“Bakit gusto mong mag piloto?” iyan ang laging tanong kay gian ng mga taong nakakasalamuha niya.
“Nagpiloto ako para sa Tito Ben ko,” ito naman ang lagi niyang sagot.
Batang pa lang si Gian ay nahilig na siya sa mga eroplano. Naimpluwensiyahan kasi siya ng kaniyang Tito Ben, ang kuya at panganay na kapatid ng kaniyang ina. Marami kasing eroplanong laruan ang kaniyang tiyuhin at ito ay ipinamana na sa kaniya. Ngunit hindi lang ito ang pinama sa kaniya ng kaniyang Tito Ben…
“Gian, sa tingin mo, bakit kaya masayang nasa himpapawid?” tanong ni Ben sa kaniyang pamangkin na noon ay nasa hayskul na.
“Kasi makikita mo ang mga ulap? Kasi maabot mo ang langit?” hindi siguradong sagot ni Gian.
“Kasi maari mong makita ang ganda ng mundo mula sa itaas. Mapayapa at mataimtim sa himpapawid. Malayo sa magulo at maingay na mundo,” wika ni Ben.
Noong mga panahon na iyon ay ikinwento ni Ben kay Gian ang pangarap nitong maging isang piloto. Ipinakita sa kaniya ang mga libro na kaniyang nabili upang mapag-aralan ang mga eroplano at ang paglalakbay sa himpapawid.
“Tito Ben, bakit hindi po kayo nag piloto? Sayang naman po itong mga libro na ito,” tanong ni Gian sa kaniyang tiyuhin.
“Hindi kasi siguro para sa akin ang mag piloto. Kung sa kagustuhan lang ay gusto ko talaga, pero hindi ganoon kadali ang mangarap, lalo na kung wala kang pera,” sagot ni Ben.
Doon naikwento ni Ben na kinailangan niyang isantabi ang kaniyang pangarap upang agad siyang makatulong sa kaniyang mga magulang. At dahil kahirapan ay mas pinili niyang kumuha ng Business Administration bilang kurso noong siya pa ay nag-aaral sa kolehiyo. Kailangan niya kasing magtrabaho agad para mapag-aral naman ang kaniyang mga nakababatang kapatid.
“Pero naging makabuluhan naman ang buhay ko kahit hindi ko natupad ang pangarap ko. Natulungan ko sila lola at lolo mo na pag-aralin ang mga kapatid ko. Dahil sa pagtatrabaho ko sa bangko ay agad akong nakaipon at nakapagpagawa ng maayos na bahay para sa kanila. Napag-aral ko rin ng medisina ang iyong ina na ngayon ay isang doktor na?” masayang sabi ni Ben sa kaniyang pamangkin.
Namangha si Gian sa tiyaga at kadakilaan na ipinamalas ng kaniyang Tito Ben. Kung papansinin ay lahat ng kaniyang mga tiyuhin at tiyahin, maging ang kaniyang ina ay nakapagtapos ng kolehiyo at nagkaroon ng mga magagandang trabaho. Ang Tito Ben naman niya ay senior manager sa bangko na pinagtatrabahuhan nito.
“Ikaw, ano ba ang gustong mong kuhanin na kurso sa kolehiyo?” tanong ng kaniyang Tito Ben sa kaniya.
“Hindi ko pa po sigurado, Tito Ben. Hindi ko pa po napagiisipan eh,” sagot ni Gian. Pero sa mga panahon na ‘yon ay alam na niya ang gusto niyang kunin na kurso. Ayaw lang niya itong sabihin sa kaniyang Tito Ben.
“Ah ganun ba? Basta piliin mo yung gusto mo ha? Wag mo iisipin yung gusto ng iba, kahit magastos o hindi, basta gusto mo. Kasi doon, sasaya ang puso mo,” bilin sa kaniya ng kaniyang Tito Ben.
At sa paglipas ng taon ay mas lalong pinag-isipan ni Gian ang gusto niyang kuhanin na kurso. Tulad ng kaniyang tiyuhin ay naisip niya rin maging piloto, pero bukod sa sarili niyang kagustuhan ito ay gusto niya rin itong matupad para sa kaniyang Tito Ben. Nagsilbi kasing inspirasyon sa kaniya ang kaniyang tito. Kaya nung tinanong na sakaniya ng kaniyang mga magulang kung ano ang gusto nitong kuhanin ay hindi na siya nagdalawang isip pang sabihin na nais niya maging piloto.
May kaya ang pamilya nila dahil ang ama niya ay isang seaman at doktor naman ang kaniyang ina, hindi naging hadlang ang pera sa kaniyang pagkuha ng pagpipiloto. Sinuportahan din siya ng kaniyang mga magulang sa pangarap, lalong-lalo na ang kaniyang Tito Ben.
