Mainit na ang panahon pero mas mainit pa ang ulo ni Trina sa kaniyang asawa. Kakatapos lamang nilang mananghalian at binubulyawan na naman ng babae ang kaniyang mister.
“Tang*na talaga! Dapat hindi ako naghuhugas ng pinggan ngayon. Dapat nagbabasa ako, nag-aaral at higit sa lahat dapat dentista na ako!” sigaw ng babae habang naghuhugas siya ng mga pinggan.
“Hindi mo ba ako naririnig, ha, Dela Cruz?” sigaw pang muli ng babae.
“Ano na namang drama ‘yan? Nag-Facebook ka na naman tapos nakita mo ‘yong mga kaklase mo na mga dentista na ngayon kaya ka nagkakaganiyan. Ilang beses ko na bang sinabi sa’yo na hindi pare-parehas ang oras at swerte ng tao? Tsaka nasayang ba ‘yong hindi mo pagtatapos kung ang naging bunga naman ay ang napakagandang anak natin? Nagsisisi ka pa rin ba na nagmahalan tayo? Kailan ba magiging sapat ang pag-ibig ko sa’yo?” mabilis na sagot ni Bob Dela Cruz, ang mister ng babae.
“Kapag nakakain na natin ‘tong letch*ng libog natin! Kapag nakakabili na ng gatas ‘yong pag-ibig na sinasabi mo at kapag napagtapos ako ng anak natin! Dun lang magiging masaya ang buhay ko!” baling ni Trina sabay basag ng isang pinggan na siyang ikinasanhi nang pagkagising ng kanilang anak na labing isang buwang gulang na.
Mabilis na kinarga ni Bob ang sanggol at umiling na lamang siya sa misis. Sanay na siya sa ganitong drama ng kaniyang asawa. Ayaw na lamang din niyang patulan ito dahil aminado siya na kulang talaga ang ibinibigay niya para sa kaniyang pamilya. Malayo sa ipinangako niyang maayos na pamumuhay.
Magkaklase ang dalawa noon sa eskwela. Parehas na kumukuha ng kursong pagdedentista at hindi pa man din nila natatapos ang kurso ay kaagad na nabuntis si Trina kaya sabay silang tumigil. Ngayon ay umaasa sila sa tulong na ibinibigay ng kanilang mga magulang dahil hindi sapat ang kinikita ni Bob sa page-ekstra sa mga klinika.
“Huwag ka nang umalis. Iiyak na naman itong si baby kapag wala ka, eh,” malambing na wika ng lalaki.
“Bahala ka diyan!” baling ni Trina sa asawa.
Ganito palagi ang eksena nilang mag-asawa sa tuwing susumpungin ang kaniyang misis. Aalis ito at gabi nang babalik.
“Puny*ta, puny*ta ka, Bob!” isip-isip ng babae habang naglalakad siya papalayo sa kanilang tirahan.
“Wala na, girl. Kinain ka na naman ng realidad at ang masama pa niyan ay dinamay mo na naman ang mag-ama mo,” saad niya sa sarili. Aminado naman ang babae na nagsisisi siya pagkatapos niyang magalit sa asawa pero hindi talaga niya makontrol ang sarili. Parati na lamang siyang nauuwi sa paninisi kay Bob.
Sakto namang dumaan siya sa kaniyang paboritong klinika at nandoon din ang idolo niyang dentista. Napagpasyahan na muna niyang pumasok at doon magpalamig ng ulo.
“Dok, wala kang pasyente ngayon?” bati ni Trina sa babae.
“Wala pa. Mabuti nga at nang makapagpahinga naman ako. Ngalay na ngalay na ang mga braso ko sa dami ng pasyente kanina. O, ikaw ba’t nandito ka? Nag-away na naman kayo ng asawa mo?” tanong sa kaniya ni Dok Aivee.
Sikat ang doktor sa kanilang lugar. Bukod sa napakagaling nito sa kaniyang propesyon ay napakaganda rin ng babae. May gwapo at mayamang asawa at matalinong anak. Para kay Trina si Doktor Aivee ang kaniyang batayan ng pagiging isang matagumpay na babae.
