Inday TrendingInday Trending
‘Di Inaasahang Bagong Sandigan sa Buhay

‘Di Inaasahang Bagong Sandigan sa Buhay

“Teresa, ang totoo kasi niyan hindi na ako masaya sa relasyon natin. Sa katunayan nga ay may iba na akong kinakasama,” walang pag-aalinlangang pangungumpisal ni Pedring sa kaniyang asawa. Unti-unti namang napaluha ang babae dahil sa sakit na naramdaman sa mga narinig na salita.

“Ano? Seryoso ka ba sa sinasabi mo, Pedring? Kaya ba minsan ka na lang umuwi dito? Kaya ba ayaw mo nang makasiping ako? Pedring, naman. Paano naman ang mga anak natin? Paano na ako?” sunud-sunod na tanong ni Teresa. Patuloy pa rin ang pagtulo ng kaniyang luha.

“Eh, ‘di dito pa rin kayo sa bahay ko. Mahal ko ang mga anak natin pero ikaw hindi na. Asahan mo na uuwi na ako palagi. Dito ko na kasi papatirahin ang bagong asawa ko. Ang alam niya ay wala akong pamilya, ha. Huwag kang maingay,” babala ng lalaki.

Tila pinagsakluban ng langit at lupa ang babae sa mga narinig. Para bang dinudurog ang kaniyang puso sa mga sinasambit ng asawa.

“Ang lakas naman ng loob mong sabihin ‘yan, Pedring!” sigaw ni Teresa. Hindi niya na napagilan ang sarili. Napaluhod na rin siya dahil sa panghihina ng kaniyang mga tuhod.

“Malamang! Ako ang nagpapalamon sa inyo! At gagawin ko ang lahat ng gusto ko! Wala ka nang magagawa kung hindi na kita mahal. Kaya kung ako sa’yo kung gusto mo pang may sumuporta sa mga anak mo manahimik ka diyan. Wala na akong pakialam sa sakit na mararamdaman mo. Naiintindihan mo?” galit na sambit ni Pedring tsaka padabog na umalis ng silid.

Sampung taon nang kasal sina Teresa at Pedring. Mayroon na rin silang dalawang anak, isang babae at isang lalaki. Buong akala ni Teresa ay masaya at kuntento ang kaniyang asawa dahil nga may mga anak na sila ngunit napapansin niyang tila nag-iba ang mga kilos nito.

Hanggang sa umamin na nga ang asawa niya na mayroon na itong kinakalantaring ibang babae na labis na nagpadurog sa puso niya. Hindi niya alam ngayon kung anong gagawin lalo na’t maninirahan pa ang kabit nito sa kanilang bahay. Makikita niya kung paano sila maglambingan habang patago siyang nasasaktan.

Dumating na nga ang kinakatakutang pangyayari ni Teresa na dudurog sa kaniyang puso dahil kinabukasan ay agad na inuwi ng kaniyang asawa ang bagong nitong babae.

“Ah, Cecilia, ito nga pala si Teresa, katulong ko dito,” pagpapakilala ni Pedring. Wala namang nagawa si Teresa kung ‘di yumuko. “Nandoon naman ang mga anak niya. Huwag kang magtataka kasi daddy ang nakasanayang tawag sa’kin ng mga anak niya” bulong pa nito sa kaniyang babae. Tumango lamang ito at ngumiti.

Lumipas ang mga araw na lagi na lamang patagong umiiyak so Teresa sa dati nilang silid ng asawa. Palagi niyang nakikita kung paano alagaan ng kaniyang asawa ang bago nitong babae. Katulad na katulad kung paano siya nito alagaan at pagsilbihan noong bagong kasal sila. Labis na pagseselos at galit ang kaniyang nararamdaman.

Ngunit isang araw nagulat na lamang siya pagkaalis ng asawa niya. Dumiretso ang babae nito sa kaniyang silid.

“Ate, ayos ka lang ba? Malimit kasi kitang naririnig na umiiyak. Minsan nakikita kitang nakatingin sa akin tapos pupunta ka dito para umiyak. May nagawa ba ako sa’yo, ate?” tanong ng dalaga. Bigla namang napatingin sa malayo si Teresa. “Wala, Cecilia,” matipid na sagot ng babae.

“Ate, sabihin mo na po. Pangako tatanggapin ko lahat. May iba na kasi akong nararamdaman sa pamamahay na ito at alam ko na may kakaibang nangyayari na dapat kong malaman,” nag-aalalang pahayag ng dalaga.

“Cecilia, hindi ako katulong dito. Kasal ako kay Pedring at totoong mga anak namin ‘yong mga batang nilalaro mo palagi,” pag-amin ni Teresa. Bakas naman sa mukha ng dalaga ang pagkagulat

“Ate, totoo ba iyan?” paninigurado ng dalaga. Unti-unti nang tumulo ang mga luha nito.

“Oo, at sobrang sakit ng nararamdaman ko kaya lagi akong ganito. Pasensya ka na. Bilin sa’kin ni Pedring na huwag kong sabihin sa’yo. Pero sa tingin ko ay hindi ka dapat mabuhay sa kasinungalingan,” sambit ni Teresa. Napahagulgol naman ang dalaga sa harapan niya.

Lumipas ang ilang araw at tila nagulantang na lamang si Pedring pagkagising niya dahil wala na ang kaniyang totoong asawa at ang kaniyang bagong kinakasama pati ang mga bata. Nakatagpo na lamang siya ng isang sulat sa lamesa.

“Mabulok ka kasama ng lahat ng kasinungalingan mo. Tunay na nagmahal sa’yo ngunit sinayang mo, Teresa at Cecilia.”

Nanlumo si Pedring sa mga katagang nabasa. Halos nabaliw siya dahil sa isang iglap ay nawala ang lahat sa kaniya.

Nung araw na umalis sina Cecilia at Teresa kasama ang mga anak ni Pedring ay napagdesisyunan ng dalawang babae na magtulungan upang makaahon sa pagkakadapa. Ginamit nila ang natitira nilang pera upang magtayo ng maliit na negosyo.

“Salamat, Cecilia. Hindi ko lubusang akalain na tayo pa ang magtutulungan sa buhay,” nakangiting sambit ni Teresa.

“Ate, walang sinumang babae ang dapat masaktan dahil lang sa isa pang babae, ‘di ba?” patawa-tawa namang saad ni Cecilia tsaka niyakap ang kaniyang bagong sandigan sa buhay.

Sa buhay kung mapaglaro ka asahan mong paglalaruan ka rin ng tadhana. Mabilis ang karma kaya mag-ingat ka.

Advertisement