Inday TrendingInday Trending
Pagtulong Kahit Pa Kapos sa Buhay

Pagtulong Kahit Pa Kapos sa Buhay

“Tay, may sampung piso ka ba dyan? Wala po kasi akong baon. May babayaran pa po kaming photocopy sa school,” daing ni Janine, anak ni Mang Moses. Napababa naman sa inuupuang pedicab ang lalaki.

“Naku, Anak. Wala pa akong pasada ngayon eh. Ito o, limang piso. Ayos lang ba na idaan ko na lang sa klase mo mamaya ang kulang sa baon mo? Maghihintay muna ako ng pasahero,” sambit ni Mang Moses habang inaabot sa anak ang limang pisong barya.

“Huwag na po Tatay, ayos lang naman po kahit ito lang ang baon ko. Sa bahay na lang po siguro ako kakain mamaya. Maaabala pa po kayo eh, imbis na tuloy-tuloy na po kayong namamasada,” sagot naman ng batang babae. Ngiting-ngiti pa ito na para bang gusto niyang bigyang pag-asa ang ama.

“Salamat, Janine ha. Sa murang edad mo, palagi mong naiintindihan ang sitwasyon natin. Hayaan mo, gagawin ni Tatay ang lahat makapagtapos ka lang. Basta ipangako mo, iaahon mo kami sa kahirapan ha?” tanong ni Mang Moses

“Opo naman, Tatay! Bibili ko kayo ng bahay at lupa. Kotse rin ba? Saka eroplano?” biro ni Janine, napatawa naman ang kaniyang tatay dito. Mayamaya pa, nagdesisyon na rin itong umalis at pumasok sa eskwela.

Isang pedicab driver si Mang Moses. Bata pa lamang ang kanyang bunsong anak na si Janine nang pumanaw ang kaniyang asawa dahil sa sakit sa obaryo. Labis siyang naaapektuhan sa pangyayaring ito. May pagkakataon pa ngang nais niya na ring mawala, ngunit palagi niyang nakikita ang ngiti ng dalawa niyang anak sa tuwing aakmain niyang magpakatiwakal.

Ang dalawang anak na babae niya na lamang ngayon ang tila nagpapalakas sa kaniya, ngunit sa kasamaang palad, napaaga ang pag-aasawa ng kaniyang panganay na anak. Sa edad na trese anyos, nabuntis na ito at sumama na sa kaniyang nobyo. Wala naman siyang magawa dahil sumbat nito, “Ni hindi niyo nga ako mapakain ng tatlong beses sa isang araw tapos pipigilan niyo ako sa gusto ko?” kaya naman kahit na parang tinapakan ang kaniyang puso sa mga katagang ito, wala na siyang nagawa kundi hayaan ito.

Pinagtutuunan niya na lamang ngayon ng pansin ang kanyang bunsong anak na pursigido sa buhay. Ika niya nga, hindi niya hahayang pati ito ay mapariwala pa sa buhay.

Isang araw pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ng kanyang anak, pabalik na sana siya sa kanilang toda nang mapansin niyang may tila isang matandang pulubi ang bumagsak.

Dali-dali niya itong nilapitan at tinanong, “Ayos lang po ba kayo?” ngunit hindi ito sumasagot at tila nag-aagaw buhay na. Kahit pa bente pesos lamang ang dala niyang pera at hindi niya ito kilala, hindi siya nagdalawang isip na isugod ito sa ospital.

Mabilis siyang nagpedal at pagdating nila sa ospital, agad niyang ipinasok ang matanda. Buong akala niya’y hindi sila papansinin dahil nga sa itsura nila ngunit nagulat siya nang biglang kinuha sa bisig niya ang matanda at natataranta lahat ng nars at doktor na andoon, “Si Mr. Sy, dalian niyo!” sigaw ng doktor.

Hindi man niya maintindihan ang mga pangyayari, matiyaga siyang naghintay sa labas ng emergency room hanggang sa may lumapit sa kanyang isang lalaki, maganda ang suot nitong damit, tila may kaya sa buhay.

“Kayo po ba ang nagdala dito sa Daddy ko?” tanong nito.

“Nagkakamali ka yata. Yung matandang pulubi yung dinala ko dito hijo,” tugon niya

“Ah hindi po, siya po talaga ang tatay ko. Hindi po siya pulubi, gusto niya lang talaga maglakad-lakad at magsususuot kung saan saan kaya siya madumi palagi. Lagi ring tumatakas sa bahay. May katandaan na kasi talaga siya, pero siya po ang may-ari ng ospital na ito.

Maraming salamat po ha, kung hindi niyo siya agad nadala dito, baka wala na siya,” kwento naman ng lakaki saka siya inabutan ng isang sobre. Nagulat naman siya sa mga nalaman pati na rin nang buksan niya ang sobre na naglalaman ng malaking halaga.

“Balik po kayo dito bukas ng umaga, gusto ko pong tulungan kayo. Asikasuhin ko po muna si Daddy ha? Mag-ingat po kayo sa pag-uwi!” pagpapaalam pa nito, naiwan naman si Mang Moses na tulala at halos mapaiyak sa tuwa.

Kinabukasan, pumunta nga siya ulit sa nasabing ospital. Doon niya niakwento sa lalaki ang buhay niya. Binigyan siya nito ng trabaho sa ospital at ipinangakong susuportahan ang pag-aaral ng kaniyang bunsong anak.

“Maraming salamat hijo! Hulog ka ng langit!” iyak ni Mang Moses

“Utang ko po sa inyo ang buhay ng daddy ko. Asahan niyo pong babawi ako sa inyo!” nakangiting ika nito saka siya tinapik-tapik sa likuran.

Magmula noon, sinagot ng lalaki ang pag-aaral ni Janine hanggang sa tumungtong ng kolehiyo. Nagtatrabaho si Janine ngayon sa ospital bilang isang nars. Balak niyang ituloy pa ang pag-aaral at kumuha mg medisina upang ng sa ganoon ay maraming siyang matulungan kapag naging isang ganap na doktor na siya.

Walang pinipili ang pagtulong, mahirap ka man o mayaman, wala ka mang sapat na pera sa bulsa o meron, basta’t buo ang puso mong tumulong, asahan mong nag-uumapaw na biyaya ang iyong matatanggap.

Advertisement