“Huwag kang maingay, ha? Sa atin lang ‘to. Nangako kasi ako kay Mareng Tere na hindi ko ipagsasabi ‘to. Pero nakita raw ni Tere ang asawa ng kumare nating si Loyda na pumasok kasama ang isang babae sa motel.
Kawawa naman si Loyda, ano? Ang buong akala niya ay tapat sa kanya ang asawa niya. ‘Yun naman pala may ginagawang kababalaghan ang loko!” pagkukwento ni Aida sa isa pa niyang kumareng si Berta.
“Naku, kailangang malaman ‘yan ni Kumareng Loyda. Bakit daw ayaw pa niyang sabihin ni Tere? Pag-usisa naman ni Berta.
“Ayaw niya daw kasi madamay, mare. Hayaan na lang natin si Tere. Baka nga madawit pa siya sa sigalot na ‘yan kapag nagkataon. Kaya ikaw riyan, ah! Huwag kang magsasalita sa mga kaibigan natin kasi malilintikan talaga ako!” pagbababala ni Aida sa kaibigan.
Tila libangan ni Aida ang makipagkwentuhan sa kanyang mga kumare. Kahit abala sa gawaing bahay ay nagagawa pa rin niyang isingit ang pakikipag tsismisan sa kaniyang mga kaibigan. Madalas kasing mapagsabihan ng mga hinaing nila sa buhay ang kumareng si Aida.
Dahil na rin madalas ang kanilang pag-uusap ay nakakapagsabi na ang mga ito ng kani-kanilang mga sikreto sa pag-aakala na maililihim ito ng ginang. Ngunit nangangati rin ang dila ni Aida na sabihin ang mga sikretong ito sa iba. Mariin niyang binabalaan ang mga napagsasabihan na huwag na huwag mababanggit sa may-ari ng sikreto na nabanggit niya ito sa kanila.
Isang araw ay nagsabi sa kanya ng isang sikreto ang kanyang kaibigang si Salve. “Alam mo, Aida, kinakabahan ako, ngunit masama ang kutob ko sa bayaw ko. Bagong laya kasi ito sa kulungan. Natatakot ako para sa anak kong si Addie. Dito kasi pansamantalanag nanunuluyan ‘yung kapatid ng asawa ko. Hindi mawala sa isip ko na baka mamaya ay kung ano ang gawin sa anak ko.
Bilang isang nanay, hindi mo naman maaalis na mag-alala hindi ba? Ayoko naman siyang tahasang husgahan. Kung papaalisin ko naman sa aming bahay ay baka pagmulan naman ng away naming mag-asawa. Pero hindi nawawala sa paningin ko ang anak ko,” kwentong ni Salve kay Aida. “Huwag na sanang makalabas pa ito, Aida, ha? Maselang usapin kasi ito. Ikaw lang kasi ang mapagkakatiwalaan ko kaya sa’yo ko nasabi. Ni sa mga kapatid ko ay hindi ko magawang sabihin ito sa kanila sapagkat baka kung ano naman ang gawin nila kaagad,” pakiusaap muli ng ginang.
“Makakaasa ka, Salve. Hindi makakalabas ‘yang sikreto mo. Ganoon na lang, huwag mo na lang nga aalisan ng tingin ang anak mo. Kung maaari ay kahit saan ka magpunta ay isama mo. Pero huwag mo masyado ding ipahalata sa bayaw mo baka kasi magduda siya sa iyong kinikilos,” tugon naman ni Aida sa nag-aalalang kaibigan.
Kinagabihan ay napadaan sa kanilang bahay si Berta upang kuhain ang tupperware na ipinahiram niya sa ginang. Kahit nakiusap na si Salve sa kanya ay agad naman naikwento ito ni Aida sa kumareng si Berta “Sayo ko lang to sasabihin, ha? ‘Wag kang maingay sa iba. Naku, maselang isyu to.
Pero kasi si Kumareng Salve nagdududa doon sa bagong laya sa kulungan niyang bayaw. Baka daw mamaya ay kung ano ang gawin sa anak nyang si Addie. Kaya hayun at hindi niya inaalisan ng tingin yung bata. Sabi ko nga kahit saan siya magpunta ay isama niya.” pakiwari ng ginang.
“Ay oo nga! Nakakatakot naman ‘yang sinabi mo! Sana ay wala namang mangyaring masama sa kanila! Hayaan mo at hindi ko sasabihin kahit kanino!” pangako naman ni Berta kay Aida.
Hindi alam ng magkumare na natatanaw sila ng kanilang isang kumare na si Tere. Kinabukasan ay tinanong naman ni Tere si Berta. “Huy! Berta! Seryoso kayong nag-uusap ni Mareng Aida kagabi, ah? Parang sobrang importante naman nun. Pwede ko bang malaman kung tungkol saan ‘yun?” pag-uusisa ni Tere.
“Naku, wala ‘yun, mare, hayaan mo na ‘yun!” tugon naman ni Berta. Wala naman talagang balak ang ginang na sabihin kay Tere ang napag-usapan nila ng kanyang kumare noong isang gabi, kaso patuloy ang pangungulit nitong si Tere. “O, siya! Huwag kang maingay, ha! Naku, malalagot talaga ako nito!” nag-aalalang sambit ni Berta.
