
Napakasipag at Dedikado ng Binatilyong Ito; Paano Susuklian ng Langit ang Kaniyang mga Sakripisyo?
“Biboy, salamat ha, heto dinagdagan ko ‘yan, dagdag pambaon mo,” nakangiting wika ni Almira sa labing pitong taong gulang na binatilyo nang iabot niya rito ang mga pinabibili nitong mga sangkap sa pagluluto.
“Naku, Ma’am Almira, maraming salamat ho! Malaking tulong ho ito lalo na’t may gagawin ako project sa school!” natutuwang wika niya sa babae nang abutin niya ang pera mula rito.
Nagmamadaling naglakad si Biboy paalis. Alam niya kasi hinihintay na siya ng kaniyang ina at kapatid.
Malamang, kagaya niya, ay kumakalam na rin ang sikmura ng mga ito.
“Kuya!”
Malayo pa lang siya sa bahay nila ay nakikita niya na ang kapatid niyang nagtatalon sa may pintuan.
“Gutom ka na ba, Daisy? Pasensiya na, ngayon lang dumating si Kuya,” wika niya sa kapatid na halatang sabik na sabik na makakain.
“Wow! Fried chicken!” tuwang tuwang wika nito nang ilabas niya ang binili sa supot.
“Anak, baka naman nagastusan ka na naman. Ayos lang naman sa amin ni Daisy kahit simpleng pagkain lang ang bilhin mo,” sabat ng kaniyang inang si Josie. Nang nilingon niya ito, kagaya nang madalas ay bakas na naman sa mukha nito ang matandang hiya.
“Nanay naman, siyempre, kaligayahan ko na naman po na mapasaya kayo ni Daisy kahit minsan lang.”
Nilapitan niya ang ina saka itinulak ang wheelchair nito palapit sa mesa.
“Nahihiya na ako sa’yo, anak. Ako ang ina pero ikaw ang bumubuhay sa akin,” nakayukong wika nito.
Tinapik niya ang ina sa balikat.
“Nanay, ayan ka na naman! Para saan pa na pamilya tayo kung papabayaan ko lang kayo ni Daisy? Saka alam ko naman na kung hindi ka naaksidente ay ikaw ang magtataguyod sa amin,” natatawang paliwanag niya sa ina.
“Salamat, anak. Dadating din ang panahon na susuklian ng langit ang kabutihan mo sa amin.”
“Sana nga po, Nanay! Tama na nga po ang drama. Nakasimangot na kasi si Daisy dahil gutom na gutom na siya eh,” pagbibiro niya upang gumaan ang atmospera.
Natawa ang ina nang makita ang bunso na nanghahaba na ang nguso.
“Sige na nga, kumain na tayo!” masiglang wika ni Josie.
Masayang minasdan ni Biboy ang ina at kapatid na maganang kumakain. Kapag nakikita niya ang mga ito na maayos ang kalagayan ay tila bulang naglalaho ang pagod niya mula sa pag-aaral at pagtatrabaho.
Sa umaga ay pumapasok siya sa eskwelahan. Nasa huling taon na kasi siya ng high school. Sa hapon naman ay nagtatrabaho siya bilang isang “errand boy” o utusan ng kanilang mga kabaranggay.
Halos lahat ay ginagawa niya basta kaya niya – namamalengke, bumibili ng pagkain, bumibili ng regalo, naglalaba, at kung ano-ano pa. Kung minsan nga ay maaari rin siyang pagkatiwalaan sa pag-aalaga ng mga bata.
Marami sa kanilang kabaranggay ang kumukuha ng serbisyo niya, lalo na ‘yung mga masyadong abala sa trabaho at wala nang oras para sa ibang bagay.
Mahigit limang taon na rin siya sa trabahong iyon. Mabigat man kung minsan ang ginagawa niya ay masaya siya – bukod kasi sa nakakatulong na siya sa iba ay natutustusan pa nito ang pangangailangan ng pamilya nila at ang pag-aaral niya.
Alam niyang magiging ngunit pangarap niya na makapagtapos ng pag-aaral at mabigyan ng maayos na buhay ang pamilya niya. Kaya naman ganun na lamang ang pagkayod niya.
Dahil pagod na pagod ay agad siyang nakatulog nang gabing iyon.
Ginising niya nang mahinang pagyugyog.
“Kuya, gising ka na!”
Nabungaran niya ang kapatid. May masayang ngiti ito sa labi na agad na nagbigay buhay sa araw niya.
“Bakit, Daisy? May problema ba?” takang tanong niya sa kapatid.
“Happy birthday, Kuya!” masiglang wika nito at niyakap siya.
