Inday TrendingInday Trending
Ang Sakripisyo Para sa Anak

Ang Sakripisyo Para sa Anak

Malaki ang pagkamuhi ni Rodel sa kanyang kinalakhang lugar. Liblib kasi iyon at malayo sa kabihasnan. Kasama niyang naninirahan doon ang kanyang ina na lubos din niyang kinamumuhian dahil sa mala-halimaw nitong hitsura.

Sunog kasi ang kalahati ng mukha ng kanyang ina na sadyang nakakatakot. Tuwing nakakasalubong ng mga bata sa kanilang lugar ang babae ay napapasigaw at nagtatakbuhan ang mga ito. Iyon din ang dahilan kung bakit ayaw niya sa lugar na kanyang kinagisnan.

“Inay maaari po bang huwag na kayong lalabas ng bahay, natatakot lang sa inyo ang mga kapitbahay?” pakiusap niya sa ina.

“Pasensya ka na, anak. Hindi ko maiwasan na hindi lumabas dahil minsan ay naiinip rin ako dito sa loob ng bahay,” tugon naman ng ina.

Sabi pa ng kanyang ina ay silang dalawa na lamang ang magkasama sa buhay dahil wala na silang ibang kamag-anak. Hindi na raw nito kilala kung sino pa ang iba nilang kamag-anak. Sa isip nga niya ay sinadya talaga ng kanilang mga kamag-anak na itakwil sila dahil sa isinumpang hitsura ng kanyang ina. Tumatak tuloy sa utak niya na ito ang nagdadala ng kamalasan sa kanilang pamilya.

“Bakit pa kasi nagkaroon pa ako ng inang halimaw?” inis niyang bulong sa sarili.

Bukod sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay ay nangongolekta rin ng basura ang kanyang ina na kanilang ikinabubuhay. Maliit lang ang kita, ngunit sinisikap nito na mapag-aral siya.

Noong wala pa sa isip niya ang pagkamuhi sa ina ay inihahatid pa siya nito sa gate ng eskwelahan nila bago dumiretso sa pangangalakal ng basura, ngunit habang tumatagal, iba’t iba na ang kanyang naririnig na kwento mula sa mga kaklase niya. Dahil doon ay nag-umpisa na siyang hindi magpahatid sa eskwelahan.

“Inay, simula bukas ay huwag mo na akong ihatid at sunduin sa eskwelahan. Kaya ko na pong mag-isa,” sabi niya rito.

“Bakit naman anak?” tanong ng ina.

“Basta po. Ayokong pupunta kayo doon. Pakiusap po!” matigas niyang sabi.

“Kung iyan ang kagustuhan mo, sige…” mahinang sagot ng babae na halata ang kalungkutan sa boses.

Isang araw na napakalakas ng ulan ay hindi inasahan ni Rodel na makikita niya sa labas ng gate ng eskwelahan ang ina na may dalang payong. Iiwas sana siya rito, ngunit tinawag siya nito na hindi naman nakaligtas sa pandinig ng kanyang mga kaklase. Nagtakbuhan ang mga ito palapit sa kanya.

“Anak ng halimaw! Anak ng halimaw!” sigaw ng mga ito.

“Tigilan niyo ako!” inis niyang sabi at nagmamadaling nagtatakbo pauwi. Hindi niya pinansin ang ina na naghihintay sa kanya. Hinayaan niya na mabasa siya ng ulan kesa makasabay ito sa pag-uwi.

Nang makauwi sila sa bahay ay galit na galit si Rodel sa ina. Sa oras na iyon ay hindi na niya nagawa pang pigilan ang kanyang itinatagong sama ng loob.

“Inay, bakit ba kasi ganyang kapangit ang hitsura mo? Bakit ba kayo mukhang halimaw? Ikinahihiya ko kayo! Sana ay hindi na lang kayo ang aking ina, sana ay hindi niyo na lang ako ipinanganak, sana ay hindi na lang kayo nabuhay sa mundong ito!” singhal niya sa ina, dala na din ng pagkapahiya sa kanyang mga kaklase.

Sa kabila ng mga sinabi niya ay nakuha lang na manahimik ng kanyang ina. Alam niyang labis itong nasaktan subalit ipinangako niya sa sarili na hindi siya maaawa rito.

