Si Lyka ang dakilang empleyado sa kanilang opisina. Kahit hindi nakatapos ng kolehiyo ay nagawa parin niyang makapasok sa isang kumpaniya. Nagumpisa lang sa matiyagang pagtitimpla ng kape, pag photocopy ng mga papel, pagaayos ng mga dokumento, at naging tanungan siya ng mga kapwa niya empleyado sa lahat ng bagay.
“Ms. Lyka, saan po nakalagay yung mga dokumento para sa meeting mamaya?”
“Lyka, tinawagan mo na ba ang mga kliyente natin?”
“Ma’am Lyka, nasira po ang printer. Ano po kaya ang dapat gawin?”
“Lyka, pwede bang makisuyo na iphotocopy mo ito. May inuutos lang si boss,”
“Ms. Lyka, may alam po ba kayong malapit na bangko dito?”
“Ma’am Lyka, ano po kaya magandang gawin para sa event natin mamaya?”
“Ma’am Lyka, mukhang maganda po ang gising natin ngayon?”
“Ms. Lyka, buti na lang at andiyan ka palagi para tulungan kami,”
Halos lahat ng empleyado sa kanilang opisina ay lagi siyang hinahanap at hinihingian ng tulong. At kahit kailan ay hindi nagtanim ng inis si Lyka sa mga ito, ikinatutuwa pa nga niya na siya ay nakakatulong sa iba. Hindi rin lumiliban si Lyka sa trabaho. Lagi nga itong napaparangalan dahil sa kaniyang perfect attendance.
Si Lyka rin ang madalas nagsisimula ng kasiyahan sa kanilang opisina. Sa mga simpleng biro niya, mga matatamis na ngiti at mga matinis na tawa, hindi makukumpleto ang araw ng bawat isa sa opisina kung hindi sila mapapangiti ni Lyka.
Kaya naman noong bigla itong lumiban ng ilang araw ay labis silang nag-aalala sa para rito. Bukod sa hindi sila sanay na lumiliban ito sa opisina, nag-aalala rin sila, dahil halos magdadalawang linggo na itong hindi pumapasok.
Hanggang sa dumating ang araw ng lunes. Lahat ay maagang pumapasok dahil sa flag ceremony na gagaganapin namg umagang iyon. Habang nasa kalagitnaan ng flag ceremony ay nakita nilang pumasok sa lobby ang isang babaeng nakawheechair. At laking gulat ng mga ito nang makita na ang babaeng nasa wheelchair ay wala iba kundi si Lyka.
Gulat na gulat ang lahat. Lalo na ng makita nila ang pagbagsak ng katawan nito at paglalaim ng mga mata. Pero kahit na ganoon ay hindi pa rin nawawala ang mga matatamis na ngiti sa kaniyang labi.
Nang matapos ang flag ceremony ay tumuloy na ang bawat isa sa kani-kanilang opisina at lamesa. Maya-maya pa’y nakita nilang pumapasok sa kanilang opisina ang nakawheel chair na si Lyka na tulak-tulak ng kaniyang pinsan na sumama sa kaniya upang siya ay maalalayan.
Agad itong nagtungo sa lamesa ng kaniyang manager at nagkaroon sila ng pribadong pag-uusap. Sa kanilang pag-uusap ay hindi maiwasan ng mga katrabaho ni Lyka na pagmasdan sila dahil nakikita nilang nagiiyakan ang dalawa. Nang matapos ay ipinatawag ng manager ang lahat para sa isang mahalagang anunsiyo.
“Pumasok si Lyka ngayong araw na ‘to para sana magpaalam na magresign. Kailangan niya kasi ang buong oras niya araw-araw para sa kaniyang pagpapagamot sa ospital,” panimula ng kanilang manager.
“May malubhang sakit kasi si Lyka, kaya mas maganda kung matutukan niya ang kaniyang sarili. Ngunit hindi ako pumayag sa kaniyang pagreresign, bibigyan lang natin si Lyka ng kaniyang panahon upang magpagaling ‘di ba? Dahil naniniwala kami Lyka na mapagtatagumpayan mo ‘yang pagsubok mo ngayon at magpalakas ka upang makayanan mo ito ha?” mangiyak-ngiyak na sabi ng manager.
“At kaya ko rin kayo pinatawag, para bigyan natin ng lakas ng loob si Lyka na makayanan itong pagsubok sa kaniya,” dagdag ng manager.
Bumuhos naman ang magagandang salita para kay Lyka. Mga salitang nagpaparamdam ng pagmamahal, pagtitiwala, at pag-asa. Inalayan din ng lahat ng panalangin si Lyka, upang magabayan ito ng Panginoon na maging malakas sa kaniyang laban para sa kaniyang kalusugan.
