Inday TrendingInday Trending
Ipinagtapat ng Janitress ang Katotohanan Kung Bakit Laging Amoy Sunog ang Elevator ng Isang Building

Ipinagtapat ng Janitress ang Katotohanan Kung Bakit Laging Amoy Sunog ang Elevator ng Isang Building

“O guys, dapat noong January pa tayo lilipat pero nagkaaberya lang sa paggawa ng building kaya na-adjust, siguro naman ready na kayo?” tanong ng supervisor ni Eunice. Nagtatrabaho siya sa isang call center, may iba na daw gagamit ng building na kinroroonan nila ngayon sa Paranaque kaya lilipat na sila sa BGC,Taguig. “Anong aberya nga daw po ang nangyari boss?” tanong ng isang kaopisina ni Eunice. “Hindi na binanggit ng management eh, ang sabi lang basta na- postpone.” sagot naman ng supervisor. Sumang ayon naman ang lahat.Sa totoo lang, malaking adjustment ang mangyayari dahil ang dating 30 minutong byahe niya papasok sa trabaho ay magiging isa at kalahating oras na dahil mas lumayo ang kinaroroonan ng building nila, dadaan pa sa EDSA kaya siguradong traffic.Dumagdag pa doon na pang gabi ang trabaho nila. Hindi naman nagreklamo ang mga empleyado dahil dinagdagan ang sahod nila, mayroon ding van na susundo sa kanila sa Ayala para hindi na sila mahirapang magbyahe. Pagdating sa BGC ay tuwang tuwa ang mga empleyado, bago ang lahat ng gamit simula sa mga computer hanggang sa mga upuan.Ang building din kasi mismo ay bagong gawa. Ang tanging napansin lang ni Eunice, tuwing dadaan siya sa mga elevator ay amoy sunog. Noong una ay naalarma siya at lumingon lingon sa paligid, inireport niya rin iyon sa mga guwardiya,pagcheck ng mga ito ay sinabi ng mga itong normal naman ang lahat. “Ma’am, may smoke detector naman po tayo kaya konting usok lang mag aalarm po yan.”paliwanag ng mga guard na ikinapanatag naman ng loob ni Eunice. Lumipas ang ilang buwan. Pumasok ng maaga si Eunice, 10pm pa ang time niya pero 8pm pa lang ay naroon na siya. May mga kailangan kasi siyang tapusing trabaho na naiwan niya kahapon. Tahimik ang paligid at ang tanging naririnig ay ang pagtunog ng keyboard ni Eunice. Hindi niya alam kung guni guni niya lang pero parang may maitim na aninong dumaan sa gilid niya, naisip ng dalaga na marahil ay kulang siya sa tulog kaya napagdesisyunan niyang bumaba muna ng building at bumili ng kape. Nasa 19th floor siya, sumakay na ng elevator at pinindot ang ‘G’ para makarating sa Ground floor. Isinara na niya ang elevator pero muling bumukas ito, lumingon siya sa kaliwa’t kanan para tignan kung may sasakay ba pero wala namang ibang tao, kaya isinara na niya ulit. Habang pababa siya ay naamoy niya na naman ang pamilyar na sunog na amoy. Pumikit lang ang dalaga at nagdasal na sana ay makalabas na siya.Kung magkakasunog ay wag naman sana siyang makulong doon. Hindi niya namalayan na bumukas na pala ang elevator at nasa Ground floor na siya. Matapos magkape ay bumalik na siya sa itaas, masyado pa ring maaga at konti pa lang ang empleyado. Bago pumasok sa loob ay muli niyang nilingon ang elevator. “Naamoy ninyo rin po ano?”sabi ng isang matandang janitress. “Yung sunog po? Akala ko ako lang, kayo rin? hindi kaya delikado yan?” sabi niya sa matanda. “Wala namang kaso sa elevator, matagal nang gawa iyan.Ibang sunog po ang naaamoy nyo siguro.”makahulugang sagot nito sa kanya. “Ano’ng ibig nyo pong sabihin?”tanong niya ulit. “Hindi nyo pala alam bakit kayo na-postpone ng lipat dito.” sabi ulit ng matanda. “bakit nga po ba?” tuluyan nang nakuha nito ang atensyon niya. “Ginagawa pa lang ang elevator nang makuryente ang electrician diyan, naka lunch break ang mga kasamahan niya noon kaya di siya natulungan. Huli na nang makita siya, …sunog at bangkay na.” Nanghilakbot si Eunice sa narinig, ibig sabihin tuwing may naaamoy siyang sunog ay nasa malapit lang ang electrician. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement