Labis ang naging paghihinagpis ni Dindo mula nang siyaʼy maputulan ng mga paa. Naaksidente kasi ang taxi na siyang minamaneho niya bilang pangkabuhayan, pagkatapos ay tinakbuhan pa siya ng taong nakabundol sa kaniya.
Simula noon ay nag-umpisa na siyang ikulong ang sarili sa kaniyang kwarto. Palaging tahimik, tulala at iritable, dahil sa hindi niya matanggap ang nangyaring ito sa kaniya. Ikinulong niya ang sarili sa madilim na nakaraan at isinisi sa sarili ang kung ano mang naging kapabayaan na nagdulot ng ganitong klaseng kapahamakan sa kaniya.
Lugmok siyang nagtatanong sa Diyos, “Panginoon, bakit nʼyo po hinayaang mangyari sa akin ang ganito?”
Nasasaktan na ang asawa ni Dindo na si Michelle sa kalagayan niya, ngunit wala itong magawa kundi ang panoorin na lang siya, dahil kahit itoʼy itinataboy na rin ni Dindo. Katuwiran niyaʼy wala na raw mapapala sa kaniya si Michelle. Wala pa man kasi silang anak ay nalumpo na siyaʼt naging inutil.
“Mahal na mahal kita, Love. Please, hayaan mo akong tulungan ka. Hindi lang ikaw ang nawalan. Ako rin, ngayon, pakiramdam ko, nawawalan na ako ng asawa,” mapaghinagpis na hagulhol ni Michelle sa harapan ng kaniyang mister na ngayon ay tulalang nakatitig sa bintana. May tumutulong luha mula sa mga mata nito, ngunit nananatili itong tahimik, walang imik at hindi nagsasalita.
Hanggang sa nakaalis na si Michelle sa kaniyang harapan ay nananatiling ganoon ang hitsura ni Dindo. Animo siya pinagbagsakan ng langit at lupa.
Ang hindi niya alam ay isang hakbang ang isinagawa ng kaniyang asawa upang makamtan nila ang hustisya sa pagkawala ng kaniyang mga paa…
“Humingi na ako ng tulong sa kinauukulan, Love. Handa akong lumaban ngayon para sa hustisyang nararapat para sa iyo… para sa atin,” determinadong saad ni Michelle na nakangiti sa harap ng asawa. Puno ng pag-asa. Noon kasi ay labis ang naging pagtanggi ni Dindo na hanapin pa ang taong bumundol sa kaniya, dahil anitoʼy masasayang lang naman daw ang pagod nila.
Doon ay tila may kumurot sa namamanhid nang puso ni Dindo. Napalingon siya sa asawang ngayon ay nakatalikod na at papalabas na ulit kwarto. Hinagod niya ang gulong ng kinauupuan niyang wheelchair upang umandar iyon papalapit sa misis niyang ilang linggo niya na ring hindi nayayakap.
“Love!” Walang anu-ano ay napayapos si Dindo sa baywang ni Michelle. Noon ay tila nanumbalik ang lahat ng masasaya nilang alaala noong hindi pa nangyayari ang aksidenteng muntik nang sumira sa kanilang pagsasama.
“Patawarin mo ako kung naging mahina ako, Love. Ako ang haligi ng tahanang ito, pero ikaw ang mas naging matatag sa ating dalawa. Patawarin mo ako kung ginusto ko nang sumuko, at salamat dahil lumaban ka… ngayon, Love, hindi na kita hahayaang lumaban mag-isa.”
Nasapo naman ni Michelle ang kaniyang dibdib at mukha sa sobrang tuwa. Umiyak siya dahil sa kasiyahang nadama mula sa mga salitang narinig sa kaniyang mister na si Dindo. Sa wakas ay natauhan na ito. Mabubuo nang muli ang kanilang pamilya.
Sa pagkakataong iyon ay inumpisahan na nilang hanapin ang totoong may sala ng nangyari kay Dindo sa tulong ng mga kinauukulan. Hindi nagtagal ay natagpuan nila itoʼt napagbayad ng kasalanan!
Laking tuwa ni Dindo dahil sa wakas ay nakamit niya ang hustisya. Kundi lamang siguro siya naduwag noong una ay baka noon pa sila naging masayang mag-asawa. Ngunit tapos na iyon. Hindi na dapat pang muling makulong sa nakaraan ang pagsasama nila ni Michelle.
Ilang buwan matapos matanggap ang tulong mula sa ilang sangay ng gobiyerno ay nakapagpatayo na ng sariling water station sina Dindo at Michelle. Nagsimula sila sa maliit na halaga, hanggang sa nakapagpundar na sila ng sariling tricycle na ngayon ginagamit sa kanilang pagde-deliever. Mayroon na rin sila ngayong maliit na grocery store at masasabing maganda at maayos na rin ang kanilang buhay.
Hindi lang iyon. Mas naging matatag din ang pagsasama nina Dindo at Michelle dahil isang napakagandang balita ang sa kanilaʼy bumungad…
“Buntis ako, Love!” isang araw ay masayang pahayag ni Michelle sa asawa. Malawak ang kaniyang ngiti at halos mapatalon siya sa tuwa.
Samantalang si Dindo naman ay napaluha, at halos hindi makapaniwala.
Malaki talaga ang pasasalamat ni Dindo kay Michelle. Kung wala ito, siguro, hindi niya kakayanin ang buhay pagkatapos ng aksidente. Talaga ngang si Michelle ang naging pag-asa niya nang siyaʼy nasa madilim na bahagi ng kaniyang buhay. Ngayon, sisikapin niyang siya naman ang magbigay ng ngiti rito katulad ng pagbibigay nito ng galak sa kaniya.