“Lemuel! Sige na kunin mo na, dalian mo!” utos ni Justine sa nakababatang kapatid nang minsang makatiyempong walang bantay ang isang bag sa isang karinderya.
“Kuya, natatakot ako. Baka mahuli ako! Unang beses ko itong gagawin!” bulong ng binata sa kanyang kuya, kaya naman nabatukan siya nito ng walang oras.
“Bwisit ka! Mahuhuli ka talaga dahil sa kabagalan mo!” inis na bulong nito dahilan para mataranta ang binata at agad na dinampot ang bag saka tumakbo ng mabilis. Agad namang napansin ng may-ari ang binatang tumakbo kaya naman nagsisisigaw ito.
“Hijo, kilala mo ba iyong binatang iyon?” mangiyak-ngiyak na tanong ng ale.
“Naku, hindi po, bago lang po ako dito. Bakit po?” tanong ni Justine na para bang hindi niya talaga kilala ang binatang nagtakbo ng bag ng ale.
“Andoon lahat ng sweldo ko! Kailangang-kailangan ko yun! Pambayad ko iyon sa ospital para mailabas na ang nanay ko!” tuluyan nang naglupasay ang ale sa karinderya.
“Pasensya na po, hindi ko po kilala eh. Sige po, una na po ako,” paalam ng binata saka umalis, bahagya siyang sumaya nang malamang marami ngang lamang pera ang bag na iyon.
Isang buwan pa lang ang nakaraan nang pumanaw ang kanilang mga magulang dahil sa isang aksidente sa Bulacan, kung saan sila dati naninirahan. Dahil nga wala na ang kanilang mga magulang, napilitan silang mamalagi sa Tondo, kung saan nakatira ang kanilang mga tiyuhin. Dito na rin nila natutunan ang maruming trabaho na ito kung saan agad-agad silang kumikita ng pera. Instant cash ika nga.
“O, Lemuel, nasaan na iyong bag? Sabi sakin noong ale, marami raw laman yun. Andoon daw lahat ng sweldo niya. Sa katunayan nga, ika niya pangbayad niya raw yan sa ospital. Naku, sigurado ako, malaki-laki ang pera na laman niyan.” sambit ni Justine sa kapatid, agad namang inabot ng binata ang bag at tumambad nga sa kanila ang sandamakmak na pera.
“Kuya, ibalik na natin iyan. Kawawa naman yung ale,” bulong ng binata habang nakayuko.
“Ano ka ba naman?! Doon sa ale naaawa ka? Tapos sa sarili mo, hindi? Mag-isip-isip ka naman!” sigaw ng binata saka itinabi ang bag at natulog.
Ngunit maya-maya, bigla na lamang nag-init ang paligid. Nakarinig pa ang binata ng tila mga ungol at sigaw ng tao na para bang humihingi ng tulong. Agad naman siyang napabangon at hinanap ang kapatid na si Lemuel, ngunit wala ito sa kanyang tabi.
Napagpasiyahan niyang lumabas dahil parang niluluto na siya sa loob ng kanilang bahay. Bigla naman siyang napatigil sa kanilang pintuan nang makita niyang may parang ilog ng apoy na dumadaloy sa tapat ng bahay nila.
Kitang-kita niya ang mga taong nalulunod sa ilog ng apoy na ito. Nagsusumigaw ang mga ito, tila hirap na hirap na sa apoy na umuubos sa kanilang katawan. “Patawarin mo kami!” sigaw ng ilan.
Mangiyak-ngiyak na si Justine sa kanyang mga nakikita. Para bang nasa impyerno na siya. Hindi niya alam ang gagawin lalo pa nang biglang umulan ng apoy at kitang-kita niya kung paano nadulas sa isang bato at lamunin ng ilog ang kanyang kapatid. “Lemuel!” sigaw niya. Nais niya sana itong iligtas ngunit bigla na lamang siyang nakaramdam ng malamig sa kanyang mukha.
“Kuya? Ayos ka lang? Parang binabangungot ka ata. Bakit mo ako tinatawag?” sunod sunod na tanong ni Lemuel, agad naman niya itong niyakap, at halos maiyak sa tuwang hindi totoo ang kanyang mga nakita.
“Nanaginip ako na parang nasa impyerno ako. Umiiyak yung mga tao, nasusunog. Nakita ko rin kung paano ka malunod sa ilog ng apoy. Lemuel, ayokong mangyari iyon.
Siguro napaginipan ko ito upang magising na ako sa katotohanang mali itong trabahong pinasok ko tapos isinama pa kita. Kailangan nating ibalik sa tunay na may-ari itong pera,” maluha-luhang sambit ng binata, napangiti naman ang kanyang nakababatang kapatid sa pasya ng binata.
Wala silang sinayang na oras at bumalik sa karinderyang pinagkainan nila kanina. Sakto namang nandoon pa ang babae at hindi pa tumitigil sa pag-iyak. Hindi sila nag-alinlangang lumapit at iniabot ang bag.
“Pasensya na po kayo. Kung ano man po ang gusto niyong gawin sa amin bilang kapalit ng ginawa namin, tatanggapin po namin,” nakayukong ika ni Justine, lalo namang umiyak ang ale nang makitang walang kulang ang pera niya.
“Naku mga hijo! Maraming salamat at nahaplos ng Diyos ang inyong mga puso! Pero wala na akong oras para parusahan pa kayo, kailangan na ako ng nanay ko sa ospital. Ang Diyos na ang bahala sa inyo,” iyak ng ale saka nagmamadaling umalis. Nakahinga naman ng maluwag ang magkapatid.
Dahil sa pangyayaring iyon, namulat sa katotohan ang binatang si Justine. Naghanap na siya ng disenteng trabaho at nagsimulang pagsisihan lahat ng kanyang mga kasalanan. Hindi man singlaki ng kinikita niya sa pagnanakaw, malinis naman ang perang hawak niya at ang kanyang konsensya.