“Sir, twenty two thousand pesos po itong tubo na inilagay namin sa tatay niyo,” pagbibigay alam ng isang nurse kay Ramil.
“O sige, makakaigi ba ‘yan sa kaniya? Hindi kaya lalo siyang hindi makahinga?” pag-uusisa ng lalaki habang hinahaplos sa ulo ang kaniyang ama.
“Makakatulong po ito, sir, sa paghinga niya. Tsaka po hindi na po siya nakakakain, ‘di ba? Dito po natin papadaanin ang mga pagkain niya,” sagot naman ng nurse. “Tapos, sir, kapag hindi pa rin umigi ang kalagayan ng pasyente mapipilitan na po tayong ilagay siya sa ICU,” dagdag pa ng nasabing nurse habang tinitignan ang blood pressure ng pasyente.
“Magkano naman po iyon?” tanong pa ni Ramil. “Fifty two thousand pesos po, sir.” tugon ng nurse.
Bigla namang nagulat ang lalaki nang biglang pisilin ng kaniyang ama ang kaniyang kamay.
“O, bakit po, tay?” malumanay na tanong ni Ramil. “Ayos lang po. Gagawan namin ng paraan, ha. Huwag na po kayong mag-alala. Magpahinga lang po kayo,” dagdag niya pa ngunit lalo lang siyang nabahala sa naging tugon ng ama.
“Gusto ko na ngang magpahinga,” matipid na sambit ng ama ng lalaki habang nakapikit. Tila may kaunting luha rin na dumaloy mula sa mga mata nito.
Pinipigilan naman ni Ramil ang kaniyang luha. Wala siyang magawa kung ‘di ang yumakap na lamang sa nakahigang ama.
Kasalukuyang namamalagi sa ospital si Mang Ruben dahil sa sakit niya sa lalamunan. Napag-alaman ng mga doktor na mayroon na itong k*nser sa lalamunan dahil sa ilang dekada nitong paninigarilyo. Kaya naman todo kayod ang mga anak nito upang matugunan ang mga bayarin sa ospital.
“Kuya, ito, o, kaunting ipon ko. Pandagdag sa bayarin ni tatay.” sambit ni Resie sa kaniyang kapatid tsaka inabot ang isang sobre.
“Ito pa, kuya, sumakto namang nagbayad na ‘yong mga pinautang ko,” dagdag rin ng isa niyang kapatid na si Rosie tsaka inabot ang kaniyang pera.
“Salamat sa inyo, ha, malaking tulong ito para kay tatay. Kaya lang alam niyo ba medyo nabahala ako sa sinabi ni tatay?” pagkukuwento naman ng binata sa mga kapatid.
“Ano bang sinabi niya?” pag-uusisa ni Resie.
“Gusto niya na raw magpahinga,” matipid na tugon ng binata. “Hindi ba nagpapahinga na siya doon?” sagot naman ni Resie. Bahagya namang napapaisip si Rosie.
“Pakiramdam ko gusto niya nang itigil ang paggagamot sa kaniya. Mukhang nag-aalala siya sa mga gastusin natin. Nandoon kasi siya noong sinasabi sa’kin ng nurse ang mga babayaran natin tapos bigla niyang pinisil ang kamay ko,” paliwanag naman ni Ramil, nangingilid na ang mga luha nito sa mata.
“Wala ‘yon, kuya. Huwag mo isipin ‘yon. Ang mahalaga ay gumaling ang tatay o kahit man lang malabanan niya ang sakit niya. Sabihin mo huwag siyang mag-alala. May mga anak siyang madiskarte tulad niya,” payo naman ni Rosie, halatang pinipigil rin ang kaniyang luha.
Mayamaya pa ay nagdesisyon na ang magkakapatid na puntahan na ang kanilang ama sa ospital. Kasalukuyan itong binabantayan ng bunso nilang kapatid. Ngunit papaakyat pa lamang sila sa silid kung saan ito namamalagi ay bigla na lamang nagsigawan ang mga nurse.
“Iyong pasyente sa room 104 hinila iyong tubo na nakakabit sa kaniya! Dalian niyo!”
“Teka, hindi ba si tatay ang pasyente sa room 104?” tanong ni Rosie sa kaniyang kuya dahilan para humangos na ang tatlo sa silid.
Pagkapasok na pagkapasok nila sa silid ay bumungad sa kanila ang umiiyak nilang bunsong kapatid at mga nurse na natatarantang ikinakabit muli ang nasabing tubo sa kanilang ama. Ngunit tila huli na ang lahat dahil hindi na ito humihinga at rumiresponde.
Nagsimula nang mag-iyakan ang magkakapatid. Sising-sisi naman ang kanilang bunso dahil hindi man lang niya napansing hinila na ng kanilang tatay ang tubo na nakakabit sa kaniya.
“Siguro po pagod na talaga ang tatay niyo at gusto niya na talagang magpahinga. Sabi niya po sa’kin kanina noong huling checkup ko sa kaniya masyado na raw pong masakit ang nararamdaman niya. Naaawa na rin daw siya sa inyo dahil sa taas ng babayaran niyo.” biglang sabat ng nurse dahilan para mapatigil ang magkakapatid.
“Condolence po. Nasa mabuting kamay na po ang tatay niyo. Tapos na po ang paghihirap niya,” dagdag pa nito na lalo namang nagpaiyak sa mga magkakapatid.
Nilapitan ng apat ang kanilang ama tsaka nila ito niyakap bago ito dalhin sa morgue.
Wala nang nagawa ang magkakapatid kung ‘di tanggapin ang nangyari sa kanilang ama. Ipinalangin na lamang nila ang kanilang ama at ginawa ang lahat upang mabigyan ito ng maayos na libing.
“Sobra talaga tayong mahal ni ama, ano? Ayaw niyang mahirapan pa tayo dahil sa kaniya. Sinadya niya na talagang magpahinga upang makapagpahinga na rin tayo,” wika ni Ramil habang pinagmamasdan ang puntod ng kanilang ama. Niyakap naman siya ng kaniyang mga kapatid.
Tunay nga namang iba talaga kapag ang magulang ang nagsakripisyo. Kahit buhay itataya huwag lamang mahirapan ang mga anak. Pipiliing magpahinga na makapagpahinga lamang ang mga anak. Kakaiba talaga magmahal ang mga magulang. Walang kondisyon, walang pag-aalinlangan.