“Ano pa nga ba, dok. Ang hirap. Nilamon na naman ako ng galit ko. Nakita ko na naman kasi ‘yong mga ka-batch ko. Sila ga-graduate na pero ako nganga. Anak at walang kwentang asawa lang ang meron ako,” madiing sabi ni Trina.
“Kaya parang ang labo na maging katulad ko kayo. Ikaw ‘yong idolo ko pero alam ko ring hindi ko na maaabot ‘yon. Inggit na inggit ako sa buhay mo, dok,” dagdag pa nito.
“Diyos ko pong bata ka. Bakit naman ako ang naging idolo mo? Wala kang dapat na ikainggit sa akin,” pahayag naman ng doktora.
“Eh, kasi iyong katulad ng buhay niyo po ang pinapangarap kong buhay. ‘Yong maayos na pamilya, marangyang buhay at higit sa lahat ay maging isang dentista,” sagot naman ni Trina rito.
“Bata ka pa nga talaga. Pero alam mo hindi mo dapat kinaiinggitan ano man ang nakikita ng mga mata mo dahil hindi mo naman talaga alam ang kuwento ng bawat tao o ng bawat bagay na hinihiling mong sana ay mayroon ka,” tugon ng doktora.
“Alam kong personal ito pero gusto kong malaman mo na wala kang dapat na ika-inggit sa akin. ‘Yung mister ko matagal ko nang alam na may babae pero natatakot akong sabihin sa kaniya kasi natatakot akong baka mawasak ‘yong pamilyang pinoprotektahan ko. ‘Yong anak namin? Hindi siya sa akin galing. Inampon lang naman siya kasi hindi ko kayang magka-anak,” wika ng doktora.
Halos malaglag naman ang panga ni Trina habang nakikinig sa babae.
“At itong klinika? Hanggang ngayon ay binabayaran pa sa bangko ang loan nito. Nakikita mo ba, Trina? Nakikita mo ba ang lahat ng hirap ko?” tanong sa kaniya ni Dok Aivee.
Hindi nakasagot ang babae sa kaniyang narinig. Tila sinampal siya habang may bagong bunot na ngipin sa sobrang sakit ng kaniyang nalaman.
“Hindi mo alam kung anong hirap ang tinitiis ko. Sa totoo lang ay inggit ako sa’yo dahil mahal na mahal ka ng asawa mo. Nasa punto ako ngayon ng buhay ko na kaya kong isakripisyo ang propesyon ko mahalin niya lang ako ulit,” malungkot na pahayag ni Doktora Aivee. Bahagya rin itong nagpunas ng luha.
“Kaya kung ano man ang meron ka ngayon ay ipagpasalamat mo, mahalin mo. Kung nagrereklamo ka sa buhay niyo tulungan mo ang asawa mo. Kung gusto mong magdentista pagsikapan mo. Hindi huminto ang mundo nung nagka-anak kayo at hindi lang din ikaw ang nagsasakripisyo. Kinalimutan din ng asawa mo ang pangrap niya at mas piniling bigyan kayo ng buhay. Matutunan mo sanang mahalin kung ano man ang mayroon ka ngayon, Trina, dahil baka bukas makalawa wala na ang lahat ng ito,” dagdag pa ng doktora.
Saglit na napaiyak si Trina sa kaniyang narinig at nahimasmasan ang kaniyang galit. Kaya mabilis niyang niyakap ang doktora tsaka ito umuwi ng bahay.
“Patawarin mo ako, Bob. Sorry kung sobrang naging makasarili ako at sobrang sakit kong magsalita. Hayaan mo simula ngayon ay magbabago na ako. Basta huwag ka sanang magbabago sa amin ng anak mo,” pahayag ni Trina sa mister.
Mabilis naman siyang niyakap din pabalik ni Bob at tsaka bumulong, “Mahal na mahal kita.” At mas lalo pang naluha ang babae.
Ngayon nagising si Trina sa katotohanan. Hindi niya pala kailangan pang mainggit sa buhay ng ibang tao dahil ang lahat ay may sariling kuwento.
Hindi nagtagal ay nakapag-aral ulit si Trina at nang makapagtapos siya ay pinag-aral naman niya si Bob. Ngayon ay parehas na silang denstista at mahal na mahal pa rin nila ang isa’t-isa.