“Eden! Isalansan mo nga ‘yang damit ng ate mo! Nakikita mo nang nakakalat hindi mo pa tiklupin!” galit na utos ni Aling Dolores sa kanyang bunsong anak na si Eden.
“Sige po, nay, pagkatapos ko pong pakintabin ang sapatos ni Ate ay saka ko po titiklupin ang mga ‘yan,” mahinang tugon ng dalaga.
“Bilis-bilisan mo r’yan ang bagal-bagal mo, ang dami pang gawain! Hindi ka tumulad d’yan sa Ate Lisa mo, napakagaling sa lahat ng bagay. Sigurado ako na siya ang mag-aahon sa atin sa hirap. Ayaw mo pa kasing pumayag na huminto muna para wala ng maging problema sa pag-aaral ng Ate mo! Hindi mo pa isuko ‘yang pagpasok mo sa eskwela hindi ka naman kasing talino ng Ate mo!” pagbubunganga ng kanyang ina. Hindi na nakaimik pang muli ang dalaga.
Ang Ate Lisa ni Eden kasi ay nasa kolehiyo na at isang taon na lamang ay makakatapos na ito ng pag-aaral. Kasalukuyan siyang nasa kanyang boarding house sa Maynila. Habang si Eden naman ay patungtong pa lamang ng kolehiyo at piniling mag-aral sa isang pampublikong paaralan sa probinsya.
Hindi totoo na mahina ang ulo ni Eden tulad ng tinuran ng kanyang ina. Sa katunayan nga ay laging may karangalan ang dalaga ngunit hindi ito binibigyang pansin ni Aling Dolores. Lagi lamang kasi siyang nakatuon sa mga napagtatagumpayan ng kaniyang panganay na anak.
Laging ganito ang senaryo sa kanilang tahanan. Kung hindi siya napapagalitan ng kanyang ina ay palagi naman siyang pinakikilos sa kanilang bahay. Ang hindi lamang maliwanag sa kanyang isipan ay bakit tila galit na galit sa kanya ang kanyang ina. Sobra kasi kung magsalita ito sa kanya. Minsan nga ay napapaisip na siya kung tunay nga ba siyang anak.
“Ano ba ‘yang mga tanong mo, Eden,” pagtataka ng kanyang amang si Mang Jun. “Bakit mo naman naiisip na hindi ka namin tunay na anak?” patuloy pa ng ama.
“Kasi, tay, hindi ko po alam bakit ang init-init ng dugo sa akin ni nanay. Wala na pong ibang magaling sa kanya kung hindi si Ate,” naiiyak na tugon ni Eden sa kanyang ama. “Ginagawa ko naman po ang lahat. Lagi ko pong sinusunod ang mga utos niya ngunit bakit hindi ako magawang mahalin ni Nanay?” walang patid ang pagtulo ng luha ng dalaga.
“Hayaan mo na ang nanay mo, anak, at ganiyan lang talaga ‘yan, mabunganga. Parang hindi mo naman kilala ang nanay mo. ‘Wag mo na lang masyadong damdamin ang mga sinasabi niya. Saka wag mong iisipin na hindi ka niya mahal. Pantay ang pagmamahal namin sa inyo ng ate mo. Kaya tumahan ka na riyan,” pag-alo naman ni Mang Jun kay Eden.
Sa kanilang bahay ay tanging si Mang Jun lamang ang umintindi sa kalagayan ni Eden. Napapansin na rin niya ang hindi pantay na trato ni Aling Dolores sa kanilang mga anak. Isang araw ay narinig ni Eden na binubugaw siya ng kanyang ina sa isang mayamang hapon na dayo sa kanilang lugar.
“You want girl?” barok na pag i-ingles ni Aling Dolores upang makausap ang hapon. “My dawter, fresh lady! Get her! You, my dawter, go to Japan! Faster! Beri Young, sixtin onli. No boypren!” sabik na sabik na iniaalok ni Aling Dolores si Eden sa hapon.
Nang maring ni Eden ang mga sinasabi ng ina ay lubusan siyang nasaktan. “Nay, ano ba naman po ‘yang mga sinasabi niyo?! Gusto n’yo akong ipamigay d’yan sa hapon na ‘yan? Ni hindi ninyo nga kilala kung sino ‘yan, eh. Saka bakit ninyo ako pinapamigay sa matandang hapon na ‘yan hindi ba kayo kinikilabutan sa mga sinasabi n’yo?” pagkompronta ni Eden sa kanyang ina.
“Huwag ka ngang umarte-arte riyan. Gaganda ang kinabukasan mo kung sasama ka sa Hapon na ‘yon. Baka sakaling kahit sa ganung paraan ay mapakinabangan ka naman! Wala kang kasilbi silbi sa bahay na ‘to!” pasigaw na sambit ni Aling Dolores. “Saka hindi ka rin, nag-iisip, g*ga ka, kapag pinakasalan ka ng Hapon na ‘yan at dinala sa Japan, gaganda ang buhay nating lahat! Palibhasa ay sarili mo lamang ang iniisip mo! Anim na buwan lang magiging bato na ‘tong bahay natin!” halos masaktan ni Aling Dolores ang kanyang anak sa sobrang gigil.