Mula noon ay sinikap niya na mag-aral mabuti hanggang sa nakapagtapos siya ng kolehiyo at nakapagtrabaho. Umalis siya sa kanilang bahay at bumukod. Iniwan niya ang kanyang ina na nag-iisa. Di nagtagal ay naging matagumpay si Rodel. Nagkaroon siyang ng mga negosyo na nagbigay sa kanya ng marangyang buhay. Nagkaroon din siya ng asawa at anak.

Isang araw habang papunta siya sa pinagtatrabahuhang opisina ay naaksidente ang sinasakyan niyang kotse. Malubha ang lagay niya at isinugod siya sa ospital ng mga nakakita ng malagim na aksidente. Nagising na lamang siya sa isang kuwarto at bumungad ang mukha ng kanyang asawa.

“A-anong nangyari, b-babe?” tanong ng lalaki.

“Babe, mabuti naman at nagising ka na, salamat sa Diyos. Apat na araw ka ng walang malay. Nabangga ang sinasakyan mong kotse sa nakasalubong mong truck,” paliwanag ng kanyang asawa.

“O-Oo, natatandaan ko na ang lahat, salamat sa Diyos at ako’y ligtas,” tugon niya sa asawa.

“May nagligtas sa iyo babe, utang natin sa kanya ang iyong buhay. Kailangan kang masalinan ng dugo ngunit naubusan ang ospital. Walang ibang maaaring mag-donate, mabuti na lang at siya ang nagbigay ng dugo sa iyo. Ang sabi niya ay nakita niya ang nangyari sa iyo kaya sinundan ka niya dito sa ospital. Kahit na ganoon ang kanyang hitsura ay nagtataglay siya ng malinis na puso,” kwento ng asawang babae.

Nagulat si Rodel sa sinabi ng asawa.

“Nasaan ang taong nagligtas sa akin?”

“Matapos niyang mag-donate ng dugo, nagmamadali siyang umalis. Sinubukan ko siyang habulin para kilalanin, ngunit sa di inaasahang pangyayari ay nahagip siya ng taxi at nakaladkad. Sinubukan siyang iligtas ng mga doktor pero binawian rin siya ng buhay noong araw na iyon. Agad naming tinawagan ang numero sa ID niya na nakuha namin sa kanyang pitaka, may sumagot na binatilyo at di nagtagal ay pumunta ang binatilyong iyon sa ospital at siya ang nag-asikaso ng walang buhay na katawan nung babae.”

Kinilabutan si Rodel. Nakaramdam siya ng kakaibang pakiramdam, ngunit ipinagtataka niya kung sino ang binatilyong pumunta sa ospital.

“Binatilyo? At saka a-anong hitsura ng babaeng iyon?” kinakabahan niyang tanong.

“Hindi normal ang kanyang anyo, babe. Ang tawag nga sa kanya ng ibang nurse ay mukhang di daw normal,” wika ng asawa.

Biglang namanhid ang buong katawan ni Rodel sa narinig. Lumakas ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya alam ang sasabihin, sari-saring emosyon ang kanyang naramdaman. Napansin na lang niya na nangingilid na ang kanyang luha.

Nang makalabas siya sa ospital ay agad nilang pinuntahan ang bahay ng babaeng tinutukoy ng kanyang asawa para tingnan ang burol nito. Alam na niya kasi kung ano ang pagkatao nito. Nang marating ang dating bahay ay bumungad sa kanila ang isang binatilyo. Sa isip niya ay ito na marahil ang lalaking tinutukoy ng kanyang asawa.

“Mawalang galang na po, may maitutulong po ba ako sa inyo?” tanong nito sa kanila.

“Ah… eh… dito po ba nakaburol…”

“T-teka, kilala ko po kayo. Kayo po iyong asawa nung lalaki na tinulungan ni Tiyang,” nakangiting sabi ng binatilyo sa asawa ni Rodel.

“Oo, ako nga. Kasama ko ang aking asawa. Nakikiramay kami,” sabi ng babae.