“Gian! Nakakatuwa naman at pagpipiloto ang kukunin mong kurso! Para mo na rin tinupad ang mga pangarap ko,” masayang wika ni Ben na noon ay tuwang-tuwa sa nalaman na balita.
“Pasyalan mo ko minsan sa amin, ibibigay ko sayo lahat ng mga libro ko. Magagamit mo ‘yon para sa dagdag na kaalaman,” dagdag pa ni Ben.
Ipinamana nga ni Ben kay Gian ang mga libro nito tungkol sa pagpipiloto at mga eroplano. Hindi rin naman sinayang ni Gian ito, at matiyaga niya itong binasa kasabay ng pag-aaral niya.
Dahil punong-puno ng suporta mula sa pamilya, pinagsikapan at pinag-igihan ni Gian ang pag-aaral. Matapos ang apat na taon na pagaaral ng Aeronautics, nagaapply siya ng scholarship upang makapag-aral na ng kurso na para na mismo sa pagiging piloto.
Hindi naging madali ang lahat para kay Gian. May pagkakataon na nais na niyang sumuko, dahil sa pagod at hirap. At sa mga panahong iyon ay hindi naman siya iniwan ng kaniyang pamilya upang gabayan siya at bigyan ng lakas.
At sa tuwing makakausap niya ang kaniyang Tito Ben ay mas lalong ginaganahan si Gian na ipagpatuloy ang pangarap.
Dahil sa pagtitiyaga niya ay matagumpay niyang natapos ang pag-aaral at ang mga training na kailangan niyang matapos. Hanggang sa tuluyan na niyang nakamit ang inaasam na pangarap na maging isang piloto.
Bukod sa kaniyang mga magulang, kasama rin ang kaniyang Tito ben nang ganapin ang paggagawad sa kanila ng titulo at reponsibilidad bilang mga ganap na piloto. Iniaabot niya mag kaniyang badge sa kaniyang Tito Ben upang pasalamatan ito sa pagbibigay sa kaniya ng inspirasyon na tuparin ang ang kanyang pangarap. Ngunit hindi lang ‘yon, isinama rin niya ang kaniyang Tito Ben sa kaniyang unang paglipad.
Akala ni Ben ay simpleng biyahe lang ang kaniyang sinakyan. Kasama niya ng mga panahon na ‘yon ay ang mga magulang ni Gian na wala rin kaalam-alam sa nangyayari. Ang alam lang nila ay naimbintahan sila ng isang kamag-anak na pumasyal sa kanilang lugar na sa ibang bansa nakatira.
Naging maayos ang biyahe ng eroplano mula Maynila papuntang Singapore, at laking gulat nila Ben and ng mga magulang ni Gian nang nagsalita na ang flight attendant.
“Maya-maya po ay maghahanda na ang eroplno na bumaba sa lupa at mag landing. Bahagyang makakaramdam ng kaunting pag-uga. Sa oras na magsimula na tayong lumapag ay pinagbabawalan po muna ang pagtayo at paglalakad, ang mga safety gear ay maaari ninyong magamit sa oras ng emergency, gamit ang mga pindutang sa gilid ng inyong upuan. Maraming salamat sa isang matiwasay na paglalakbay niyo kasama namin, mabuhay!” wika ng flight attendant.
“Atin po palang bigyan ng pagpupugay at pasasalamat sa isang maingat na biyahe, ito po ang unang pagpapalipad ng ating bagong piloto na si Pilot Gian Verdon Alcarez. Nais rin po sana niyang batiin ang kanyang mga magulang at Tito Ben na ating kasama sa kanyang unang paglipad” dagdag pa ng flight attendant.
Nang marinig iyon ng mga magulang ni Gian ay kusa na lang tumulo ang luha ng mga ito, dahil sa sobrang saya na nararamdaman na ang anak nila ay ganap at isa nang tunay na piloto. Ang Tito Ben naman niya ay hindi napigilan ang ngumiti nang napakalaki. Hindi kasi nito akalain na ang pamangkin na noo’y sinasamahan lang niyang magpalipad ng papel na eroplano, ngayon ay isang ganap na piloto na.
Nang makababa na ang lahat ng pasahero sa airport, masayang inabangan ng kaniyang magulang at ng kaniyang Tito Ben si Gian. Agad na tumakbo ang mga ito para salubungin at yakapin ang siya.
“Ma, Pa at Tito Ben, para sa inyo po ito,” wika ni Gian na labis ang pagluha dahil sa matinding sayang nadarama.