Iyak naman ng iyak si Eden. Naramdamn niya sa puntong iyon na wala talagang pagmamahal sa kanya ang kanyang ina.
“Dolores, ano itong sinasabi ng anak mo na ipinamimigay mo raw siya don sa hapon na napadpad dito kanina? Nasisiraan ka na ba ng bait talaga? Sarili mong anak, binubugaw mo? Hindi ka na naawa sa bata. Hayun at takot na takot!” galit na kinompronta ni Mang Jun ang kaniyang asawa.
“Parehas kayo niyang anak mong ‘yan. Mga hindi kayo nag-iisip. Wala talaga akong maasahan sa bahay na ‘to. Sana ay matapos na kaagad si Lisa sa pag-aaral nang sa gayon ay maiahon niya ako sa pesteng buhay na ‘to!” yamot na yamot ang ginang. Sa init ng kanyang ulo ay sinugod niya si Eden sa kanyang silid.
“Hoy! Ikaw babae ka! Tumayo ka nga riyan. Ano ‘yang inaarte-arte mo d’yan? Makasumbong ka sa tatay mo akala mo kung sino ka! Bakit nahawakan ka ba nung hapon? Napagsamantalahan ka ba niya?” galit na galit na sigaw ng ginang habang kinakaladkad niya si Eden. “Lumayas ka rito. Masyado kang pabigat sa bahay na ‘to!” halos mapatid ang litid ni Aling Dolores sa kakasigaw sa dalaga.
“Sige, nay, aaalis po ako kung ‘yan po ang magpapaligaya sa inyo. Hindi ko alam kung bakit ang init-init ng dugo ninyo sa akin. Wala naman ho akong ginagawang masama sa inyo. Lagi na lang ako ang napag-initan ninyo. Ako na ang bobo, hindi magaling , tamad at walang silbi. Tatanggapin ko pong lahat ‘yan kung ‘yan lang po ang tanging paraan para mahalin nyo ‘ko!” humahagulgol na sa pag-iyak si Eden. Nagbalut-balot na si Eden upang umalis.
“Saan ka naman pupunta, anak? wika ng kanyang ama.
“Doon muna po ako sa aking kaibigan, tay. Huwag po kayong mag-alala sa akin. Kaya ko po ang sarili ko. Ingatan po ninyo ang sarili ninyo lagi,” tugon ni Eden. At tuluyan ng umalis ng bahay ang dalaga.
Pansamantalang nakituloy si Eden sa kanyang matalik na kaibigan. Naghanap siya ng mapapasukang trabaho upang matustusan ang kanyang pag-aaral. Minsan ay inaabut-abutan siya ng kanyang ama ng panggastos.
Isang araw ay naaksidente ang kanyang ama. Nawalan daw ito ng balanse sa minamaneho niyang motor at bumangga sa isang poste. Matindi ang pinsalang natamo ni Mang Jun. Nabuhay naman ang kanyang ama ngunit hindi na ito muling makakalakad pa. Wala na ring makakatulong sa kaniyang pamilya ngayon sapagkat kanyang ate na inaasahan ng kanyang ina na mag-aahon sa kanila sa hirap ay nabuntis ng isang lalaking may pamilya na.
Nang mabalitaan ito ni Eden ay agad siyang umuwi. Awang-awa siya sa sinapit ng ama at sa kalagayan ng kaniyang pamilya.
“Narito na po ako. Ako na po ang bahala sa inyo, tay, nay. Hindi ko po kayo pababayaan,” sambit ni Eden habang lumuluha. Laking gulat naman ni Aling Dolores sa sinabi ng kanyang anak.
“Eden, anak, patawarin mo ako!” napahagulgol na sambit ni Aling Dolores sa dalaga. “Patawarin mo ko, anak, sa lahat ng nasabi kong masasama sa’yo noon. At sa lahat ng mga hindi magagandang nagawa ko sa’yo. Lubusan kong pinagsisisihan ang lahat. Sana ay matanggap mo pa ako bilang ‘yong ina!” paghingi ng tawad ni Aling Dolores. Patakbong yumakap si Eden sa kanyang ina.
“Hinding-hindi po nawala ang pagmamahal ko sa inyo, nay. Kahit ano pa po ang nangyari sa atin noon ay ‘wag ninyo na po ‘yong isipin. Matagal ko na po kayong pinatawad!” napahagulgol na rin ng iyak ang dalaga.
Simula noon ay naging malapit na sa isat-isa ang mag-ina. Sising-sisi si Aling Dolores sa lahat ng mga masasamang nagawa niya sa kanyang bunsong anak. Hindi niya akalain na kabila ng lahat ng pagmamaltrato niya rito ay siya pa palang ang tutulong sa kanila bandang huli. Ilang taon pa ang nakalipas ay nakapagtapos na si Eden ng pag-aaral at nakahanap ng magandang trabaho sa ibang bansa. Tinupad niya ang pangarap ng kanyang ina na umahon sa kahirapan.