“Ako nga po pala si Gener. Nakilala ko po si Tiyang noong nakaraang taon. Malaki po ang utang na loob ko sa kanya dahil mula sa pagiging pulubi ay kinupkop niya ako. Pinakain, binihisan at binigyan niya ako ng tahanan. Itinuring din po niya ako na parang tunay niyang anak. Kung hindi po ako nagkakamali, ikaw po iyong lalaking kanyang iniligtas, ikaw ang lalaking matagal na niyang hinahanap,” wika ng binatilyo.

Tahimik lang si Rodel at tumango tanda ng kanyang pagsang-ayon. Niyaya sila ng binatilyo papasok ng bahay. Nang muling iapak ni Rodel ang mga paa sa kinalakihang bahay ay bumalik ang lahat sa kanyang alaala na kasama ang ina. Dahan-dahan niyang tiningnan ang kabaong nito at nang kanyang masilayan ay hindi na niya napigilan pa ang mga luhang kumawala sa kanyang mga mata. Kitang-kita niya ang kanyang ina na nakahiga roon. Kahit mala-halimaw ang mukha ay mahahalata na maaliwalas iyon.

“Alam niyo po, kung alam lang sana ng mga tao kung gaano kalinis ang puso ni Tiyang ay hindi nila kailanman magagawang laitin at husgahan siya. Naikwento niya po sa akin na mayroon siyang anak at mahal na mahal niya ito. Napag-alaman ko po na nakuha pala niya ang mala-halimaw niyang mukha nang iligtas niya ang kanyang anak noon sa sunog.

Wala raw pinsala ni isa ang anak niyang lalaki, pero si Tiyang, sunog na sunog raw ang kalahating bahagi ng mukha. Iyon daw po ang dahilan kung bakit sunog ang kanyang mukha at tinatawag siyang halimaw,” lahad ng binatilyo habang napapaiyak na rin sa pagkukwento.

Unti-unting nanikip ang dibdib ni Rodel sa nalaman.

“Alam ko po na ikaw ang kanyang anak. Nais ko pong sabihin na napakasuwerte mo na si Tiyang ang iyong ina. Matagal ka niyang hinanap at walang araw na hindi ka niya inisip. Ang sabi niya sa akin, mula nang pumanaw ang kanyang asawa ay sa iyo na niya ibinuhos lahat ng kanyang pagmamahal at atensyon.

Nang malaman niya na matagumpay ka na sa buhay at mayroon ng pamilya ay tuwang-tuwa si Tiyang. Saksi po ako sa pagmamahal niya sa iyo na walang katulad, sa pagmamahal ng isang halimaw na tinatawag ng marami, na inialay ang sariling buhay para lang sa iyong sariling kaligtasan.

Sinasabi ko po ito upang kahit paano ay maging malinis ang kanyang pagkatao sa iyong isip at damdamin. Batid ko po ang iyong pagkamuhi sa iyong ina. Sana ay buksan mo ang iyong puso para sa pagpapatawad sa kanya dahil matagal ka na rin niyang napatawad,” wika ng binatilyo.

Luhaang napayuko at napatakip ng mukha si Rodel sa harap ng kabaong ng kanyang ina matapos na marinig ang lahat ng kwento tungkol rito. Hindi niya alam kung paano hihingi ng tawad sa ina.

Siya pala ang dahilan kung bakit sunog ang mukha nito na parang halimaw at siya pala ang dahilan kung bakit maaga itong pumanaw. Ngayon siya naliwanagan, na walang ibang halimaw sa kanilang mag-ina kundi siya. Siya na walang ibang inisip kundi ang kamuhian ito. Siya ang halimaw na pumaslang rito. Labis-labis ang pagsisisi niya, ngunit kahit pa anong gawin ni Rodel ay huli na ang lahat. Wala na ang kanyang ina na itinuring na halimaw ngunit nagtataglay naman ng busilak na kalooban.

“Sana dumating ang araw na ako’y inyo din mapatawad, Nay… sa ating muling pagkikita sa susunod na buhay, pangakong yayakapin agad kita at ipaparamdam ko sa’yo ang pagmamahal na ipinagkait kong iparamdam. Patawad at salamat, Inay…” lumuluhang pahayag ni Rodel habang naghahagis ng puting bulaklak sa lumulubog sa lupang kabaong ng ina.

Advertisement