Inday TrendingInday Trending
Matagal Siyang Nawalay Mula sa Kaisa-isang Anak; Ikagugulat Niya Kung Paano Silang Muling Pagtatagpuin ng Tadhana

Matagal Siyang Nawalay Mula sa Kaisa-isang Anak; Ikagugulat Niya Kung Paano Silang Muling Pagtatagpuin ng Tadhana

“Magnanakaw! Tulungan niyo ako, may magnanakaw!”

Ni katiting na sundot sa konsensiya ay walang naramdaman si Jun habang hinahabol siya ng sopistikadang babaeng hinablutan niya ng bag.

Pumasok siya sa isang madilim na eskinita na kabisado niya na ang pasikot sikot. Nang masiguro niya na hindi na siya maaabutan ng babae ay dali dali niyang inusisa ang laman ng bag nitong mamahalin.

Napangisi siya nang makita ang makapal na bungkos ng lilibuhin sa wallet nito.

“Tiba-tiba!” tuwang tuwang bulalas niya nang makita rin sa loob ng bag ang isang mamahaling cellphone at tablet.

Karaniwan ay itinatapon niya ang bag matapos malimas ang laman nito ngunit sa pagkakataong iyon ay iniuwi niya iyon, dahil sigurado siya na maaaring ibenta iyon sa malaking halaga.

Iyon ang ikinabubuhay niya. Magdadalawang taon na siya sa industriyang iyon, at sa kabutihang palad naman ay isang beses pa lamang siyang nahuhuli.

Hindi naman talaga siya masama. Mabuti siyang ama sa anak niya noon. Pagbabasura ang ikinabubuhay nila ng kaniyang anak na si Nika na noon ay limang taong gulang.

Subalit kinuha sa kaniya ang nag-iisang anak. Wala raw siyang karapatan maging ama sa bata kung hindi niya ito kaya bigyan ng magandang buhay.

Dinala ito sa isang ampunan. Kahit anong pagmamakaawa niya ay hindi ito ibinalik sa kaniya.

Isang araw ay nalaman niya na lang na may umampon na sa kaniyang anak.

Sa huli ay tinanggap niya na rin ang mapait niyang kapalaran. Marahil ay iyon nga ang mas makabubuti para sa anak.

Hindi niya na rin tinangka pang hanapin ang anak. Tama naman ang mga tao, hindi niya rin naman ito kayang bigyan ng maayos na buhay, kaya para saan pa?

Noon niya napagtanto na kahit magkandakuba siya pagtatrabaho ay hindi pa rin iyon sasapat para maging isang ama siya. Kaya bakit kailangan niya pang mamuhay nang marangal, kung may mga mas madaling paraan para kumita siya ng pera?

“Miss na miss na kita, anak. Kung nasaan ka man, sana ay naging maayos ang buhay mo,” lumuluhang bulong niya sa hangin.

Halos dalawang dekada man ang lumipas simula nang mawalay siya rito ay hindi nabawasan ang pangungulila at pagmamahal niya sa anak.

Nang gabing iyon, sa hindi malamang dahilan ay balisa sa Jun. Ganoong ganoon ang pakiramdam niya nang araw na kunin sa kaniya ang nag-iisang anak.

“Pare, pass na kaya ako ngayong gabi? Hindi maganda ang pakiramdam ko eh. Baka mahuli ako ng mga parak!” kinakabahang suhestiyon niya sa kasamahang si Bert.

“Pare, ano ka ba naman, parang hindi ka naman beterano kung magsalita!” natatawang kantiyaw nito.

“Hindi ka ba nanghihinayang? Linggo ngayon, family day, kaya sangkatutak ang tao sa labas dahil maraming nagsisimba at namamasyal,” dagdag pa nito.

Napaisip siya. Tama naman ito. Sayang nga naman ang kikitain niya. Wala siyang nagawa kundi lumabas din ng gabing iyon.

Pilit niyang inignora ang kaba sa dibdib habang nagmamasid sa paligid. Nang makapili siya ng target ay pasimple niya itong sinundan.

Likuran lamang ng dalaga ang nakikita niya ay alam niya na malaki ang mapapala niya rito. Sa kilos at pananamit pa lamang nito ay masasabi niyang hindi ito basta-basta.

Tila napansin nito ang kaniyang presensiya dahil bumilis ito sa paglalakad. Marahil sa pagkataranta nito ay lumusot ito sa isang eskinita na halos walang tao.

Napangisi si Jun. Kabisado niya ang eskinita na ‘yun. Alam niyang dead end iyon, kaya walang lulusutan ang babae.

“Kapag sinuswerte ka nga naman,” bulong niya.

Naabutan niya ang babaeng bakas ang takot sa mukha nang mapagtanto nitong mali ang pinasok nitong eskinita.

“‘Wag ka nang manlaban, nang hindi ka masaktan. Akina ang bag mo, cellphone, at nga alahas!” mariing wika niya sa dalaga.

Sa kaniyang kanang kamay ay hayagan niyang ipinakikita rito ang hawak niyang patalim.

Nanginginig ang kamay na tinanggal nito ang suot na hikaw, singsing, pulseras, at relo.