“Oo, hindi ko pagsasabi! Baliw ka! Lalagay ba naman kita sa alanganin?!” pambubuyo naman ni Tere sa kumare.
“Ito kasing si Salve, nagdududa daw siya don sa kapatid ng asawa niya na baka halayin yung anak niya. Natatakot siya kasi hindi ba bagong laya lang ‘yon! Kaya ayon, buntot-buntot lagi si Addie sa kanya.
Hindi nga daw masabi sa asawa kasi baka mag-away pa daw sila. Pero Diyos ko naman, mare! Nakakatakot ‘yun di ba? Kung ako ‘yun hindi ako papayag na sa’min muna makituloy. Kahit na sabihin mong napawalang sala na ‘yon may kasamaan pa rin ‘yon sa loob-loob ‘yon, sa tingin ko, ha!” kwento naman ni Berta kay Tere.
Sa gulat ni Tere ay agad niya itong naikwento sa kanyang asawa. Ang asawa naman niya ay naikwento naman sa kanyang mga kainuman noong gabi ring ‘yon. Narinig naman ang kwentuhan ng mganag-iinuman ng asawa ng mga kainuman habang nagluluto ng kanilang pulutan kaya nasabi sa kanyang biyenan at naikwento naman ng biyenan na ito sa iba niyang kasamahan sa baranggay.
Nagpasalin-salin ang kwento sa kung kani-kaninong mga dila at dahil nga dumaan ito sa ibat-ibang bibig ay nabago na ang tunay na istorya. Nagulat na lamang si Salve ng isang araw ay kumatok ang mga tauhan ng baranggay sa kanilang bahay kasama pa ang mga pulis. Hinahanap nila ang bagong layang si Randy, bayaw ni Salve. Gusto nila itong paanyayahan sa opisina upang imbestigahan tungkol raw sa panghahalay nito sa kanyang pamangkin na si Addie. Laking gulat nila sa kanilang narinig.
“Teka ho! Ano pong sinasabi ninyo? Hindi ko ho hinalay ang pamangkin ko! Hindi porket kakalabas ko lamang ng kulungan ay pagbibintangan ninyo na ako ng kung anu-ano!” giit ni Randy.
“Nakita raw mismo ng iyong hipag ang pangyayari, kaya nga raw hindi na niya mapakawalan pa ng tingin ang kanyang anak. Natatakot lamang daw siyang magsumbong sapagkat binantaan mo raw siya!” mariing sambit naman ng mga pulis.
“Mali ho ‘yang sinasabi ninyo. Wala po akong sinasabi na nakita ko mismo ang bayaw ko na hinahalay ang anak ko!” gulat na gulat na payahag naman ni Salve.
“Teka, magkalinawan nga po muna tayo kasi pare-parehas po tayong naguguluhan sa mga nangyayari, eh!” pilit na pinapakalma ni Salve ang lahat. “Sino ho ba ang nag-report sa inyo nito?” pagtataka ng
“Kalat sa buong lugar ang ginawa niyang bayaw mo sa anak mo. Ang nakakapagtaka nga ay imposibleng wala kang alam sapagkat sa’yo raw lahat ito nanggaling! Mabuti pa yata ay pumunta na tayo lahat sa baranggay at ipapakiusap namin kay Chairman na ipatawag ang lahat ng mga taong nakakaalam nito!” sambit muli ng pulis.
Sa opisina ng baranggay ay tinipon ang lahat. Hindi inaasahan ni Salve na makita ang dami ng taong nakakaalam tungkol sa gawa-gawang balita. Doon niya napagtanto ang sinabi niyang lihim kay Salve tungkol sa kanyang pangamba. Nang matunton naman ang pinagmulan ng istorya ay nagmula nga ito sa kanyang kumareng si Aida na una niyang sinabihan ng kanyang saloobin.
“Aida! Hindi ba, sinabi ko sa’yo na ayokong husgahan ang bayaw ko kaya nagmamatyag pa ako? Sinabi ko rin na maselang isyu ito. Kailangan naming pakiramdaman ang lahat sapagkat hindi naman namin siya lubusang kilala. Tignan mo ang nangyari sa ginawa mo!” galit na galit na wika niya sa kaibigan.
“Hindi ko naman alam na sasabihin din ni Berta sa iba. Siya lang naman ang pinagsabihan ko,” paliwanag ng ginang.
“Kahit pa! Lubusang kahihiyan itong dinala mo, Aida! Pinagkatiwalaan kita sa mga nararamdaman ko dahil wala akong mapagsabihan ngunit ipinagkatiwala mo rin sa pala sa madla ang mga sinabi ko sa’yo. Nagkamali ako na ikaw pa ang aking nasabihan!” nangaggalaiting sambit ni Salve.
Hiyang-hiya at lubusan ang paghingi ng tawad si Aida sa kanyang mga nagawa. Hindi niya alam na ang simpleng pagbabahagi niya ng ipinagkatiwalang sikreto sa kanya ay magbubunga ng isang malaking sigalot.
Humingi man siya ng paumanhin kay Salve sa lahat ng nangyari ay ayaw siyang patawarin ng ginang. Sa sobrang galit ay pinutol na rin ni Salve ang kaniyang pakikipagkaibigan kay Aida. Kahit kailan naman ay wala nang nagtiwala kay Aida ng kanilang sikreto sapagkat ayaw nilang matulad sa nangyari kay Salve.