Oo nga pala. Kaarawan na niya. Sa sobrang abala ay halos nalimutan na niya iyon.
Nang pumunta siya sa kusina ay nakita niya ang ina na abala sa paghahain. Napangiti siya nang makitang nagluto ito ng paborito niyang pansit.
“Anak, ‘wag ka na kaya muna magtrabaho ngayon? Birthday mo naman,” bungad ng kaniyang nanay.
“Naku, sayang naman po ang kikitain, Nanay. Siguro ho ay uuwi na lang ako nang maaga para naman makapag-celebrate pa rin tayo,” tugon niya sa ina.
Iyon ang inakala niya. Subalit nang pauwi na sana siya ay may huling dalawang kustomer na humabol. Si Kapitan Elmer at ang asawa nitong si Ma’am Rizza.
Hindi niya naman mahindian ang mga ito dahil matagal na niyang suki ang dalawa. Isa pa, dahil sa mga ito kaya siya nakakuha ng maraming kustomer. Madalas siyang irekomenda ng dalawa sa kanilang mga kabaranggay.
Lalo pa siyang namroblema nang makitang sangkatutak na suplay ng pagkain ang pinabibili ng babae. Parang isang buwang pagkain yata iyon!
Si Kapitan naman ay isang mamahaling sapatos ang ipinabibili. Ipangreregalo raw nito sa isang kakilala.
Habang ibinabalot ng sales lady ang sapatos ay hindi maiwasang mainggit ni Biboy. Siya ang may kaarawan, ngunit hayun siya at bumibili ng regalo para sa iba.
Pagod na pagod siya nang marating ang bahay ng kapitan.
Naratnan niya ang bahay na maingay at puno ng bisita.
“Biboy, halika, pumasok ka at kumain ka na muna!” magiliw na bungad ni Rizza.
“Naku, Ma’am, hindi na ho, hinihintay ako nila Nanay–”
“Ano ka ba, andito rin sila Daisy! Halika na!”
Nabigla man ay wala na siyang nagawa kundi magpatianod at pumasok sa loob.
Nagulat siya dahil pawang mga pamilyar na tao ang nandoon. Halos kakilala niya ang mga ito dahil halos lahat ng bisita ay mga suki niya.
Namataan niya ang ina at si Daisy, ngunit bago pa niya malapitan ang dalawa ay isang kanta ang pumailanlang sa paligid.
“Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!”
Nagulat siya nang lumapit sa kaniya si Almira, isa sa kaniyang mga suki, habang hawak nito ang isang magarbong cake.
“Happy birthday, Biboy!” malakas na bati ng lahat.
“A-ano po i-ito?” naguguluhang usisa niya sa babaeng kaharap.
“Hinanda namin ito bilang sorpresa. Gusto naming magpasalamat sa mga tulong na nagawa mo noong mga lumipas na taon,” nakangiting paliwanag ni Almira.
“Bilib na bilib kaming lahat sa dedikasyon mo, Biboy. Kaya tanggapin mo itong mga nakayanan namin,” sabat naman ni Kapitan.
Itinuro nito ang isang sulok kung saan nakalagay ang kaniyang mga pinamili.
“‘Yung mga pinabili namin sa’yo, kasama ‘yung sapatos, sa’yo lahat ‘yun!”
Nanlaki ang mata ni Biboy. Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na mag-aabala ang mga ito nang ganoon para sa kaniya.
“M-maraming salamat po!” hindi na napigil ni Biboy ang emosyon at tuluyan na siyang napaiyak.
“Biboy, mayroon din akong munting regalo sa’yo,” wika naman ni Sir Mike. Isa itong guro.
“Nalaman kasi namin na magkokolehiyo ka na sa susunod na taon. Gusto sana kitang tulungan sa pag-aaral, kaya naman nag-apply ako ng scholarship para sa’yo!”
Hindi makapagsalita si Biboy. Tila walang salita ang sasapat para mapasalamatan ang mga kabaranggay. Patuloy lamang ang pagtulo ng kaniyang luha.
Naramdamanan niya ang pagyakap ng kaniyang ina.
“Sabi ko naman sa’yo, bibiyayaan ng langit ang mga sakripisyo mo,” wika nito.
Tunay ngang biyaya ng langit ang gabing iyon. Dahil sa scholarship na naipagkaloob sa kaniya ay natupad ni Biboy ang kaniyang pangarap na maging isang arkitekto, at tuluyan niyang naiahon ang kaniyang pamilya sa kahirapan.
Sipag, tiyaga, at kabutihang loob – ang mga ito ang naging puhunan ni Biboy upang magtagumpay.