Hindi Na Ako Muling Magsusugal, Pustahan Pa Tayo!
Isang tanyag na negosyante ang mayamang si Jaime. Kaliwa’t kanan kasi ang kaniyang mga negosyo at ari-arian. Sumasakop ng apat na lote ang tahanan niya sa isang eksklusibong subdivision, ang pinakamalaki sa lugar na ito. Ibat-ibang magagarang sasakyan rin ang kanyang mga minamaneho. Puno ng alahas ang kanyang katawan. Sa kabila ng kanyang karangyaan ay ang pagkalulong niya sa sugal. Naninirahan na lamang siya kasama ang kanyang anak na si James sapagkat hindi na rin makaya ng kanyang misis ang kanyang bisyo kaya ito ay tuluyan ng lumayas.
“Pa, saan na naman po kayo galing kagabi?” tanong ng anak niyang si James, isang umaga habang nag-aalmusal. “Kakauwi ninyo lamang po ba?” sunud pa niyang tanong. “Wala, galing lang ako sa isang kasiyahan kagabi, sige na at kumain ka na riyan ang dami mong tanong!” naiiritang sagot ng ama. “Pa, baka naman po nagsusugal na naman kayo. Iniwan na nga tayo ng Mommy dahil sa ganyang gawain n’yo hindi pa kayo nadadala,” mariing sambit ng binata sa kanyang ama. Napakamot na lamang sa ulo si Jaime sa pagka-irita sa kanyang anak. “Alam mo ang dami mong sinasabi, eh! Ang nanay mo umalis kasi ayaw niya sa pamilyang ‘to! At huwag na huwag mong pakikielaman ang pagsusugal ko dahil ito lamang ang dibersyon ko sa lahat ng pagod na natatanggap ko sa pag-aasikaso ng mga negosyo natin para naman mabuhay ka ng masagana!” panunumbat ni Jaime sa anak. “Ang pera ko, James, hindi basta-basta naubos pero ang pasensya ko sa’yo malapit ng maubos! Kaya kung ako sa’yo ay mananahimik na lamang ako!” hirit pa ng ama. Pumasok na ng silid si Jaime at naiwan ang kanyang anak na kumakain ng almusal.
Kinagabihan ay paalis na si Jaime upang pumunta ng casino nang makasalubong niya muli ang anak. “Pa, sa casino na naman ho ba ang punta ninyo? Padalas ng padalas naman yata ang pagsusugal ninyo. Baka hindi ninyo mamalayan mawala na ang lahat ng mayroon tayo,” pagpapaalala ni James sa kanyang ama. “Ayan ka na naman. Hindi ka na natapus-tapos. Daig mo pa ‘yung Mommy mo, ah. Mommy mo nga hindi ako napigilan, eh. Tumabi ka nga riyan at hahara-hara ka. Saka ‘wag mo akong pagsasalitaan ng ganyan! Kapag ako minalas ngayong gabi ay kasalanan mo!” inis na tugon ng ama habang nagbabadyang umalis ng tahanan. Naiwan na namang mag-isa si James.
Lubusan siyang nag-aalala sa pagkalulong ng kanyang ama sa sugal. Kadalasan ay kada dalawang araw na nga kung ito ay umuwi. Unti-unti na rin napabayaan ng kanyang amang si Jaime ang iba nilang negosyo. Isang umaga, nagulat na lamang ang binata ng makita niya sa bintana ng kanyang silid na tatlo sa anim nilang sasakyan ay kinukuha ng ilang kalalakihan. Dali-dali siyang bumaba ng silid at tumungo sa garahe.
“Teka! Teka! Saan ninyo dadalhin ang mga sasakyan ng papa ko?” natatarantang wika ni James. “Malaki ang naipatalo ng iyong ama sa casino noong isang gabi. Hindi pa siya nakakabayad kaya babatakin na namin itong mga kotse ng ama mo!” tugon naman ng lalaki.
Nang makita ni James ang kanyang ama agad niya itong kinompronta. “Pa, bakit ninyo ipinatalo ang mga sasakyan. Ito na po ang sinasabi ko sa inyo, eh. Ilang ari-arian pa natin ang kailangan ninyong ipatalo bago ninyo tuluyang iwan ‘yang bisyo n’yo? Napabayaan ninyo na rin po ang mga negosyo natin!” nangangambang wika ng binata.
“Naririndi na ako sa pangangaral mo sa akin! Hindi ka na natigil!” halos namumula na ang mukha ni Jaime sa pangaggalaiti sa kanyang anak. “Napaka pakielamero mong bata ka! Mabuti pa ay umuwi ka na lang doon sa ina mo! Magsama kayo!” pagtataboy ni Jaime sa kanyang anak.
Umalis nga ang binata at tuluyang umuwi na sa kanyang ina sapagkat hindi na niya makayanan pa ang mga ginagawa ng kanyang ama. Patuloy pa rin sa pagkalulong sa sugal si Jaime. Lalong umigting ang lakas nito sa pagsusugal lalo pa at wala nang makakapigil sa kanya.
Hindi niya namalayan na tuluyan na niyang napabayaan ang kanyang mga negosyo. Ang lahat ng kanyang ari-arian ay kung hindi nakasanla ay naibenta na rin. Sa maiksing panahon, ang yaman ni Jaime ay naglaho na parang isang bula. Ang tanging natitira na lamang sa kanya ay ang kanyang tirahan. Kaso pilit na rin itong kinukuha sa kanya ng bangko.
Nanlumo na lamang siya ng kaniyang mapagtanto na lahat ng yaman na maging ang kanyang pamilya ay ipinagpalit niya sa walang kwenta niyang bisyo. Naisip niya ang lahat ng mga sinabi ng kanyang anak noon.
Lubusan ang kanyang pagsisisi kung bakit noon pa lamang ay hindi na siya nakinig sa binata. Dahil sa pag-aakala niyang hindi kailanman mauubos ang kanyang yaman ay hinayaan niya ang kanyang sarili na magpakalulong sa sugal.
Naglakas siya ng loob na humingi ng tawad sa kanyang mag-ina. Hindi man madali sa mag-ina, binigyan nila ng isa pang pagkakataon si Jaime upang baguhin at ayusin ang lahat.
Bumangon siya at nagsimulang muli. Hindi niya hinayaan na ang pagkakataong ito na ibinigay ng kanyang mag-ina ay muli na namang masayang.
“Hindi lahat ay nabibigyan ng isa pang pagkakataon. Maraming salamat sa muli ninyong pagtanggap sa akin. Pangako ko na itatayo kong muli ang ating pamilya at hinding-hindi na ako magsusugal pang muli,” seryoso niyang pangako sa mag-ina. “Totoo na ba ‘yan, pa? Pustahan pa tayo?” nakangiting biro ni James sa kanyang ama. Napuno ng halakhalakan ang mga sandaling iyon. Wala namang mapaglagyan ang pasasalamat ni Jaime sa pagkakataon na binigay sa kanya ng kanyang pamilya.