Labis na Nagulat ang Binatilyo Matapos Matuklasan na Manloloko Pala ang Ama na Palagi Niyang Kinakampihan at Iniidolo
Galit si Benjo sa mama niya. Isa kasi siyang certified daddy’s boy kaya nang maghiwalay ang mga ito, at kinailangan niyang tumira kasama ng mama niya dahil menor de edad pa siya ay naghimagsik ang kanyang kalooban.
“16 na naman ako ah? bakit hindi ako makapili?” maktol niya sa ina isang gabing naghahapunan sila.
Halata namang nasaktan ang babae dahil bumalatay ang lungkot sa mukha nito.
“Pwede ka namang dumalaw sa papa mo, pero dito ka titira sa akin.” sabi lang nito.
Inis na napabuntong hininga na lang ang binatilyo dahil alam naman niyang wala siyang magagawa.
Ang mama niya, palagi siyang binabawalan sa lahat ng bagay.Samantalang ang papa niya, binibigyan siya lagi ng pera at pinapabayaan sa lahat ng gusto niyang gawin. Minsan nga ay ipinagtanggol pa siya nito sa ina dahil ginabi siya ng uwi, napa-shot kasi siya kasama ang mga barkada niya.
Ang cool talaga ng papa niya.Sana pwede siyang doon tumira.Hindi niya alam kung bakit naghiwalay ang mga magulang niya siguro kasi, nakakasawa ang mama niya.Kahit naman siya ay hindi makatagal sa presensya ng babae.
Araw ng Sabado, naisipan niyang sorpresahin ang papa niya sa tinitigilan nito.Linggo pa dapat ang dalaw niya dito pero tinatamad siya sa kanilang bahay kaya pupunta nalang siya dito para makipagkwentuhan.
May sariling susi siya sa bahay nito kaya dahan dahan niyang binuksan ang pinto.Tiyak na matutuwa ito kapag nakita siya. Napansin niyang may sapatos ng babae sa pintuan nito pero binalewala niya iyon, baka naiwan lang ng Tita Venice niya, ang kapatid ng kanyang ama.
Pagpasok niya sa bahay ay naabutan niyang may kausap na babae ang kanyang ama, base sa pigura nito ay alam niyang hindi iyon ang kanyang Tita. Sigurado siya, dahil nakakandong pa ang babae sa kanyang ama habang hinahalikan naman ng lalaki ang leeg nito.
Hindi agad nakasalita si Benjo.Kumubli lang siya pader.
“Buti pumayag si Lyka na maghiwalay kayo ano? ilang taon na rin tayong nagtatago, ngayon malaya na tayo.” malanding sabi ng babae.
“Anong hindi siya papayag, sinusuntok ko araw araw. Wala siyang magawa eh.”tatawa tawa pa ang lalaki habang nagkukwento.
Unti unti namang nabubuo ang galit sa dibdib ni Benjo.
“Eh paano ang anak nyo? Okay lang ba sa kanya na nandito ako?” tanong ulit ng babae.
“Ano ka ba.Uto uto naman ang batang yan parang nanay nya, madali kong mapapaniwala yan.All this time nga, ako ang kinakampihan diba? Kaya pala hindi ako sinunod ni Lyka noon nang sinabi ko na ipalaglag nalang si Benjo.Alam nya pala na magmamana sa kanya, pareho silang tanga.” maanghang na sabi ng lalaki.
Hindi akalain ni Benjo na ito ang lalaking hinangaan at inidolo niya. Tinalikuran niya ang ina niya na totoong nagmamahal para sa basurang ito?
Agad siyang umalis at idinabog pasara ang pintuan.
Nagtricycle siya pabalik sa bahay nila, pagdating doon ay naabutan niya ang ina na nagluluto ng meryenda. Bakit hindi niya napansin noon na may mga pasa pala ito? Ganoon ba siya kawalang pakialam sa mama niya?
Niyakap niya ang nagulat na babae.
“Ma, andito lang ako.”
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.
Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.
sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.