Inday TrendingInday Trending
Sinungaling ang Pamilya Mo!

Sinungaling ang Pamilya Mo!

Halos limang taon ding nagtrabaho si Bryan sa Saudi bilang isang cook. Iniwanan niya ang kaniyang pamilya na nakasandal sa kaniya at ang kaniyang mag-ina na ngayon ay wala na sa kaniyang pangangalaga.

“Elaine, baka naman puwede kong makuha ‘yong bata? Kahit isang linggo lang dito sa bahay,” paalam ng lalaki sa dati niyang kinakasama.

“Bryan, hindi tayo kasal. Wala kang karapatan sa bata. Kung gusto mo dumalaw ka na lang dito sa amin pero ayaw ko nang ipahiram siya sa inyo lalo pa’t hindi naman ako diyan matutulog. Ayaw kong lumalaki siya na palipat-lipat ng bahay dahil ngayon ko pa lang ipinapaliwanag sa kaniya na hiwalay na tayo,” sagot ng babae.

“Mayabang ka na talaga. Hihiramin ko lang ‘yong anak ko ang dami-dami mo nang sinasabi? Sino bang ipinagmamalaki mo? ‘Yong lalaki mo?” baling ni Bryan sa telepono.

“Ilang beses ko bang ipapaliwanag sa’yo na hindi ako nanlalaki at mas lalong wala akong lalaki. Hindi totoo ang lahat ng mga kuwentong ginawa ng pamilya mo tungkol sa akin. Ayaw na nila sa akin dati pa man kaya ginawa nila ang lahat ng paraan para magkahiwalay tayo. Ikaw naman itong si walang paninindigan at tiwala sa akin naniwala ka sa kanila. Nandito ka na sa Pilipinas. Bakit hindi ka mag-imbestiga nang malaman mo kung ano ‘yong totoo,” sagot ni Elaine sa lalaki.

“Ang dami mong sinasabi! Hindi kita papaniwalaan at mas papanigan ko ang pamilya ko dahil kahit bumaliktad man ang mundo mas malapot pa rin ang dugo kaysa sa tubig. Magpakasiya ka na ngayon, Elaine, dahil kukuhanin ko ang bata sa’yo kahit anong mangyari,” pahayag muli ni Bryan.

Dating magkasintahan ang dalawa. Halos dalawang taon din bago nabuntis ang babae. Mahal na mahal nila noon ang isa’t isa at kahit na ayaw ng mga magulang ni Bryan kay Elaine dahil may ibang babae silang gusto para sa kanilang anak ay wala silang nagawa kung ‘di tanggapin ang babae. Pinatira na rin nila si Elaine sa kanilang pamamahay.

Nang makapanganak si Elaine agad namang lumipad si Bryan patungo sa ibang bansa. Panganay kasi ang lalaki at siya na lang ang inaasahan ngayon ng kaniyang mga magulang lalo na’t nawalan ng trabaho ang kaniyang ama nang malamang pumasok ito sa trabaho na lango sa ipinagbabawal na gamot.

Ang kaliwa’t kanang away nila noon ay mabilis na nareresolbahan ngunit nagbago ang lahat nang umalis si Elaine sa poder ng magulang ni Bryan at bumalik ang babae sa kaniyang nanay kasama ang kanilang anak.

“Hoy, Elaine, tumawag na ko sa programang Nasa Panig Mo Ang Batas. Kukuhanin ko ang anak ko at tutulungan ako ni Atty. Heron!” saad ni Bryan na bigla na lang lumitaw sa labas ng bahay nila Elaine.

“Ang kapal naman talaga ng mukha mo, Bryan! Ikaw pa talaga ang may ganang humingi na tulong sa programa ni Atty. Heron. Ikaw ba ang inapi rito? Hindi tayo kasal kaya kahit anong gawin mo ay hindi mapupunta sa’yo ang anak natin!” sigaw ni Elaine at mabilis na isinarado ang pinto.

“Gusto mo pa talagang magpatawag ako ng media para lang mapahiya ka sa buong mundo. Ano bang ipapakain mo riyan sa anak ko, eh, promodiser ka lang naman. Tapos sinong nagbabantay sa anak ko kapag wala ka? ‘Yong nanay mong napakagrabe kung mamalo? Wala kang kwentang nanay, Elaine!” bulyaw muli ng lalaki.

Sakto namang dumating ang nanay ni Elaine na may kasamang barangay tanod.

“O, nandito na pala ‘yong nanay mo sa labas. May dalang mga bobong backup,” mayabang na bati ni Bryan.

“Nandito na pala ‘yong dating tinuring ko na anak pero pinabayaan lang ang anak ko. Anong ginagawa mo rito? Bakit ka nanggugulo? Gusto mong makuha ang bata? Puwes para sabihin ko sa’yo wala kang karapatan dahil hindi kayo kasal ng anak ko at malinaw sa batas na kung hiwalay ang mga magulang ang bata ay dapat nasa pangangalaga ng kaniyang ina hanggang ito ay nasa edad na pitong taong gulang,” matapang na pahayag ni Aling Divine, ang nanay ni Elaine.