Hindi mapigilang magdiwang ni Jun. Mukhang doon pa lang ay kikita na siya.

Umiyak na iniabot nito sa kaniya ang mga alahas sa kanang kamay, habang ang mamahaling bag naman sa kabila.

Tatalikod na sana siya nang may mapansin siya.

“Pati ‘yang kwintas mo, akina!” galit na asik niya sa dalaga.

Noon na humagulhol ang dalaga.

“Maawa po kayo! ‘Wag niyo pong kunin ito sa akin. Sa inyo na po lahat, ‘wag lang ito!” pakiusap ng dalaga.

Napaisip si Jun. Marahil ay talagang mamahalin iyon kaya ayaw ibigay ng babae. Sa naisip ay lalo lang tumindi ang kagustuhan niya na makuha iyon.Dali-dali niyang nilapitan ang dalaga at pinigtas mula sa leeg nito ang kwintas. Nang makuha iyon ay kumaripas na siya ng takbo upang tumakas.

Nang makalayo ay una niyang inusisa ang kwintas na tila napakahalaga sa babae.

Napanganga siya nang makitang isang mumurahing kwintas lamang iyon na halos kupas na ang kulay. May hugis puso itong palawit na maaring lagyan ng larawan.

Tuluyan na siyang na-kuryoso kaya binuksan niya iyon. Ganun na lamang ang kaniyang panghihina nang mapagtanto kung sino ang nasa mga larawan. Siya at ang kaniyang anak na si Nika.

Halos nalimutan niya na ang tungkol sa kwintas na iyon.

Nanlalambot man ang kaniyang mga tuhod ay tinakbo niya ang pabalik sa madilim na eskinita.

Naabutan niya ang babae na nakasalampak sa lapag at umiiyak.

“Paano ko na mahahanap si Tatay?”

Hindi na napigilan ni Jun ang pagtulo ng kaniyang luha. Sa wakas ay muli niya nang nakaharap ang kaniyang nag-iisang anak.

“N-nika?” garalgal na tawag niya sa babae.

Gulat itong napalingon sa kaniya. Binalot ang mukha nito ng takot, kapagkuwan ay ng pagtataka.

“Paano niyo po nalaman ang pangalan na iyan? Napalitan na ng Hannah ang pangalan ko,” nagtatakang usisa ng dalaga.

Itinaas niya ang kamay na may hawak na kwintas.

“K-kilala niyo po ang T-tatay ko?”

Umiling si Jun habang patuloy ang pagluha.

“Hindi, hija. Ako ang Tatay mo,” tugon niya sa dalaga.

“P-pero p-paanong? Ano po ang nangyari sa inyo? Bakit po kayo naging magnanakaw? Ang sabi po sa ampunan ay mahirap lang ang Tatay ko. Wala po silang sinabi na ganito,” sunod sunod na tanong ng dalaga.

Nakaramdam ng pagkapahiya si Jun sa anak. Ngunit minabuti niya na ikwento sa anak ang naging dahilan ng kanilang paghihiwalay, at ang naging kabuhayan niya matapos silang mawalay sa isa’t isa.

Pawa silang luhaan nang matapos ang pagbabalik-tanaw. Niyakap siya nito nang mahigpit.

“Ang lungkot lungkot siguro ng naging buhay mo, ‘Tay,” umiiyak na turan ng dalaga.

“Hindi na mahalaga ‘yun, anak. Masaya na akong malaman na napabuti ka.”

Abot abot ang pasasalamat niya nang malaman na sa kabutihang palad ay mabait ang mga nakaampon dito na itinuring itong tunay na anak.

Nakapagtapos na ito ng pag-aaral, at ngayon ay may sarili na itong negosyo na pinatatakbo.

Natupad ang hiling niya na magkaroon ito nang maayos na buhay.

“‘Tay, mangako ho kayo sa akin na hindi na kayo babalik sa pagnanakaw,” pakiusap ng dalaga.

Pinukol niya ito ng isang nahihiyang ngiti.

“Oo naman, anak. Nahihiya nga ako sa’yo, na nalaman mo pa na ganito ang buhay ko,” sagot niya.

Totoo naman iyon. Ngayon magkasama na silang uli ng anak ay sisiguraduhin niyang aayusin niya nang muli ang kaniyang buhay.

Sa tulong ng pamilyang umampon sa anak niya ay nakahanap siya ng trabaho.

Subalit sa totoo lang ay tila hindi niya na rin kailangan ng trabaho dahil regular siyang tinutulungan ni Nika sa usaping pinansiyal, kahit todo ang pagtanggi niya.

Bumabawi raw ito sa mga panahong hindi sila magkasama.

Wala nang mahihiling pa si Jun. Muli na silang magkasama ng kaniyang pinakamamahal na anak.

Naisip niya na marahil ay iyon talaga ang plano ng tadhana para sa kanilang mag-ama. Kung nanatili itong kasama niya, marahil ay hindi isang masaganang buhay ang tinatamasa nito.

Kaya naman sa mga susunod na kabanata ng buhay niya, sisikapin niya nang magtiwala sa plano ng Lumikha nang hindi na siya mapasamang muli.

Advertisement