Inday TrendingInday Trending
Tunay na Katauhan ng Bagong Yaya at Kasambahay

Tunay na Katauhan ng Bagong Yaya at Kasambahay

Halos dalawang taon ding napatigil si Maya sa trabaho para tutukan ang kanilang anak ni Fred. Nakakatayo at kumakain na ng maayos ang bata kaya napagdesisyunan na ng mag-asawa na maaari nang bumalik si Maya sa trabaho.

“Pa, sigurado ka ba riyan kay Ate Lanie ? Maayos ba talaga ‘yon sa bahay?” tanong ni Maya sa kaniyang asawa.

“Oo, si inang naman ang nagrekomenda sa kaniya kaya tiwala ako. Tsaka malakas pa raw kaya hindi tayo mahihirapan. Isa pa, mababa nga ang pasahod natin para sa pagiging katulong at bantay pa sa bata,” sagot ni Fred sa misis niya.

“Ayun na nga. Nakakapagtakang tinanggap niya ang alok kahit tatlong libo lang ang sahod,” baling ng babae.

“Eh, kasi wala na nga raw pamilya kaya namamasukan na lang. Walang uuwian at walang pinaglalaanan ng pera kay raw sapat na ang may matirhan siya,” sagot naman ni Fred rito.

Pagpatak pa lang ng isang taon ng kanilang anak ay agad na silang naghanap ng kasambahay ngunit dahil sa mas maarte pa nga raw ngayon ang mga katulong kaysa sa amo ay nahirapan silang makahanap.

“Magandang umaga po. Dito po ba ang bahay nila Fred at Maya?” tanong ng isang babae na nakatayo sa may gate ng mag-asawa.

“Ay, opo. Sino po sila?” sagot naman ni Maya habang karga ang kaniyang anak na si Fred Jr.

“Ako po si Lanie. ‘Yong mamamasukan pong kasambahay sa inyo,” wika ng babae.

Saglit na napalunok ng laway si Maya dahil ang sabi sa kaniya ng lola ni Fred ay matanda na raw ang kanilang magiging kasambahay pero napakabata ng kaniyang nasa harapan.

“Ito po pala ang ID ko,” dagdag pa ng babae.

“Saglit lang po, ha,” sagot ni Maya at mabilis na tinawag ang nanay ni Fred.

“Inang, sabi niyo 50 anyos na ‘yong Lanie, eh, bakit ang bata po ng nandito sa labas ng bahay ko?” mahinang sabi ng babae sa telepono.

“Mukha lang bata ‘yan pero si Lanie ‘yan. Kuhanin mo ‘yong pinabibigay kong pasalubong para makasigurado kang dito sa atin galing ‘yan,” sagot naman ni Inang Delia, ang lola ni Fred.

Ibinaba na ni Maya ang telepono at kinuha ang pasalubong. Inilabas ni Lanie ang paboritong lutong paksiw na bangus ng babae kaya naman napaniwala na si Maya na ito nga si Lanie. Sa unang tingin ay mapagkakamalan mong nasa 38 anyos lamang ito. Bukod kasi sa napakagandang pangangatawan ng ale ay nakapaganda rin ng mukha nito.

“Pasensya na po kayo kung hindi ko kayo pinapasok kaagad. Ang sabi kasi sa’kin ay nasa 50 anyos na raw kasi ‘yong darating. Eh, mukha lang po kayong 35 anyos,” bati ni Maya sa babae.

“Ikaw naman, Maya, niloloko mo pa ako. Pero marami ngang nagsasabi sa akin niyan. Basta’t huwag ka lang mahihilig sa kung anu-anong pampaganda ay hindi talaga masisira ang mukha mo. Oo nga pala, nasaan si Fred?” saad ni Lanie.

“Nasa trabaho po. Tuloy na po kayo at magpahinga po muna kayo. Sa isang linggo pa naman ang simula ko sa trabaho kaya magkakasama pa po tayo rito sa bahay. Para masabi ko na rin po ‘yong mga ayaw ko at ayaw ng asawa ko,” wika ni Maya sa babae.

“Ito naman si Maya mukhang mitikolosa ka. Hayaan mo. Hindi ako magiging sakit sa ulo sa’yo at isa pa’y aalagaan ko ang bulinggit na ito,” sagot sa kaniya ni Lanie sabay buhat sa bata.

Laking gulat naman ni Maya nang sumama kaagad ang bata sa ale, “Lakas ng espiritu sa bata,” isip-isip pa nito.

Makalipas ang ilang araw ay nakabisado na kaagad ni Lanie ang mga bilin sa kaniya ni Maya na siya namang labis na ikinatutuwa ng babae. Pakiramdam niya ay may nanay sila na nasa bahay kaya napakagaan ng mga gawain. Hindi na kailangan pang sabihan ang ale. Nagluluto ito ng maaga at napakasipag sa bata.

“Ate Lanie, kahit po hindi kayo masyadong maglinis ng bahay, ha. Basta’t lagi niyo po sanang unahin si Junior. Kami na po ang bahala sa kalat at naiintindihan naming napakalikot ng anak ko,” wika ni Fred habang sila ay kumakain.

“Wala ‘yon, Fred,” maiksing sagot ni Lanie sa lalaki sabay ngiti rito.

Lumipas pa ang ilang buwan at naging maayos ang pagsasama nilang lahat sa bahay. Walang masabi si Maya sa linis, sipag at tiyaga ni Lanie pagdating sa kaniyang trabaho. Malapit na rin ito sa kaniyang anak at maging sa kaniyang asawa.