“At malinaw rin ho sa batas na kapag ang nanay ay walang kakayahang buhayin ang bata ay sa tatay mapupunta kahit hindi kasal. Isa pa, ipapahuli ko rin kayo dahil namamalo kayo ng apo. Pinapalo niyo ang anak ko!” bulyaw ni Bryan sa ale.

Nag-iisang anak lamang si Elaine at matagal na ring biyuda ang nanay ng babae. Itinaguyod ni Aling Divine ang kaniyang anak sa pamamagitan ng pagtitinda sa palengke at dahil sa pagod at dala na rin ng katandaan ay naging maiksi ang pasensya nito at aminadong napagbubuhatan niya ng kamay ang kaniyang apo na limang taong gulang na. Pero hindi naman niya ito binubugbog dahil ito ay pawang pagdidisiplina lamang.

“Bryan, tama na. Bastusin mo ko kung gusto mo huwag lang ang nanay ko. Hindi mo alam kung anong sakripisyo ang ginagawa niya para sa amin. Gusto mo ba talagang malaman kung bakit bigla na lang akong umalis sa bahay niyo? Gusto mo ba talagang sa akin manggaling?” galit na wika ni Elaine at lumabas siya ng bahay tsaka tumayo sa harapan ng kaniyang nanay.

Mabuti na lamang ay nasa eskwelahan ang kaniyang anak kaya naman hindi nito alam ang gulong idinudulot ng kaniyang ama.

“Kasi gusto mong sa’yo dumaan ang perang padala ko. Gusto mo na bumukod tayo kasi gusto mong solohin ‘yong sinasahod ko. Ano bang akala mo sa akin? T*nga?” sagot kaagad ng lalaki.

Mabilis na sinampal ni Elaine ang dating lalaking mahal na mahal niya, ang lalaking pinangarap niyang makasama habang buhay.

“Ilang beses akong binalak gapangin ng tatay mo!” sigaw ni Elaine at bumagsak ang kaniyang mga luha.

“Ilang beses kong nagawang lumaban. Ilang beses kong sinabi sa’yo na aalis na lang ako pero hindi mo ako pinakinggan. Hindi mo ako pinagkatiwalaan. Kahit itanong mo pa sa tatay mo! Pinilit ko ‘tong itago dahil gusto kong piliting sagipin ‘yong relasyon natin pero wala. Mas naniwala ka sa mga sinasabi nila na may iba akong lalaki kaya ako umalis,” dagdag pa nito.

“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin ‘yan, anak?” umiiyak na tanong ni Aling Divine. “Kasi ayaw ko ng gulo, mama. Sorry po kung tinago ko ‘to pero hindi ko na kayang pagtakpan pa ang kahay*pan ng tatay niya lalo na at binabastos ka nitong hay*p na ‘to,” sagot naman ni Elaine sabay duro kay Bryan.

Hindi makapaniwala ang lalaki at mabilis siyang umalis. Sumagi na sa isipan niya ang bagay na iyon pero dahil walang nakakarating sa kaniyang balita ay mas pinaniwalaan niya ang mga sinasabi sa kaniya ng magulang.

Mabilis lang ding nalaman ni Bryan ang totoo dahil ang tatay na niya mismo ang umamin sa kaniya. Dahil sa lango ito sa ipinagbabawal na gamot ay muntik na nitong hal*yin si Elaine. Halos pat*yin ni Bryan ang ama nang malaman nito ang katotohanan kaya bago pa siya makagawa ng bagay na kaniyang pagsisisihan ay siya na mismo ang nasumbong sa mga kinauukulan upang mapadala sa rehab ang kaniyang ama.

“Elaine, patawarin mo ako. Alam kong ang dami nang masasakit na nangyari sa pagitan natin at sa pamilya natin. Pero sana ay maging magkaibigan pa rin tayo kahit para na lang sa bata kung hindi mo na talaga ako matatangap pa. Ako ang mali. Ako ang nagkulang kaya sana patawarin mo ako,” saad ni Bryan sa babae.

“Pinapatawad na kita, Bryan,” maiksing sagot ni Elaine at tsaka sila nagyakapan.

Napagtanto ni Bryan na hindi ka dapat basta-basta naniniwala sa sinasabi ng iba kahit pa sa sarili mong mga magulang. Dapat ay alamin mo muna kung ano ang katotohanan bago mamili ng papanigan. Ano’t ano pa man ay dapat kang pumanig sa kung ano ang tama.

Ngayon ay nagsisimula ulit ang lalaki na ligawan si Elaine at ang kaniyang anak. Aminado naman kasi siyang nalason ang kaniyang isipan noon pero mahal pa rin niya ang babae at gagawin niya ang lahat para muling maibalik ang tiwala at pagmamahal sa kaniya ni Elaine at para mabuo ulit ang kaniyang pamilya.

Advertisement