Lumipas ang ilang mga buwan ay dama pa rin ang kalungkutan sa pagkawala ni Lyka sa loob ng opisina. Kulang ito kapag wala si Lyka. Walang nakakahawang tawa at ngiti. Walang Lyka na laging handang tumulong at magpasaya.
At dahil ilang buwan na nilang hindi nakakausap si Lyka, naisipan ng nga ito na imbitahan siya sa gaganapin nilang christmas party sa susunod na buwan.
“Matutuwa niyan si Lyka pag niyaya natin siyang pumunta sa Christmas party. Naiinip na ‘yon panigurado,” wika ng isa sa kanila.
“Gusto niyo ba wag na tayong magexchange gift? Tapos yung funds na dapat para doon ay gamitin na lang natin para kay Lyka. Payag ba kayo do’n?” tanong naman ng isa sa kanilang mga bisor.
Hindi naman nagkamali ang bisor sa naging suhestiyon dahil lahat ay agad na pumayag sa kaniyang plano. Malapit talaga kasi Lyka sa mga ito. Kaya nagtulong-tulong ang mga ito na makalikom ng pera upang magamit at maitulong kay Lyka.
Sumapit na ang araw ng Christmas party, matagumpay naman na nakapunta si Lyka kahit na medyo nahihirapan ito. At tulad nga ng inaasahan at tuwang-tuwa si Lyka na maging parte ng kasiyahan. Sayawan, kantahan, at mga palaro, lahat niyan nasaksihan ni Lyka.
At nung oras na upang magexchange gift, laking gulat ni Lyka na dinala siya sa gitna ng stage. Doon ay isa-isa siyang inabutan ng mga katrabaho niya ang mga regalo.
“Lyka, tanggapin mo ‘tong mga kaunting regalo namin para sayo. Hindi na kami bumili ng mga materyal na bagay, alam namin na mas alam mo ang kailangan mo ngayon. Ngayong pasko, kami ang Santa mo. Hindi kumpleto ang opis kung wala ka, kaya magpalakas ka at hihintayin namin ang iyong muling pagbabalik,” wika ng pinakamatalik niyang kaibigan.
Noon ay inabot na ng mga katrabaho niya ang mga sobre regalo para sa kaniya. Ang unang sobre ay para sa grocery.
“Lyka, gamitin mo ito upang makabili ng mga masusutansiyang pagkain para mas mabilis kang gumaling,” nakasulat sa sobre.
“Lyka, sana ay makatulong ‘tong kaunting pera upang makabili ka ng mga gamot mo. Magpagaling ka ha. Naniniwala kami sa lakas mo,” sulat naman sa pangalawang sobre.
Ang huling sobre naman ay naglalaman ng mas maraming pera, na may sulat na…
“Lyka, ito naman ay para sa sarili mo. Wag mong lilimitahan ang sarili mo dahil lang may sakit ka na. Gamitin mo ito para gawin ang mga bagay na gusto mo, magbakasyon, bumili ng bagong sapatos, kumain ka sa nga gusto mong kainan, at kahit ano pang gusto ng puso mo gawin. Hindi pa tapos ang laban dahil lang may kapansanan, bumuo ka ng mga masasaya pa ring alaala. Gagaling ka, hihintayin namin na bumalik ka,” sulat ng huling sobre.
Tuluyan ng tumulo ang mga luha ni Lyka. Nagkaroon man siya ng kapansanan, hindi naman siya napanghinaan ng loob dahil nandiyan lagi ang mga taong mahalaga sa kaniya para siya ay damayan. Alam niya na hindi siya lalaban ng mag-isa sa pagsubok na dumating sa kaniya.
Walang tigil sa pasasalamat si Lyka sa kanilang lahat. Umuwi ito na may malalaking ngiti sa kaniyang mukha. Busog ng pagmamahal ang kaniyang puso. Buhat noon ay sa tuwing ginagamit ni Lyka ang mga niregalo sa kaniya ay nagpapadala lagi ng larawan si Lyka sa mga katrabaho. Nung minsan ay nagawa pa nitong umakyat sa isang burol at mamasyal sa dagat. At sa bawat larawan na ipinapadala ni Lyka sa kaniyang mga katrabaho ay naghahatid din ito ng saya sa kanilang mga puso.
Dahil sa determinasyon at matinding suportang natanggap mula sa mga taong tunay na nagmamalasakit at nagmamahal, unti-unting nagawang maihakbang ni Lyka muli ang kanyang mga paa. Hanggang sa tuluyan nga siyang gumaling na tila ba ay isang malaking himala.
Nabigyang kulay muli ang kanilang opisina nang bumalik si Lyka. Bawat isa ay mayroon nang ngiti sa mga labi. Ibang klaseng tao talaga kasi itong si Lyka, para bang ilaw siyang nagbibigay liwanag sa nakakapagod at balang buhay ng mga kaopisina.