanong sa’kin ang mga magulang ko ay nakokonsensya ako kasi hindi ko sila kayang ipagmalaki. Natatakot akong aminin sa’yo ang lahat dahil ayokong husgahan mo agad ang pagkatao ko dahil lang sa kanila,” umiiyak na paliwanag ni Katleya.

“Maiintindihan ko kung iiwanan mo na ako. Walang lalaki ang gugustuhing mapangasawa ang isang babaeng nanggaling sa isang maduming pamilya,” dugtong ng babae.

Niyakap siya nang mahigpit ni Jerome tsaka nagsalita. “Paano mo naman naisip na mawawala na agad ang pagmamahal ko sa’yo dahil lang nanggaling ka sa ganoong klaseng pamilya? Mahal kita at sapat na iyon upang gustuhin kong pakasalan ka. Naiintindihan ko kung bakit nagawa mong magsinungaling tungkol sa pamilya mo. Kung ako din siguro ang nasa posisyon mo ay ganun din ang gagawin ko. Wala kang kasalanan kung ganun ang pamilya mo, babe, hindi naman natin puwedeng piliin kung sino ang gusto nating maging pamilya, ‘di ba? Mahal pa rin kita at handa pa rin akong pakasalan ka. Walang nagbago, babe,” saad ni Jerome sabay halik sa noo ng kaniyang nobya.

“I love you, Jerome,” tugon ni Katleya at mahigpit na niyakap ang nobyo.

Gumaan ang pakiramdam ni Katleya dahil wala na siyang itinatago sa kaniyang nobyo. Naglakas loob din siyang ipagtapat ang katotohanan sa pamilya ni Jerome at sa awa ng Diyos ay tinanggap din siya ng mga ito.

Pinadalhan ng magkasintahan ng pamasahe ang ina at dalawang kapatid ni Katleya para makilala din ito ng pamilya ni Jerome. Nagpaalam din ang lalaki sa ama ng dalaga na nais nitong pakasalan ang nobya bilang paggalang.

Nagpakasal sina Katleya at Jerome makalipas ang ilang buwan at ngayon ay masaya na silang namumuhay na walang kahit anong itinatago sa isa’t-isa.

Advertisement