“Josh, nakita mo ba si Robin? Nasa school na raw siya, eh, pero hindi ko makita. Kanina ko pa kasi hinahanap. Hindi naman nagsabi sa’kin kung nasaan na siya.” tanong ni Inna sa kaklase ng nobyo.
“Oo. Kanina pa ‘yon nandito. Baka pumunta sa bahay ni Sir Alex. Diyan lang ‘yon sa gilid ng school,” tugon naman nito habang abala sa pagsusulat.
“Ha? Kay Sir Alex? Bakit naman siya pupunta doon? Hindi niyo naman teacher ‘yon, ‘di ba? Tsaka bakit ang aga-aga pupunta siya doon? At bakit sa bahay? ‘Di ba binabae iyon?” sunud-sunod na tanong ng dalaga. Halata na sa mukha niya ang pagkainis at paghihinala.
“Hala, hindi mo ba alam? Akala ko naman nakuwento na sa’yo ni Robin,” saad ni Josh na talaga nga namang nakapagpainit ng ulo ng dalaga.
“Ang alin? Huwag mo kong niloloko, Josh. Sinasabi ko sa’yo masusuntok talaga kita,” banta pa ni Inna sa lalaki. Bahagya naman itong napatawa sa inaasta ng dalaga.
“Sira. Hindi kita niloloko! Pinapapunta namin doon si Robin dati para ipasa na kami ni Sir Alex sa subject niya. Ewan ko na lang kung anong ginagawa nilang dalawa sa loob ng bahay. Hindi ko rin alam kung bakit siya nandoon ngayon,” lokong sagot ng binata dahilan para mangilid ang luha ng dalaga.
“Sige na. Papasok na ko. Late na ko sa susunod kong subject!” paalam ng dalaga tsaka nagmamadaling umalis.
Dalawang taon nang magkarelasyon sina Inna at Robin. Masaya at palagi silang bukas sa isa’t isa ngunit ang pinagtataka ngayon ng dalaga ay kung bakit tila may itinatago sa kaniya ang binata.
Lumipas ang ilang oras pagkatapos makausap ni Inna ang kaklase ng kaniyang nobyo. Dumating na rin si Robin sa wakas. Pawis na pawis ito at tila pagod na pagod. Halatang pinipilit nitong ngumiti upang huwag nang magtanong ang nobya.
“Hi, baby! Kamusta ka na? Kanina ka pa ba dito?” tanong ni Robin sa nobyang nakasimangot. “Oo,” tipid na sagot ni Inna.
“May problema ka ba o nagugutom ka lang? Gusto mong ibili kita sa canteen ng paborito mong spaghetti?” pangungulit ng binata tsaka gumiling na parang Sexbomb dancer upang makuha ang atensyon ng nobya ngunit tinitigan lamang siya nito ng masama.
“Bakit galing ka sa bahay ni Sir Alex? Anong ginawa mo doon?” tanong ni Inna. Nagulat naman ang binata at bahagyang pinawisan. “Ah, eh, ano, eh. Wala! Nagpasa lang ako ng requirements namin,” nauutal na sagot ni Robin.
“Hindi niyo naman siya teacher ngayon, ‘di ba?” pag-uusisa pa ng dalaga. “Hindi nga pero ‘di ba sa kaniya nagpapasa ng requirements para magkaroon ng discount sa tuition?” palusot naman ng binata.
Tuluyan nang nainis si Inna kaya umalis na lang siya at nagpunta sa kaniyang klase. Pakiramdam niya ay may tinatago talaga sa kaniya ang kaniyang nobyo.
“Malaman laman ko lang talaga ipapahiya ko kayong dalawa,” bulong ng babae sa sarili.
Lumipas ang mga araw na parating nawawala sa ekswelahan ang binata. Lagi ring nababalitaan ni Inna na nandoon daw ito sa bahay ni Sir Alex. Kaya naman isang araw ay hindi na siya nakatiis at sinugod na niya ang mga ito sa bahay ng guro.
Wala pakundangan niyang tinadyakan ang pintuan ng bahay ng guro. Bumungad naman kaagad sa kaniya ang kaniyang nobyo na buhat-buhat ang guro.
“Sinasabi ko na nga ba! Napakababoy niyo! Walangh*ya kayo!” sigaw ng dalaga tsaka pinaghahahampas ang dalawa dahilan para bumagsak sa sahig ang guro.
“Aray ko!” sigaw ni Sir Alex. Ilang patak ng dugo ang tumulo sa sahig. Natamaan ang bagong tahi nitong sugat. Buti na lang at hindi ito bumuka. Bagong opera lang kasi ang guro. Tinanggal ang isang nitong kidney sapagkat hindi na ito gumagana.
Nagulantang at napatigil sa pagbubunganga ang dalaga habang si Josh naman ay natatarantang inalalayan ang guro patungo sa kama nito.
“Inna! Kumuha ka ng tuwalya doon! Dali!” utos ng binata. Agad na kumuha ang dalaga ng tuwalyang ipangpupunas sa sugat ng guro.
Mayamaya pa ay nakatulog na ang guro.
“Josh, ano ba talagang nangyayari? Pasensya na sa nagawa kong eskandalo,” bulong ng dalaga.
“Inna, mali ‘yong iniisip mo. Pasensya ka na kung hindi ko kaagad nasabi. Ayaw niya kasing ipaalam sa iba. Siya ang nagpalaki sa akin. ‘Di ba alam mo namang bata pa lang ako nung iwan kami ni tatay? Siya ang tumulong sa nanay ko sa pag-aalaga sa akin. Best friend siya ni mama. Kaya ngayon na may pinagdadaanan siyang malaking pagsubok ayaw ko siyang iwan.” kuwento ng binata.
Bahagya namang napayuko sa kahihiyan ang dalaga. “Naku, pasensya na, Josh,” bulong pa ni Inna tsaka niyakap ang nobyo.
Ngayon ay kampante na si Inna na hindi siya niloloko ng binata at walang ano mang romantikong relasyon ito sa guro. Tumatanaw lamang ito ng utang na loob sa taong nagpalaki sa kaniya.
Simula nung araw na iyon napagdesisyunan ni Inna na tulungan ang kaniyang nobyong alagaan ang tatay-tatayan nito.
Likas sa tao ang maging mapaghinala ngunit nawa’y maging maingat tayo sa mga aksyong gagawin natin dahil walang mabuting naidudulot ang maling akala.