Ngunit may isang bagay lamang siyang pinagtatakhan sa babae. Palagi niyang nahuhuli itong tinititigan ang litrato ng kaniyang mister. Palagi rin itong nagtitingin ng kanilang album at laging binabati si Fred na napakagandang lalaki nito.

Hanggang sa isang gabi ay lumabas si Maya ng kwarto para kumuha ng tubig at naabutan niyang umiiyak si Lanie sa salas habang hawak ang litrato ng kaniyang asawa.

“Ano hong ginagawa niyo sa litrato ng asawa ko?” malakas na tanong ni Maya. “Kinukulam niyo ba ang asawa ko? May gusto kayo sa asawa ko? Bakit niyo iniiyakan ang litrato niya? Ang tanda-tanda niyo na may balak pa kayong maging kabit ni Fred at sa bahay ko pa talaga? Ngayon pa lang ay pinapalayas ko na po kayo!” dagdag nito at mabilis na tumayo si Lanie.

“Maya, hindi. Mali ka nang iniisip. Huwag mo akong pagbintangan ng ganiyan,” sagot sa kaniya ni Lanie.

“Akala niyo ho ba ay hindi ko napapansing lagi niyong tinititigan ang litrato ng asawa ko. Tapos kapag nandito si Fred ay grabe ang mga tingin niyo. Ayaw ko ho sanang mambastos kasi matanda na kayo pero kung sisirain niyo lang ang pamilya ko ay mas mabuting umalis na kayo. Ngayon na!” baling ni Maya sa babae.

“Maya, hindi. Patawarin mo ako kung nagkaroon ka ng ganiyang interpretasyon. Pero hindi ko kayang umalis. Ayaw ko nang umalis dito,” lumuluhang saad ni Lanie.

“Hindi niyo ho ako madadala sa pagi-yak…”

“Anak ko si Fred. Ako ang tunay na nanay ni Fred,” mabilis na sabi ni Lanie na siya namang kinagulat ni Maya.

Bumagsak ang selpon na hawak ni Fred. Nakatayo pala ito sa likuran ni Lanie at narinig niya ang pagtatalo ng dalawa.

“Fred, anak? Patawarin mo ako. Patawarin mo ako, Maya. Hindi ko gustong manggulo pero ako ang nanay mo, Fred. Iniwan kita kay Inang Delia nung bata ka pa at umalis ako patungong Japan. Hindi na ako nakabalik pa dahil naging nobya ako ng isang yakuza. Hindi niya ako pinayagang makauwi kaya naman hindi na kita nabalikan pa. Pat*y na ngayon ‘yong hayop na ‘yon kaya nakauwi na ako. Alam ni Inang Delia ang lahat ng ito at ako rin ang nagsabi sa kaniya na huwag ipaalam sa’yo. Natatakot akong hindi mo ako matanggap, anak,” paliwanag ni Lanie na labis na ikinagulat ni Fred.

“Umalis na lang po muna kayo,” maiksing sagot ng lalaki.

Walang nagawa si Lanie kung ‘di ang mag-alsa balutan.

Kaagad namang umuwi si Fred sa kaniyang Inang Delia upang tanungin kung totoo ang kinuwento sa kaniya ni Lanie.

“Oo, totoo ang lahat ng iyon, apo. Nahihiya siya sa’yo kaya naman mas ginusto na lamang niyang maging kasambahay niyo. Sa pamamagitan daw nun ay makakasama ka pa rin niya,” wika ng lola ni Fred.

“Eh, bakit sabi niyo sa akin nun ay pat*y na siya?” tanong ni Fred.

“Eh, kasi nga hindi na siya nakapagparamdam. Inisip ko na baka napug*tan na ng ulo ng yakuza kaya naman lumaki kang walang magulang. Ang tatay mo naman ay hindi kilala ng nanay mo at alam mo rin namang hindi kita kadugo. Pero kung ako sa’yo, apo, patawarin mo ang nanay mo at bigyan mo ng pagkakataong maging nanay siya sa’yo. Kung hindi mo matangap, eh, ‘di bilang katulong na lang. Gusto ka lang maalagaan nun,” pahayag ng matanda.

Hindi nakapagsalita si Fred at napuno ng luha ang kaniyang mukha. Ang tagal niyang pinangarap na makilala ang kaniyang nanay at hindi niya alam na matagal na pala niyang nakakasama ito. Kaya pala napakagaan ng loob niya kay Lanie at maging ang anak niyang si Fred Jr.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Fred at mabilis niyang pinatawad ang kaniyang ina.

“Anak, salamat dahil kahit na napakalaki ng pagkukulang ko sa’yo ay nagawa mo pa rin akong patawarin,” wika ni Lanie kay Fred.

“Aanhin ko ‘yong galit kung hindi naman ‘yon makakapagbigay ng aruga sa akin ng isang ina. Kung ang Diyos nga ay nakakapagpatawad, ako pa kaya? Tsaka ayaw ko ng sayangin ang mga araw na hindi ko kayo makasama. Ngayon pang alam ko na kung gaano kasarap ang may nanay na nag-aalaga sa akin,” sagot ni Fred dito.

Nagyakap silang mag-ina at yumakap na rin sina Maya at ang apo ni Lanie. Ngayon ay isa na silang masayang pamilya.

Advertisement