Inday TrendingInday Trending
Pinaglalabanang Korona

Pinaglalabanang Korona

“Naku, siya na naman ang nanalo, noh! Eh, hindi naman siya kagandahan! Paano natawag na beauty pageant ito kung mukhang galunggong ang nanalo? Hindi makatarungan!” reklamo ni Maribeth habang nakaharap sa salamin at tinatanggal ang kaniyang makeup.

“Oo nga, eh. Alam mo, mars, dapat talaga ikaw ang nanalo. Sa ganda mong iyan tapos ang seksi mo pa doon sa suot mong orange na swimsuit! Litaw na litaw ang kaputian mo! Samantalang ‘yong nanalong si Gloria ay mukhang pampahid sa pwet ang suot! Ano ba naman iyan!” dismayadong alma ni Mildred, matalik na kaibigan ni Maribeth.

“Malakas kasi ang kapit sa mga judge nun! Hindi ba usap-usapan sa school na may nangyari sa kaniya at doon sa dalawang judge?” nguso ni Maribeth na ikinagulat naman ng kaniyang kaibigan. “Talaga? Hindi ko nabalitaan iyan! Totoong dalawa sa mga judge?” paninigurado ng kaibigan tsaka napainom ng tubig sa gulat.

“Oo, mars! Pinagsabay niya pa nga raw, eh. Nakakadiring babae, ano? Dapat talaga ako na lang ang nanalo, eh. Malinis na maganda pa! Eh, ‘di sana may pang-manicure na tayo ngayon. Nakakainis! Malalagot talaga sa akin iyang babaeng ‘yan sa susunod na taon!” inis na sigaw ni Maribeth.

Kilalang kontesera ang dalagang si Maribeth. Lagi niyang kasa-kasama sa anumang pageant ang kaniyang matalik na kaibigan. Lagi itong nakasuporta sa bawat laban niya.

Ngunit tila hindi nila matanggap ang kinalabasan ng sinalihang patimpalak ni Maribeth. Dalawang magkaibang pageant na ang sinalihan ng dalagita at sa parehong patimpalak ay natalo ito ni Gloria, ang babaeng kilala bilang isang kaladkarin sa kanilang school. Kaya naman labis ang panggagalaiti nila rito.

“Sa susunod na pageant nga magpapagalaw na rin ako sa mga judge para manalo ako.” parinig ni Maribeth kay Gloria nang minsan itong napadaan sa harapan niya.

Bahagya namang napatigil si Gloria sa paglalakad ngunit nagpatuloy rin ito ‘di kalaunan.

Naghagikgikan naman ang mga taong nakarinig sa pasaring ng dalaga.

Lumipas ang mga buwan na palaging ganoon ang ginagawa ni Maribeth tuwing napapadaan si Gloria sa kaniyang harapan o sa tuwing nakakasalubong niya ito. May pagkakataon pa ngang nilalapitan niya ito sa canteen para ipahiya lang.

Hindi naman pinapatulan ni Gloria ang dalaga. Tuwing ipinapahiya siya nito ay nakatungo lang siyang lumalayo.

Dumating na nga ang buwan kung saan magkakaroon ulit ng patimpalak malapit sa kanilang paaralan. Ibang patimpalak ito sa sinalihan nila Maribeth at Gloria noong nakaraang taon kaya sigurado si Maribeth na sasali muli ang kaagaw niya sa korona na si Gloria. Ngunit laking gulat ng dalagita nang makita niya ang listahan ng mga kontesera. Wala doon ang pangalan ng dalaga.

“Excuse me po, wala po bang Gloria Hernandez na sumali?” tanong ni Maribeth. Kasama ng dalaga ang kaibigan niyang si Mildred.

“Ah, si Gloria. ‘Yong nanalo noong huling pageant? Hindi raw, eh. Ang alam ko tuluyan na siyang na-admit sa ospital. ‘Yong batang iyon kasi alam na nga may sakit siya sige pa rin sa pagsali. Para raw may dagdag panggastos siya kung sakaling bumigay na ang katawan niya. Ayan, nangyari na nga.” kuwento ng isang babaeng namamahala sa nasabing pageant.

Bahagya namang tumigil ang mundo nina Maribeth at Mildred sa narinig na balita. Halos manlumo si Maribeth nang maalala niya kung paano niya ipinahiya at hindi trinato ng maayos si Gloria. Napag-alaman rin nila na hindi totoo ang usap-usapan tungkol sa dalaga. Kaya pala malapit ito sa mga judge ay dahil tinutulungan siya ng mga ito sa kaniyang karamdaman.

Noong araw ding iyon ay napagdesisyunan ng magkaibigan na puntahan sa ospital ang dalaga upang humingi ng tawad. Napagtanto nilang mali talaga ang kanilang ginawa sa babae dahil may sakit na nga ito inaapi at ipinapahiya pa nila sa ibang estudyante.

Pagdating nila sa ospital ay tumambad sa kanila ang maputlang mukha ni Gloria na nakahiga sa kama at maraming nakakabit na aparato sa katawan. Sakto namang pagdating nila ay gising ito kaya sinulit nila ang pagkakataon upang makahingi ng tawad. Napaiyak na lamang ang dalaga nung humingi ng kapatawaran ang mga nang-api sa kaniya.

“Wala na iyon. Ang mahalaga ay napagtanto niyong mali ang ginawa niyo. Sana wala ng estudyante ang makaranas noon. Hindi kasi madali. Sobrang bigat sa pakiramdam. Sana maging sensitibo kayo dahil lahat ng tao ay mga itinatagong giyera sa loob ng puso’t isip nila at ‘yong ginagawa niyo ay maaaring makapagpalala sa dinadamdam niya.” mahinang sambit ni Gloria. Halatang pinipilit lamang nitong magsalita.

Tila lumuwag ang pakiramdam nina Maribeth at Mildred nang makahingi na sila ng tawad sa dalaga.

Lumipas ang apat na buwan tuluyan nang gumaling si Gloria. Naging malapit na siya sa dalawang magkaibigan. Sa katunayan ay palagi na silang magkakasama sa lahat ng bagay pati na rin sa pagsali sa mga beauty pageant.

Ang kagandahan lamang ngayon, manalo man o matalo, buong puso na itong tinatanggap ng dalagang si Maribeth at ng kaibigan nitong si Mildred. Kung manalo man si Gloria ay iba na ang lumalabas sa bibig ng dalaga. “Karapat-dapat sa iyo ang koronang iyan dahil malinis ang iyong puso at tunay na kagandahan ang mayroon ka sa iyong pagkatao.”

Madaling manghusga ng tao ngunit tunay na nakakapagsisi kung ang hinuhusgahan mo ay isang mabuting tao.

Advertisement